Mapapanood na muli ang GMA-7 broadcaster na si Mike Enriquez sa public affairs programs ng Kapuso network simula ngayong Lunes, March 28, 2022.
Matagumpay ang kanyang kidney transplant na isinagawa noong nakaraang taon, at kinailangan niyang magpahinga nang tatlong buwan.
Inamin ng batikang mamamahayag na nakapagmuni-muni siya tungkol sa kanyang career, pati na rin sa kanyang pagreretiro.
Aniya, nagkaroon siya ng “reflection and discernment” ukol sa career niya bilang mamamahayag.
Magbibitiw na ba siya? Bababawasan na ba niya ang work load niya?
“I’m not yet finish with the process. It’s still ongoing for me. It’s about my future, my career, my life,” paliwanag ng 70-year-old news personality sa virtual press conference, kunsaan kasama ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), nitong Biyernes, March 25, 2022.
“I promise myself at the start of my surgery and my isolation… I would spend the time really, really taking a serious look at my life, at my career.
“Ano bang gusto ko talagang mangyari sa buhay ko?
“Is it time to turn off the microphone? Is it time to not to turn off the microphone completely, but to lessen [the work]? Mga ganoon ba.
“And I will repeat, I’m still in the process of making that discernment,” paglilinaw niya.
Dagdag ni Mike, “Sometimes, sasabihin niyo, ‘Ayoko na,’ or ‘Time to pack up and move on,’ ‘tapos after a while, move back na naman.
“I’m still in the process…”
BACK TO REGULAR GRIND
Bukod sa kanyang recent kidney transplant, sumailalim si Mike sa bypass operation noong 2018.
Sa pagbabalik-trabaho ni Mike, muli siyang maririnig at mapapanood sa mga programang naiwan niya, gaya sa radio program sa DzBB, at TV programs na Imbestigador at 24 Oras.
Tanong ng PEP.ph, ano ang “deal-breaker” niya para ihinto ang pagtatrabaho?
“I tried that, di ba, for three months?” ani Mike, na sinabing nang tumagal ay hinahanap-hanap niya ang pagtatrabaho.
“Wala. I cannot think of anything that will break the deal as of now,” diin niya.
Lalo na raw ngayon, maraming nangyayari, lalo at papalapit na ang presidential elections.
“People like us in media, this is what we live for,” sabi ng Kapuso media personality.
Kuwento pa ni Mike, idinasal niya na sana ay pagalingin siya ngayong election season.
“Please make me well enough in time of the election coverage, and He answered my prayer. Pinagdasal ko iyan,” aniya.
Sa ngayon, inaasikaso ng GMA Public Affairs ang isa pang debate ng mga presidential candidates.
Ani Mike, pinaghahandaan nilang mabuti na maging makatuturan ang kanilang pinaplanong presidential debates na ipapalabas sa Mayo.
“To put it in a nutshell, this is what I told one of our producers, ‘Alam niyo, yung debate, dalawang oras iyan. Kung hindi natin huhusayan ang presentation niyan, ang packaging, niyan, tutulugan tayo ng mga tao.’
“Dalawang oras. Who wants to listen to politicians for two hours except themselves?” giit ng brodkaster.
“The challenge is now to make the now so-called debates into interesting, lively, colorful but no less substantive.”
