Kumpirmadong wala na si Paolo Bediones sa News5, ang news department ng TV5.
Ilang araw nang hindi napapanood si Paolo bilang news anchor sa Frontline sa Umaga, ang morning newscast ng TV5.
Nag-umpisa siyang maging anchor ng news program noong 2021. Ito rin ang nagsilbing pagbabalik-telebisyon niya pagkatapos ng limang taon.
Pero noong Lunes, February 7, 2022, ipinakilala nang si Gretchen Ho ang magsisilbing anchor ng Frontline sa Umaga.
Kahapon, February 9, nakatanggap ng balita ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na “terminated” si Paolo sa kanyang post sa News5 simula noong February 1, 2022.
Ayon sa source, may kinalaman ito sa nangyari sa kumpanya ni Paolo na Ei2 Tech Inc., na bumuo ng TV lessons para sa DepEd TV, ang TV channel ng Department of Education (DepEd).
Kagabi, February 9, hiningi ng PEP.ph ang statement ng TV5 tungkol sa pagkawala ni Paolo sa programa.
Ngayong umaga, February 10, natanggap ng PEP.ph ang official statement ng TV5—sa pamamagitan ng Viber message mula sa media.Xchange, ang official public relations agency ng TV5.
Kinumpirma ng TV5 na ni-release na si Paolo mula sa kontrata niya sa News5 noon pang February 1, 2022.
Sinabi rin sa statement na may kaugnayan ito sa mga isyu ng kumpanya ng host na Ei2, dahil “adversely affected” nito ang pagiging news anchor niya sa News5.
Narito ang pahayag ng TV5:
“Issues surrounding Paolo Bediones’ company Ei2, its partners and workers have adversely affected his work as a news anchor for News5.
“For this reason, the network deemed it best to release him from his contract effective February 1, 2022.”
Nagpadala ang PEP.ph ng mensahe kay Paolo sa pamamagitan ng Instagram direct message upang hingin ang panig niya tungkol dito subalit wala pa kaming nakukuhang sagot.
EI2 TECH ISSUE
Nag-ugat ang isyu ni Paolo sa kanyang private production company na Ei2 Tech, na nagkaroon ng partnership sa Department of Education para sa educational programs ng DepEd TV.
Ang Ei2 Tech ang producer ng 10-15-minute video lectures para sa iba’t ibang grade levels mula October 2020 hanggang September 2021.
Kinuha ng Ei2 Tech ang serbisyo ng halos apat na daang (400) media workers at professionals para sa DepEd TV.
Pero nagkaroon ng reklamong delayed na ang talent fee na ipinangako sa media workers kaya nagbanta silang dadalhin na sa korte ang problema.
Noong January 27, 2022, unang nagsalita si Paolo tungkol sa isyu kung saan inamin niyang nagkaroon ng delay sa talent fees pagkatapos mag-back out ang isang investor dahil sa COVID.
Pero sinabi rin ni Paolo na may mga "dispute" umano na kailangang i-settle ang workers sa kanyang kumpanya.
Read: Paolo Bediones airs side on delayed compensation of DepEd TV workers
Noong Biyernes, February 4, 2022, inilathala sa PEP.ph ang panig ni Andres Bonifacio, isa sa 42 executive producers (EP) na nagtrabaho sa kumpanya ni Paolo.
Ayon sa kanya, umabot sa PHP42M ang diumano'y hindi binayaran ni Paolo na talent fee at services ng higit 200 katao na nakapag-deliver ng kinakailangang episodes para sa DepEd TV.
Nabanggit din sa salaysay ni Andres ang diumano'y "pandaraya" ni Paolo Bediones sa panibagong bidding para sa "Phase 2" ng DepEd TV.
Ayon kay Andres, ginamit umano ni Paolo ang curriculum vitae (CV) ng Ei2 Tech contractual workers para sa supporting documents na isinumite sa Department of Education (DepEd).
Nagkakahalaga umano ng "PHP654 million" ang Phase 2 project na iyon ng DepEd TV.
Nagbanggit pa si Andres sa PEP.ph ng dalawang pangalang kilala sa news and current affairs industry na kasama sa listahan ng personnel na isinumite umano ni Paolo.
Mariin ding inalmahan ni Andres ang sinasabi ni Paolo na “dispute” na kailangang i-settle ng workers para sa kumpanya.
Read: Paolo Bediones owes 200 DepEd TV workers "P42M" unpaid talent fee, claims executive producer
Sa ulat naman ng TV Patrol ng ABS-CBN noong February 2, 2022, sinabi ni DepEd Undersecretary Alain Pascua na walang kinalaman ang ahensya sa isyu ng workers laban sa kumpanya ni Paolo.
Mananatiling bukas ang PEP.ph sa anumang pahayag ng mga personalidad na nabanggit sa artikulong ito.
