Nangako si Karen Davila na ibibigay niya kay Herlene Budol ang kikitain ng YouTube video ng Kapamilya broadcaster kasama ang dating Wowowin host.
Hangad kasi ni Karen na maituloy ni Herlene, a.k.a. Hipon Girl, ang plano nitong lumipat at magpagawa ng bahay.
Nitong Martes, April 12, 2022, ipinost ni Herlene sa kanyang Instagram account ang interview sa kanya ni Karen.
Lumabas ito sa YouTube channel ng Kapamilya news anchor noong April 2. Mayroon na itong higit 1.6 million views.
Parte ng caption ni Herlene (published as is): “Aliw na aliw sa akin si Miss Karen Davilla sa pag interview sa aking pagiging Squammy approach ko.
“Sa kanya ako nag unang chika na sasali ako ng Binibining Pilipinas at nag trending yung content namin ng 1.5M views.”

Nagkomento naman dito si Karen, at nabanggit ngang ibibigay niya kay Herlene ang kikitain ng video nila.
Mensahe ni Karen: “It’s so easy to love you Herlene kasi napakabuti ng puso mo [heart emoji] God will reward your faithfulness and love for your family!
“I am here for you [smiley with three hearts emoji] hoping kahit papaano makatulong ang proceeds ng vlog sa plano mong lilipatan [heart emoji].”

HERLENE GIVES UPDATE ABOUT TONI GONZAGA’S DONATION
Sa kabilang banda, sa video ni Karen ay nagbigay rin ng update si Herlene kung ano ang ginawa niya sa perang ibinigay sa kanya ni Toni Gonzaga mula naman sa interview ni Herlene sa YouTube channel ni Toni noong July 2021.
Sinabi ng TV host na ido-donate niya kay Herlene ang perang kikitain ng kanilang video para maipagawa ni Herlene ang bubong ng kanilang tirahan.
Update ni Herlene, halos hindi pa niya ito ginagalaw.
“Yung ibinigay po sa akin ni Toni Gonzaga po, binigyan niya po ako ng pera nun, e, pampagawa po sana ng bubong.
“Inisip ko na lang po na ipunin tapos lumipat na lang po kami,” ani Herlene kay Karen.
“Di ko pa rin ginagastos, ref [refrigerator] pa lang nabibili ko.
“Andun pa rin sa bangko. Hinding-hindi ko gagalawin iyon kasi alam kong hindi sa akin iyon.
“Pambahay namin yun. Tapos, siyempre po, iniipon ko po ngayon yung [kita sa] vlog ko po.”
Paliwanag ni Herlene, ang tinitirhan nilang bahay ngayon sa Rizal ay hindi nila pagmamay-ari, kundi “rights” lang ang sa kanila.
“Rights po, yung parang bayad-bayad lang po kami every month," aniya.
Hindi naman daw ito mapakawalan ng kanyang lolo at lola dahil 30 taon na silang naninirahan doon.
“Pero they’ll never own it,” pakli ni Karen.
Tinanguan ito ni Herlene at sinabing wala silang kasiguraduhan, kaya balak niyang magpagawa ng bahay.
Balak naman niyang gawing apartment ang kasalukuyan nilang tirahan at parentahan ito.
