Watch Now

Richest Pinoy Manny Villar takes over ABS-CBN channels: A Timeline

by J. Navarro
Feb 5, 2022
Manny Villar ABS-CBN frequency
Three months ahead of the 2022 elections, the National Telecommunications Commission grants ABS-CBN channel frequencies to Manny Villar-owned media company Advanced Media Broadcasting System, Inc.
PHOTO/S: Manny Villar Facebook

Inaabangan na ang pagbabalik sa ere ng Channel 2—na kilala ng mga Pilipino bilang Kapamilya network ng ABS-CBN Corporation, ang dating pinakamalaking media conglomerate sa bansa.

Ito ay makaraang igawad ng National Telecommunications Commission (NTC) sa Advanced Media Broadcasting System, Inc. (ABMS) ang pansamantalang kontrol sa dalawang channels na dating ginagamit ng ABS-CBN: ang Channel 2 at Channel 16.

Sa pahayag ng NTC nitong January 25, 2022, nakumpirmang binigyan ng “temporary” permit ang AMBS para gamitin ang Channel 2—na dating analog TV frequency ng ABS-CBN.

“Provisional authority” ang ibinigay ng NTC sa AMBS para makapag-operate gamit ang Channel 16, na dating digital TV frequency ng Kapamilya network.

Ang AMBS ay pagmamay-ari ng dollar-billionaire business tycoon at dating senador na si Manny Villar, 72.

Read: Manny Villar media company acquires ABS-CBN frequencies

WHO IS MANNY VILLAR?

Bagamat popular ngayon bilang pinakamatagumpay na negosyanteng Pilipino, unang nakilala ng publiko si Villar sa larangan ng pulitika.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Nagsilbi siyang kinatawan ng Las Piñas City sa Kamara de Representantes simula 1992 hanggang 2001.

Sa huling bahagi ng kanyang termino, pinamunuan ni Villar ang Mababang Kapulungan bilang ika-18 Speaker of the House noong 1998 hanggang 2000.

Pag-alis sa Kamara, nahalal namang senador si Villar noong 2001 at nagsilbi sa Mataas na Kapulungan hanggang 2013.

Pinamunuan din ni Villar ang Senado nang siya ay maging ika-25 Senate President noong 2006 hanggang 2008.

Taong 2010 nang kumandidato si Villar sa pagkapangulo, pero tinalo siya ng noon ay kapwa senador na si Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III.

Nang matapos ni Villar ang kanyang huling termino sa Senado noong 2013, tuluyan na siyang nagretiro sa pulitika at piniling tutukan ang pagpapalago sa real estate business ng kanyang pamilya.

THE RICHEST FILIPINO

Bilang chairman ng MB Villar Group of Companies, pagmamay-ari ni Villar ang Vista Land and Lifescapes, Inc., Camella Homes, All Value Holdings, Inc., Starmalls, Vista Mall, at Golden Bria Holdings, Inc.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Sa Villar Group din ang All Day convenience stores, AllBank, Inc., Coffee Project, Prime Water, Golden Haven Memorial Park, Streamtech, Planet Cable, AMBS, at maraming iba pa.

Sa nakalipas na mga taon, napanatili ni Villar ang kanyang status bilang pinakamayamang Pilipino sa net worth niyang $7.2 billion, o PHP349.7 bilyon, batay sa 2021 World's Billionaires List ng Forbes magazine.

Asawa ni Villar si incumbent Senator Cynthia Villar at mayroon silang tatlong anak.

Anak nila si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar—na kandidato sa pagkasenador para sa Eleksyon 2022 sa ilalim ng PDP-Laban.

Ang nag-iisa nilang anak na babae na si Camille Villar-Genuino ay kasalukuyang House Deputy Speaker bilang incumbent congresswoman ng Las Piñas. Siya ay isa sa 70 kongresista na bumotong ibasura ang franchise renewal application ng ABS-CBN noong July 2020.

Samantala, pagnenegosyo ang tinutukan ng isa pa nilang anak na si Paolo Villar, na President-CEO ng Vista Land and Lifescapes, Inc.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

TAKING OVER ABS-CBN’S FORMER CHANNELS

Bagamat retirado na sa pulitika si Manny Villar, isa siya sa mga kilalang masugid na tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang katotohanang ito ay iniuugnay ng marami sa pagkakakopo ng AMBS ni Villar sa mga dating broadcast frequencies ng ABS-CBN Corporation—partikular na ang Channel 2 na 66 taong hinawakan ng Kapamilya network ng pamilya Lopez.

Pinaniniwalaan kasing si Duterte ang nasa likod ng hindi pagkaka-renew ng 25-taong prangkisa ng ABS-CBN noong 2020.

Taong 2017 pa paulit-ulit na nagbanta ang Presidente na haharangin ang franchise renewal ng ABS-CBN dahil hindi nito iniere ang kanyang presidential campaign ads noong 2016.

Humarap sa sari-saring akusasyon ang ABS-CBN mula sa kampo ng gobyerno hanggang sa napaso ang prangkisa nito noong May 4, 2020.

Sa pagdinig ng Senado sa franchise application ng network, humingi ng paumanhin si ABS-CBN CEO Carlo Katigbak kay Pangulong Duterte, na tinanggap naman ng opisyal.

Pero sa huli, tuluyang ibinasura ng Kamara—na mayorya ay kaalyado ng Pangulo—ang franchise renewal application ng ABS-CBN noong July 10, 2020.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Sa gitna ng pagkuwestiyon ng ilan sa paglilipat ng NTC sa mga dating TV channel frequencies ng ABS-CBN sa isa sa mga kumpanya ni Villar, tinunton ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kung paanong nadagdag sa real estate at retail empire ng pinakamayamang Pilipino ang media asset na dating sa ABS-CBN.

TAKEOVER OF ABS-CBN’S FORMER FREQUENCIES: A TIMELINE

2006: THE DIGITAL MEDIA DREAM

Oktubre 2006 nang dumulog ang AMBS sa NTC bilang unang broadcasting company na nag-apply ng permiso para makapag-operate ng digital TV sa Metro Manila, ayon sa press statement ng komisyon nitong January 25, 2022.

Noong mga panahong iyon, ang AMBS—na nagpapatakbo sa radio station na 103.5 K-lite—ay pagmamay-ari ni Atty. Jose Luis Vera, ang nagtatag sa kumpanya noong 1994.

Para sa minimithing digital media, sumailalim ang AMBS sa quasi-judicial process at dumaan sa mga pagdinig habang matiyagang nag-aabang ng bakanteng digital TV frequency.

2019: FRESH FRANCHISE FOR ADVANCED MEDIA

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

March 2019 nang sa bisa ng Republic Act 11253 ay pinalawig pa ng Kongreso ng karagdagang 25 taon ang prangkisa ng AMBS.

Kahit pa may bagong prangkisa, ang AMBS ay naghihintay pa rin ng magagamit nitong digital TV frequency at isang simulcast channel.

2020: ABS-CBN & PLANET CABLE

July 10, 2020 nang nagkakasundong ibinasura ng 70 kongresista ang franchise renewal bid ng ABS-CBN.

Nangyari iyon mahigit dalawang buwan makaraang ipasara ng NTC ang broadcasting unit ng ABS-CBN kasunod ng pagkakapaso ng 25-taong prangkisa nito noong Mayo 4, 2020.

Taong 2020 rin nang ginamit ng Villar Group ang fixed-line broadband internet service nitong Streamtech upang iprisinta ang kakayahan ng kumpanya para sa posibilidad na ito ay maging ikatlong telco services sa bansa.

Pero ayon sa blog ng beteranong business journalist na si Lala Rimando nitong January 26, 2022, umatras daw ang Streamtech kalaunan at nanalo sa bidding si Dennis Uy ng DITO Communications.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Sa parehong taon, ayon pa kay Rimando, binili ng Streamtech ang sister company nitong Planet Cable—na hindi nagtagal ay nakipag-partner naman sa telco equipment manufacturers para maging isang mas malaking kumpanya.

2021: VILLAR ACQUIRES ADVANCED MEDIA

September 2021, sa Senate hearing para sa broadcast franchises ay inamin ng AMBS na nagkandalugi-lugi ito dahil sa COVID-19 pandemic.

Dumating pa nga raw sa puntong nagtanggal na ang kumpanya ng mga empleyado.

Sa isang report ng ABS-CBN News nitong January 26, sinabing lampas PHP3 milyon ang nalugi sa AMBS sa huling bahagi ng 2020, base sa huling filing ng kumpanya sa Securities and Exchange Commission (SEC).

Sa kabilang banda, natukoy naman sa SEC filings ng Planet Cable na kumita ito ng PHP164.2 milyon noong 2020, mahigit sa doble ng PHP69.3 milyon na kinita nito noong 2019, iniulat ng ABS-CBN News.

Ayon pa sa report, pumapalo sa PHP3.6 bilyon ang total assets ng Planet Cable.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Dahil dito, pinahintulutan ng Kongreso ang hiling ng AMBS na ibenta nito ang kumpanya sa Planet Cable ni Villar—kalakip ang fresh franchise ng broadcast firm.

2022: VILLAR GETS ABS-CBN CHANNELS

January 25, 2022 nang ianunsiyo ng NTC na ginawaran nito ng 18-month provisional authority ang AMBS para mag-operate ng digital TV broadcasting system sa Metro Manila gamit ang Channel 16 habang magsisilbing simulcast channel nito ang Channel 2.

Saad sa NTC statement: “This temporary assignment is for simulcast purposes only, and only until the analog shut-off scheduled in 2023.

“The temporary assignment was granted to ensure service to both analog and digital TV signal users as the country transitions to full digital TV.”

Bukod sa Channels 2 at 16, naipamahagi na rin ng NTC ang dalawa pang dating broadcast frequencies ng ABS-CBN.

Ang Channel 23, na dating Studio 23 at Sports+Action (S+A) ng ABS-CBN, ay naibigay na sa Aliw Broadcasting Corporation.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Ang Aliw Broadcasting Corporation ang nagpapatakbo sa DWIZ at Philippine Business Daily Mirror, na nasa ilalim ng ALC Group of Companies ng namayapang negosyanteng si Antonio Cabangon-Chua.

Pagmamay-ari rin ng ALC Group ang Nine Media Corporation, na nagpapatakbo sa CNN Philippines.

Samantala, ang Channel 43—na gamit noon ng digital channel na ABS-CBN TV Plus—ay naibigay na ng NTC sa Sonshine Media Network, Inc. (SMNI) ni Pastor Apollo Quiboloy, ang spiritual adviser ni Pangulong Duterte.

Si Quiboloy ay wanted ngayon ng Federal Bureau of Investigation (FBI) dahil sa pagkakasangkot umano nito sa labor trafficking.

HOT STORIES

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Three months ahead of the 2022 elections, the National Telecommunications Commission grants ABS-CBN channel frequencies to Manny Villar-owned media company Advanced Media Broadcasting System, Inc.
PHOTO/S: Manny Villar Facebook
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results