Hindi napigilan ni Kris Aquino na magpahaging sa ex-fiancé na si Herbert Bautista nang dumalo ang actress-host sa campaign rally ni presidential aspirant Leni Robredo sa Tarlac City.
Ginanap ito ngayong Miyerkules ng gabi, Marso 23, 2022.
Hinatak ni Kris bilang surprise celebrity guest ang malapit na kaibigang si Angel Locsin na lantaran ang boluntaryong suporta kay Robredo.
Nang bumati si Angel sa crowd, inihalintulad niya ang solid supporters ni Robredo sa isang karelasyon na tunay na maaasahan.
Sabi ni Angel: "Kahit umuulan, uma-attend. Rain or shine, walang excuse, lumalabas.
"Kasi yun naman gusto natin sa isang tao, di po ba?
"Kapag hahanap ka ng kaibigan, karelasyon, kailangan laging nandyan para sa iyo, hindi tuwing eleksyon lang."
Sabay singit ni Kris, "Gel, pinatatamaan mo ata ako diyan. Aray. Ouch."
Depensa naman ni Angel kay Kris, "Ate, palagi ka lumalabas tuwing may sakuna kagaya ni VP Leni."
Ipinunto ni Kris na ang ibig niyang sabihin ay tinamaan siya pagdating sa unreliable na karelasyon.
Ani Kris, "Hindi, yung sinabi mo, may karelasyon."
Tila nagulumihanan namang komento ni Angel, "Nandito ba siya?"
Sagot ni Kris, "Yung isa nasa Uniteam, yung ex..."
Hindi man binanggit ni Kris ang pangalan ng kanyang ex, hindi kaila sa publiko na ang tanging ex niya na kabilang sa Uniteam ay si dating Quezon City Mayor Herbert Bautista.
Kabilang si Bautista sa senatorial slate ng Uniteam ng tambalang Ferdinand Marcos Jr. at Sara Duterte.
Sabi pa ni Kris patungkol sa kanyang ex-fiancé, "O, wag niyo iboto yun, ha.
"Sayang ang boto dahil di marunong tumupad sa mga pinangako.
"Deadma please."
Sa puntong ito ay tinawag uli ni Kris si Angel para ipagpatuloy ang mensahe nito para sa crowd.
"Ate, pinapakagalitan mo ako diyan, e," biro ni Angel.
Hirit ulit ni Kris, "Nagbanggit ka kasi ng karelasyon, e. Baka may masabi akong masama tungkol dun sa isa pa."
KRIS AND HERBERT'S ON-AND-OFF RELATIONSHIP
Hindi kaila sa publiko ang on-and-off relationship nina Herbert at Kris, pati na ang dalawang beses na marriage proposal ni Herbert kay Kris noong 2014 at 2017.
Noon lamang November 2021, naungkat ang tungkol sa relasyon nila nang almahan ni Kris ang pagbanggit ni Herbert sa nakaraan nila sa tweet ng dating alkalde.
Sinabi noon ni Herbert na mayroon siyang "TOTGA" o the one that got away na "may napili na" bagong pag-ibig.
Noong panahong iyon ay engaged si Kris kay Mel Sarmiento, dating DILG secretary sa ilalim ng administrasyon ng kapatid ni Kris na si dating Pangulong Benigno Aquino III.
Sa pamamagitan ng Instagram post, inihayag ni Kris na mayroong "closure" sa pagitan nila ni Herbert nang magkausap sila noong May 12, 2021.
Nag-usap din daw sila noong July 21, 2021 nang ipaalam ni Kris kay Herbert ang tungkol sa relasyon nila ni Mel.
Hudyat daw iyon ng "ME AFTER YOU" ni Kris matapos ang ilang beses na sinubukan nilang maging sila sa nakalipas na pitong taon.
Kasabay noon ang pa-blind item ni Kris na mayroong "beautiful girlfriend" si Herbert, na kinalaunan ay natukoy ng publiko na si Ruffa Gutierrez.
Read: Kris Aquino dismayed by Herbert Bautista's tweet; Mel Sarmiento calls it "ungentlemanlike"
WHAT HERBERT TOLD KRIS
Humingi naman ng paumanhin si Herbert kay Kris noong kasagsagan ng isyu.
Sabi pa sa pahayag ni Herbert via Twitter noong November 2021:
"Alam kong maaalagaan ka nya, and I can see that you're happier now.
"Aminado ako, I know I have not been good enough.
"Still regretting the chance I didn't take. You deserve better."
Nito lamang Marso 2022, kinumpirma ni Ruffa ang nararamdaman niya para kay Herbert.
Read: Ruffa Gutierrez confirms Herbert Bautista "#1 sa puso ko"
Naghiwalay naman sina Kris at Mel noong January 2022.
Read: Kris Aquino confirms initiating breakup with fiancé Mel Sarmiento because of her health
KRIS'S APPEARANCE IN TARLAC
Ito ang first appearance ni Kris sa campaign rally ni Robredo higit dalawang buwan mula nang ihayag niya ang kanyang naranasang health scare.
December 2021 nang sumama pa siya sa isang relief operation ng grupo ni Robredo para sa mga biktima ng Bagyong Odette sa Negros Occidental.
Kasama pa noon ni Kris si Mel.
Pero noong January 3, 2022, ibinalita ni Kris na naaalarma siya sa kanyang kalusugan dahil sa "complications" dala ng kanyang "autoimmune conditions."
Ang kumplikado niyang health situation ang sinabi rin nitong isa sa mitsa ng hiwalayan nila ng fiancé na si Mel.
Samantala, kinumpirma ulit ni Kris sa campaign rally ni Robredo nitong March 23, 2022, na nakatakda siyang magtungo ng ibang bansa upang sumailalim sa kung anumang medical treatment na irerekomenda ng kanyang doktor doon.
Ipinaubaya rin niya kay Angel Locsin, na itinuturing niyang parang kapatid daw niya, na magrepresenta sa kanya sa campaign rallies ni Robredo.
