Binira ni Gladys Guevarra si Sharon Cuneta dahil sa aniya'y “nakakadiring” post ng Megastar laban kay senatorial aspirant Salvador Panelo.
Ito ay kaugnay ng pag-awit ni Panelo ng kanta ni Sharon na "Sana’y Wala Nang Wakas" sa isang campaign sortie sa Quezon City noong March 10, 2022.
Inalmahan ito ni Sharon dahil sinira raw ni Panelo ang klasikong kanta niya.
Post ni Sharon sa social media accounts niya noong March 11: "Nanang ko po pls lang nakakahiya naman sa amin ni Willy Cruz! You are not allowed to use our song! Don’t mess with a classic. I allow its use only for Leni-Kiko! LOL. Utang na loob baka bumangon si Willy nakakahiya naman sa amin! Kinilabutan ako. In a bad way. Lol.”
Sa Facebook kahapon, March 13, naglabas ng kanyang reaksiyon si Gladys tungkol sa post ni Sharon kaugnay ng pagkanta ni Panelo ng "Sana'y Wala Nang Wakas."
Nakisimpatiya ang singer-comedienne kay Panelo dahil mayroon din daw siyang pamangkin at pinsan na may Down syndrome.
Sabi ni Gladys, “Bilang may pinsan at pamangkin akong may Down Syndrome, may pamangkin din ako at may anak akong may Autism...
"Sinasaluduhan at nire-respeto ko si Senator Panelo hindi sa kahit anu pa mang political reasons, Pero sa pagiging Amazing father nya. [heart emoji]”
Sa official statement na inilabas ng dating miyembro ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi nitong kinakanta niya ang "Sana'y Wala Nang Wakas" bilang alay niya sa kanyang anak na may Down syndrome na namayapa na.
Kasunod nito ang pagbira ni Gladys kay Sharon na dati raw niyang iniidolo.
Ayon kay Gladys, nanghinayang siya sa pagkasira ng reputasyon ni Sharon dahil lamang umano sa negative post nito laban kay Panelo.
Pahayag ng singer-comedienne (published as is), “Dati idolo ko si Sharon Cuneta, tuwang tuwa pa ko ng magkaroon ako ng pagkakataong makilala sya ng personal noon sa Eat Bulaga.
“Nakakapanghinayang lang, at tama naman din yung isang nabasa ko.
“Sayang yung ilang dekadang binuo mo at pinakaingatang magandang imahe, sinira mo lang sa iisang nakakaidiring post at negative reaction mo sa ginawang pag awit ni Senator Panelo sa kanta na sinasabi mong dapat ipinaalam sayo.”
Bira pa ni Gladys kay Sharon: “I used to have so much respect sayo Mega, bilang mang aawit din ako.
“Ngayon, malinaw pa sa mineral water na nakita ng lahat ang tunay mong ugali..."
Isa sa mga ginamit na hashtag ni Gladys ay patama sa kandidatura ng mister ni Sharon na si Senator Kiko Pangilinan: “#ilangbotokayamawawalakayKikokontinangalangbinawasanmopa”
Kumakandidato ang asawa ni Sharon na si Senator Kiko Pangilinan bilang bise presidente kay presidential aspirant at Vice President Leni Robredo.
Wala pang reaksiyon si Sharon tungkol sa post na ito ni Gladys.
Sa ngayon ay burado na sa social media accounts ni Sharon ang post niya tungkol sa pagkanta ni Panelo ng "Sana'y Wala Nang Wakas," na umani ng batikos mula sa maraming netizens at sa mga tagasuporta nina Ferdinand Marcos Jr. at Sara Duterte.
Ngunit noong March 12 ay nagpahiwatig ang singer-actress na gusto na niyang mag-move on sa isyu sa pamamagitan ng mensaheng ito:
