Usap-usapan ngayon ng netizens ang pagkakakita sa veteran ABS-CBN broadcaster na si Karen Davila sa UniTeam caravan at campaign sortie ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa Cavite.

Ngayong Martes, March 22, 2022, kasalukuyang ginaganap ang pangangampanya ng UniTeam sa Cavite kung saan magkakaroon sila ng grand proclamation rally sa General Trias mamayang gabi.
Nagulat ang ilang netizens, na karamihan ay tagasuporta ni Marcos Jr., dahil namataan nila ang TV Patrol anchor na sakay sa sasakyan ng presidential candidate habang kinakamayan ang mga Caviteño.
Ang paniniwala kasi ng mga ito ay "anti-Marcos" si Karen.
Patutsada ng isang Twitter user: “Buti naman at pinayagan ng uniteam si Karen Davila na makisabay sa caravan. We all know na sagad to the bones pagkadilawan niyan! Iba talaga kapag mababait At walang halong paet!”
Tanong ng isa pa: “Karen Davila? Bumaliktad na???”
Pagmamayabang naman ng isa pa: “Hayaan na natin si Karen Davila na sumama sa caravan ni BBM para malaman nya kung gaano ka lakas si BBM sa mga tao.”
Kaagad namang nilinaw ni Karen sa kanyang Twitter account kung bakit siya nasa caravan ni Marcos, Jr.
Ayon sa kanya, trabaho ang kanyang ginagawa at may kaugnayan ito sa election campaign series ng ABS-CBN.
Ang iba raw niyang kasamahang anchors ay naka-assign naman sa iba pang presidential aspirants.
Ang natoka sa kanya ay sina Bongbong at Senator Manny Pacquiao.
Buong tweet ni Karen: “ABSCBN’s Kampanya Serye On The Road & Presidential Intvws shoots today. I have been assigned to trail Presidential Aspirants Bongbong Marcos & Sen Manny Pacquiao. Henry Omaga Diaz is covering VP Leni Robredo & my co-anchors have been assigned to other candidates. #Halalan2022”
Sa isa pang tweet, ipinost ni Karen ang larawan nila ni Pacquiao, na nauna niyang nakapanayam, upang pabulaanan ang mga kumakalat na "fake news."
Aniya, “Eto po ang resibo sana huwag magkalat ng fake news. Finished my one on one w Sen Manny Pacquiao a few nights ago, will still be joining him on a sortie soon. Today, I am with former Sen Bongbong Marcos for the day. Watch out for the ABSCBN SPECIALS #Halalan2022 soon!”
Sa kanyang Instagram Story, pinabulaanan din ni Karen na iniendorso niya ang kandidatura ni Marcos Jr. o sinumang kandidato.
Aniya, "Guys, I am on assignment. Behind the scenes, upclose with the presidential candidates. I am not endorsing or campaigning for any candidate. Trabaho po ito."

