Sa unang pagkakataon ay ipinasilip ni Angeline Quinto, 32, ang mukha ng boyfriend sa ipinost na video ng singer na kuha sa kanyang maternity shoot.
Si Angeline ay seven months pregnant at nakatakdang manganak sa isang baby boy sa darating na Abril.
Bago magtapos ang 18-minute video, ipinasilip ng Kapamilya singer ang behind-the-scenes ng nangyaring maternity shoot.
Kabilang na rito ang sweet moments nila ng kanyang boyfriend.

Pahapyaw na ipinasilip ng singer-actress ang hitsura ng lalaki.
Mapapanood din ang eksenang dahan-dahang hinalikan ng boyfriend ang noo ni Angeline habang magkaharap sila.
ANGELINE'S BOYFRIEND
Nagsalita si Angeline tungkol sa ama ng kanyang ipinagbubuntis sa YouTube video ni Boy Abunda noong December 2021.
Hindi nangimi si Angeline na amining ang ama ng kanyang dinadala ay may dalawang anak sa ibang babae.
Pero giit ng singer, hindi ito kasal sa dating nakarelasyon.
Paglalarawan ni Angeline sa karelasyon: guwapo, baby face, at mas bata sa kanya ng tatlong taon.
“Nakilala ko po siya dahil kaibigan siya ng boyfriend ng kaibigan ko sa Sampaloc, Manila,” lahad ni Angeline.
“Nung nagkita kami isang beses, hanggang sa nagkaroon na kami ng communication, nagtuluy-tuloy.
“So ngayon, bale mag-iisang taon mahigit na rin po kami."
Naibahagi pa ni Angeline na tila nagkaroon sila noon ng instant attraction ng boyfriend.
Anang singer, “Ganoon pala yun, parang alam mo agad.
"Matagal na rin po akong hindi nagkaroon ng relationship. Nagkakilala kami parang bago pa ang pandemic.”
Aminado si Angeline na sa simula ng relasyon ay may mga kumplikasyon na.
Gayunman, sabi niya, “Tinanggap ko kahit alam kong may mga kumplikado sa kanya.
“Sinabi din naman niya sa akin yung tungkol sa mga past niya, kasi po meron din siyang anak sa ibang babae.”
Ikinasiya ni Angeline na kusang inamin sa kanya ng boyfriend na may mga anak ito sa ibang babae.
Sa kabila ng pagsasabi tungkol sa boyfriend, hindi binanggit ng singer ang pangalan ng lalaki.
Katuwiran ni Angeline, mas nais niyang protektahan ang privacy ng kanyang karelasyon.
