Pinanindigan ni Karla Estrada ang kanyang unang sinabi na may laya ang bawat isa sa kanilang pamilya na mamili ng kanilang susuportahan sa eleksyon.
Kasunod ito ng pagdeklara ng anak na si Daniel Padilla ng kanyang suporta sa kandidatura ni presidential aspirant at Vice President Leni Robredo kahapon, March 9, 2022.
Viral ang mga larawan ni Daniel, kasama ang direktor na si Mandy Reyes, kung saan makikita ang campaign poster ni Robredo sa gitna ng dalawa.
Caption ni Direk Mandy sa kanyang post sa Facebook: “Aba ewan ko sa inyo. Basta kay #LiderLeni kami ng tropa kong gangster."
Sinamahan niya ito ng hashtags na #IpanaloNa10To #LiderLeni #DapatLeni #TagagawaNgPatalastasForLeni #GobyernongTapat #AngatBuhayLahat”

Sa Instagram ngayong araw, March 10, iginiit ni Karla na pinalaki niya ang kanyang mga anak na may malayang pag-iisip at desisyon.
Sinamahan ito ni Karla ng larawan niya kasama ang mga anak na may nakasulat na “In My Family We Strongly Believe In Democracy.”
Nakasulat sa caption: “I raised my children to have their own opinion, stand their ground not because they are swayed by the public.
"They have an independent mind rooted in their own beliefs. But in the end We Talk, We Love and Live Harmonously. [heart emoji]”
View this post on Instagram
Hayag ang suporta ni Karla sa kandidatura ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at ka-tandem nitong si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
Unang namataan si Karla na sumampa sa entablado ng Marcos-Duterte rally sa Philippine Arena, noong February 8, 2022.
Ang actress-singer-TV host ay kumakandidatong third nominee ng Tingog party-list, na ang kasalukuyang representante ay si Yedda Romualdez.
Si Romualdez ang isa sa 70 kongresista na bumoto na huwag i-renew ang prangkisa ng ABS-CBN.
Si Daniel ang isa sa pinakasikat na artista ng ABS-CBN, habang si Karla ay dating host ng daily morning talk show ng network na Magandang Buhay.
Umalis si Karla sa show nang siya ay mag-file ng certificate of candidacy noong October 2021.
Nitong nakaraang Pebrero, nagpahiwatig na si Karla na magkaiba sila ng anak ng paniniwala sa pulitika.
