Si Ariel Rivera na mismo ang nagkumpirma na ang kakulangan sa budget ang dahilan kung bakit niya nilisan ang TV5 noontime show na Lunch Out Loud.
Sa panayam ni Cristy Fermin sa Cristy FerMinute ng One PH noong nakaraang Martes, March 15, 2022, ipinaliwanag ng singer-actor ang dahilan ng kanyang pag-alis bilang co-host sa Lunch Out Loud.
Ayaw na raw niyang makitang nahihirapan ang producer ng show dahil nalulugi na umano ito.
Saad ni Ariel, “Unang-una ho, kasi may problema sa budget. May problema sa budget. Tapos ang producer namin, e, mabait, e, mabait yung producer namin, sobrang bait.
“In fact, nalulugi na po siya, e, ayoko naman siya bumigat pa yung problema niya.
“So, imbes na mahirapan pa siya, babawasan ko na lang yung gastos, umalis na lang ako.
“Kaya umalis ako dun hindi masama ang loob ko, kundi masakit ang puso ko, kasi mahal na mahal ko yung mga tao run.
"Kahit sinong tanungin niyo run, mahal na mahal ko yung mga tao, yung mga staff.”
Ang Lunch Out Loud ay iprinoprodyus ng Brighlights Productions na pag-aari ni former Congressman Albee Benitez.
Puring-puri ni Ariel si Benitez dahil ibinigay raw nito lahat ng mga kailangan ng hosts at ng show.
Saad niya, “Yung producer namin wala ho siyang ginawa kundi ibigay ang kailangan ng show, kung ano ang kailangan namin binibigay niya po lahat.
“Kaya ayokong pahirapan siya, ang laki ng tulong niya sa show, nagpapasalamat ako.
“Hindi ko na siya napasalamatan, ngayon pa lang ako... kung nakikinig si Albee, Congressman Albee, gusto kong magpasalamat sa inyo pero ayaw ko ng maging pabigat sa production.
“And alam ko naman ang huhusay ng mga hosts doon, mabubuhay yung show kahit wala ako. Yun ang totoong dahilan lang po nun.”
Noong November 2021, matapos magdiwang ng show ng kanilang unang anibersaryo, umalis si Ariel sa palabas.
Read: Ariel Rivera, umalis na ng TV5 noontime show Lunch Out Loud
Ang lumabas na balita noon, inalok daw ng management ng Brightlight Productions si Ariel na alternate days na lang ang paglabas niya sa programa.
Reportedly, hindi tinanggap ni Ariel ang alok ng management kaya pinili na lamang niyang iwanan ang programa.
Ikinalungkot ng production staff ang desisyon ni Ariel dahil bukod sa magaling makisama ang singer-actor, napamahal na siya sa kanyang mga kasamahan sa trabaho.
