Magpi-premiere ang second season ng Pinoy BL series na Gameboys sa Mayo 22, 2022, Linggo, kasabay ng ikalawang pagdiriwang ng World Gameboys Day.
Mayo 22, 2020 ipinalabas ang first episode ng Gameboys sa YouTube channel ng The IdeaFirst Company. Love story iyon nina Cairo (Elijah Canlas) at Gavreel (Kokoy de Santos) na nag-umpisa sa isang laro.
Agad nabuo ang tandem na CaiReel, at EliKoy eventually.
Nakatsikahan namin ang executive producers ng The IdeaFirst Company na sina Direk Jun Lana at Direk Perci Intalan sa MMFF 2021 Appreciation Dinner noong Marso 25, Biyernes ng gabi, sa Novotel Hotel, Araneta City, Quezon City.
Noong Hulyo 30, 2021 nag-streaming sa KTX ang Gameboys The Movie. May ilang mga eksena sa pelikula ang mapapanood sa Season 2 ng Gameboys.
Kuwento ni Direk Perci, "Maraming details from the movie na expanded sa Season 2."
Sundot ni Direk Jun, "Ibang-iba siya actually sa movie, e. Like for example, yung parents ni Wesley [Miggy Jimenez]. Yung subplot nun.
"Yung mga scenes na nakita niyo sa film, that’s just 20 percent siguro ng makikita niyo dun sa series."
"Even yung parents ni Cairo. Saka si Pearl [Adrianna So], di ba?" singit ni Direk Perci.
Pagpapatuloy ni Direk Jun, "Marami, e. Ang dami. So, ibang-iba rin yung storytelling ng series. It’s going to be a different experience, even for the fans na ilang beses nang pinanood yung pelikula…
"Lahat ng characters na nakita dun sa film, mas malaki yung participation nila at saka yung stories behind them dun sa series."
Ipinangako naman nina Perci at Jun na mas mapangahas ang intimate scenes ng EliKoy sa Season 2.
"Ay, naku! Abangan niyo ang series! Abangan niyo!" bulalas ni Direk Jun.
"Sagana!" sambit ni Direk Perci.
Dagdag ni Direk Jun, "Mas romantic siya. Mas intimate.
"Sa film naman, daring na rin naman sila, pero sa series, mas mararamdaman what led to that.
"Mas mararamdaman yung mga lovemaking na scenes. At hindi lang sila. Meron pang iba! Ha! Ha! Ha! So, yun ang kailangan nilang abangan."
Read: Elijah Canlas at Kokoy de Santos, game na game sa love at kissing scenes sa Gameboys The Movie
Anu-ano ang mga ganap sa second World Gameboys Days? Napangiti si Direk Jun, "Bubuuin pa natin, e, di ba?"
Sambot ni Direk Perci, "Last year, nag-live tayo. Nagpa-contest sa mga fans. Pero baka now, simpler.
"Kasi nga, may release ng Season 2, e. Philippines na lang muna ang May 22 release. Kasunod nun yung international release naman ng Season 2."
Saang platform ba mag-i-streaming ang Season 2 ng Gameboys?
"Yung platform, hindi ko maa-announce. Kasi, Japan ang nagdi-deal," tugon ni Direk Perci.
"Pero kinomit na nila sa akin na May 22, ilalabas namin—two episodes per week.
Co-prod ng The IdeaFirst Company sa pelikula at season 2 ng Gameboys ang tatlong Japan-based companies—108JAPAN Co., Ltd, Aeon Entertainment Co., Ltd., at Hakuhodo DY music & pictures Inc.
Ang 108 JAPAN ang mangunguna sa International Sales and Distribution outside the Philippines. Ang Aeon Entertainment Co., Ltd. ay para sa Theatrical Distribution sa Japan, at ang Hakuhodo DY music & pictures Inc. ay para sa Home Entertainment Distribution doon din sa Japan.
GAMEBOYS' INTERNATIONAL RELEASE
Dahil sa international release ng Gameboys, kinailangang tanggalin ang Season 1 sa YouTube.
Natigilan sandali si Direk Perci bago nagturan, "Baka hindi muna, oo. Kasi, yung YouTube, in-explain ko naman yun, di ba? We had to take down yung Season 1. Kasi, ang problema namin, hindi pa kami allowed mag-geo block."
Ang geo-blocking ay tumutukoy sa pag-restrict ng access sa online content depende sa location ng user.
Paliwanag pa ni Direk Perci: "E, inilabas na sa Japan ang Season 1. So, kailangan naming i-isolate yun. E, di namin ma-isolate.
"At the same time, inisip namin, OK na rin. Ang dami nang nakapanood sa YoTube.
"At saka yung Season 2, hindi namin ma-guarantee kasi nasa YouTube because of that."
Noong Enero 21, 2022, ipinalabas sa 40 cinemas sa Japan ang Gameboys The Movie.
Read: Gameboys The Movie, may theatrical showing sa Japan
Sagot ni Direk Perci, "Yung Japan release, tumapat sa Omicron sa Japan, kaya… In fairness naman, sabi ng distributor dun andami nang sinehan na kumuha, e, parang 40. Which is a big deal, na nag-release.
"Tapos, okay naman yung turn-out, it’s just that hindi kasinlaki… kasi, nagsimula nang mag-quarantine ang mga tao sa bahay.
"Gusto nga sana naming pumunta, pero hindi nila kami ma-invite. Because hindi rin nila masabi kung bukas ang Japan that time. Apparently, hindi."
"Yeah," pagtangu-tango ni Direk Jun.
Ayon pa kay Direk Perci, halos kasabay ng Season 2 release sa Pilipinas ang pagpapalabas naman ng Gameboys The Movie sa Singapore sa Mayo.
"Sa cinemas naman. May cinema release sa Singapore," pagmamalaki ni Direk Perci.
Pupunta ba sa Singapore sina Elijah at Kokoy para ma-meet ang mga manonood ng kanilang movie?
"Sa schedule ngayon, mukhang mahirap. Kasi, kahit yung World Gameboys Day, hindi ko mapagtugma ang schedule, e. Parehong may lock-in.
"So, ino-open namin yung date, pero I don’t think makakabiyahe."
UPDATE ABOUT GAMEBOYS SEASON 3
Sa dami ng kani-kanyang project na naka-line up kina Elijah at Kokoy, may pag-asa ba ang Season 3 ng Gameboys?
Sagot ni Direk Jun, "Actually, meron. Kasi, hindi kami tumitigil... Yung scripting halimbawa ng movie, tuloy pa rin kami.
"The moment na malibre sila, tuloy kami dun sa project na yun. Kasi, committed kami and we believe in the script na isinulat ni Ash [Malanum].
"And I think it’s something that the fans will really love—the story na ginawa ni Ash.
"Especially yung movie set somewhere really romantic. We’re all looking forward to going there, and shooting that.
"So, hopefully mangyari yun soon. Kasi, lagi namang may makukuhang schedule iyan.”