Tila nais nang tapusin ni Sharon Cuneta ang kontrobersiyang nilikha ng kanyang post tungkol sa senatorial candidate na si Atty. Salvador Panelo.
Nag-rant si Sharon sa social media dahil kinanta ni Panelo ang "Sana’y Wala Nang Wakas" sa isang campaign sortie sa Quezon City noong March 10, 2022.
Ang "Sana'y Wala Nang Wakas" ay ang 1986 hit song ni Sharon na isinulat ng namapayang composer na si Willy Cruz. Nagkaroon pa ng pelikula si Sharon na may parehong pamagat.
Katuwiran ni Sharon, “off” na kantahin ng isang kandidato ang pinasikat na kanta ng asawa ng vice presidential candidate mula sa political opponent nito.
Si vice presidential candidate Senator Kiko Pangilinan, asawa ni Sharon, ay kabilang sa grupong kalaban ng alyansang kinabibilangan ni Panelo.
Sabi pa ni Sharon sa isang tweet: "WHY?!!!Tell me WHY?!!!I gotta fight for my song’s rights as well as Willy Cruz’s who wrote it! Cannot be. Di dapat sinisira ang isang classic.
"Basta TAYO ANG AT MAY ORIG! Oh please WE HAVE NOT ALLOWED YOU TO USE OUR SONG! Please stop. Nakakaawa naman ang kanta namin at nakakahiya."
Nagkaroon din ng palitan ng mensahe sa Twitter si Sharon at anak na si Frankie Pangilinan tungkol dito, kung saan makahulugang sinabi ng Megastar na sinira ni Panelo ang isang classic song.
Sumagot dito si Panelo. Bukod daw sa espesyal sa kanya ang kanta, nilinaw niyang humingi muna siya ng permiso sa music label na may-ari ng kanta.
Ani Panelo: “In any case, I did reach out to the copyright owner, Viva Records, and they've confirmed that I have permission to sing the song."
SHARON TAKES A STEP BACK FROM THE ISSUE
Umani ng iba't ibang komento ang naging reaksiyon ni Sharon, pero maraming netizens ang nadismaya sa kanya.
Kinastigo nila ang singer/actress/host sa anila’y pagiging madamot nito sa kanta.
Sa pamamagitan ng Instagram ngayong Sabado, March 12, nagpahayag si Sharon na gusto niyang ituon ang kanyang atensiyon sa positibo.
Makahulugang mensahe niya sa Instagram: "From now on, GOOD VIBES ONLY!!!"
Mga positive emojis ang ginamit ni Sharon para sa caption, gaya ng laughing emojis, pink heart emojis, waving emojis, at smiling faces with three hearts.
Pero hindi pa rin siya tinantanan ng kanyang mga kritiko sa comments section.
Maraming netizens ang kumastigo muli sa Megastar kaugnay ng pagpuna nito kay Panelo.

Sinuportahan naman si Sharon ng kanyang mga tagahanga.
Bago ito, isang quote ang ipinost ni Sharon sa Instagram sa kasagsagan ng isyu.
Nakasaad dito: “Don’t let the ugly in others destroy the beauty in you.”
Pero nagsunud-sunod din dito ang pagpuna ng netizens sa Megastar.
Ang ilan, sinabihan pa si Sharon na “practice what you post” o "walk the talk."
Patuloy naman ang pagtatanggol sa kanya ng supporters.

