Sumagot si Bea Alonzo sa ilan sa mga komento ng bashers sa kanyang page tungkol sa mga naging relasyon niya.
Ginawa niya ito sa pamamagitan ng isang vlog entry na may titulong “Reacting To Mean Tweets About Me.” Ini-upload niya ito kahapon, March 12, 2022.
Isa sa mga kinomentan ng netizens ay ang pag-amin ni Bea sa isang video interview kasama ni Enchong Dee tungkol sa pagpe-fail niya sa kanyang mga dating relasyon.
Nailathala ito sa PEP.ph noong October 2020 kung saan nakuha ni Bea ang mean comment.
Sabi ni Bea: “Ah, kasi sabi ng PEP, ‘Bea Alonzo says she keeps failing in her relationships,’ parang nasabi ko ata sa isang guesting ko.
“And then sabi niya [ng netizen], ‘Lol baka sayo na may mali.’”
Nang basahin ito ni Bea ay bahagya siyang nalungkot.
Reaksiyon niya, “Uy, ang sakit naman nun. Sakit naman nun.”
Agree naman si Bea sa netizen, pero itinatama naman na raw niya ang kanyang mga naging pagkakamali noon.
At kung anuman daw ang mga naging pagkakamaling iyon ay hindi madya-justify na siya ay nasaktan.
Saad ni Bea, “Alam mo, baka tama ka, baka may mali sa akin. Kaya nga ngayon, itinatama ko yung mga mali ko.
“Kasi totoo naman, meron talaga akong mga mistakes na nagawa in the past but that doesn’t justify the fact na nasaktan ako.
“Kung anuman yung mga mali sa akin, itinatama ko because it’s all about owning up to your own mistakes and striving hard to be on the right track and be a better person.”
Ang karelasyon ni Bea ngayon ay ang actor-model na si Dominic Roque.
Ilan sa mga naging ex-boyfriend ni Bea sa showbiz ay sina Gerald Anderson, Zanjoe Marudo, at ang namayapang si Miko Palanca.
COMMENTS ABOUT HER RELATIONSHIPS
May ilang netizens ding nagkomento tungkol sa relasyon nina Bea at Dominic na sinagot ng Kapuso actress.
Una na rito ang netizen na nagsabing “parang perfectionist” si Bea sa kanyang relasyon at wala raw nagtatagal na relasyon kung paiiralin ang pagiging perfectionist.
Sabi ni Bea, hindi naman siya perfectionist dahil siya rin mismo ay hindi perfect.
Paliwanag niya, “I am not a perfectionist. In fact, I, myself, am not perfect and nobody is perfect, and I don’t strive to be one, nakakapagod siguro yun.
“But I strive to have a comfortable and honest relationship. So, hindi ako perfectionist.”
Aminado rin si Bea na noon ay idealistic siya pero natutunan na niyang makipag-compromise. Pero napasobra rin daw ang pagku-compromise niya kaya “napasama” siya.
“Dati, idealistic ako, I have to admit.
“Natutunan ko na ang beauty ng compromise and, sa totoo lang, napasama nga ako dahil I compromised so much in the past, so dapat may boundaries.”
Pinuna naman ng isang netizen ang pagsakay ni Bea sa hilig ng kanyang mga naging karelasyon.
Saad ng netizen na binasa ni Bea (published as is), “Wehhh kung anong hilig ng mga jowa mo @beaalonzo hinihilig rin. Seasonal ang hilig walang originality, pag mag break ayaw na rin tpos next hilig ng jowa ganun ulit.”
Natatawang reaksyon ni Bea dito, “Ugh, galit na galit siya.”
Aminado naman si Bea na kung ano ang hilig ng mga nagiging boyfriend niya ay nagiging hilig din niya.
Paliwanag ng 34-year-old actress, “Well, totoo naman, kung ano yung hilig ng dyowa ko nagiging hilig ko rin.
“Parang gusto kong pasukin yung mundo niya so that I can understand him.
"Like, dati meron akong naging boyfriend, mahilig sa golf, so nag-golf din ako. Meron naman mahilig sa exercise so I got into fitness.
“Ngayon, hindi pa naman ako nagmu-motor, mahilig mag-motor si Dom.
“Pero, I don’t think there’s anything wrong with it. Siguro, hindi niyo lang nakikita na meron din ako na mga hilig or hobbies na nagugustuhan din ng boyfriends ko.
"Feeling ko, wala namang masama doon. It’s about broadening your world."
Isa pa sa comment na kanyang binasa ay: “Parang ang boring maging jowa ni Bea.”
Natatawang sagot ni Bea dito, “Tanong natin kay Dom! Parang okay naman siya, happy naman siya.”
