Matagal na raw napatawad ni Erin Ocampo si Michael Pangilinan, na dating karelasyon at ama ng kanyang anak.
Si Erin ay dating GirlTrends member na napapanood ngayon sa mga serye ng GMA-7, habang si Michael ay isang singer.
Eksklusibong nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Erin sa 6th PMPC Invitational Celebrity Tournament na ginanap sa Powerplay Badminton Center noong April 8, 2022.
Kuwento ni Erin, maayos ang co-parenting set-up nila ni Michael at malayang nahihiram ng singer anumang oras na gusto nitong makasama ang six-year-old son nilang si Kiel.
Hindi man maganda ang hiwalayan nila noon ni Michael, hindi raw para hadlangan ni Erin ang relasyon ng mag-ama.
"Ako naman, wala akong masamang tinapay sa kanya kahit dati. Sabi ko nga sa kanya... nanghingi siya sa akin ng sorry three years after nung nangyari.
"Sabi ko sa kanya, 'Okay lang yun kahit hindi ka humingi ng sorry, matagal na kitang napatawad.'
"Kasi hindi naman ako ganung klase ng tao, di talaga. Ganun na ang ginawa sa akin, di ba?
"Sabi nga niya sa akin, 'Siguro kung sa iba ko ginawa yun, hindi ko na nakita ang anak ko.'
"Okay pa rin naman kami kung paano yung pakitungo, okay naman ako sa kanya. Sa paghiram naman kay Kiel, nag-a-adjust pa yun, depende sa schedule niya, sa schedule ko."
AGREEMENT ON CHILD'S TUITION
Tinanong din namin si Erin kung nagbibigay ba sa anak nila ng buwanang sustento si Michael, at dito ay inamin ni Erin na walang monthly financial support sa anak nila ang singer.
"Kung sustento, hindi, wala siyang sustento.
"Pero may sariling gamit sa kanya yung bata, may sariling gamit sa akin ganun. Parang hiwalay.
"Pero yung pera na ibinibigay, wala," saad ni Erin.
Pero napagkasunduan daw nila na si Michael ang bahala sa tuition ng anak.
"Ngayon nursery one, siya, siya naman yun. Pero wala pa ngang PHP10,000 yun, e, kasi bata pa naman si Kiel.
"Sinabi ko naman sa kanya na siya yung magpaaral, okay na yun."
Ang mahalaga ay klaro sa kanila ang responsibilidad nila sa anak.
Ayon kay Erin, "Sabi naman niya, may savings naman siya kay Kiel, may savings din ako, okay naman yung usapan namin.
"Kahit na walang involved na monthly, basta pag sinabi ko sa kanya na, 'Kailangan ito sa school,' kailangan niyang ibigay kasi wala naman siyang ibinibigay na monthly."

ON ERIN'S OTHER FINANCIAL RESPONSIBILITIES
Kuwento pa ni Erin sa PEP.ph, marami ang nabago sa kanya mula nang maging isa siyang ina anim na taon na ang nakararaan.
"Ang dami, bukod pa sa mas inspired ka magtrabaho kasi may responsibility ka na, hindi ka na parang happy go lucky lang just like before.
"Na kapag may pera ka, pagkasuweldo mo, sarili mo lang ang uunahin mo. Hindi na ganun.
"Ano rin kasi ako sa family ko, isa rin ako sa breadwinner. Marami naman kami, pero tumutulong pa rin ako sa kanila.
"So, hindi na puwedeng happy go lucky. 'Tapos may sarili pa akong place, sariling bills, sariling pangangailangan na ngayon."
Humahanap din si Erin ng ibang means of income tulad ng munting negosyo nila ng ina.
"Budgeting lalo na ngayon na nag-pandemic, wala talagang trabaho.
"Nag-business kami ng mom ko sa Batangas—milk tea. Okay naman siya by that time, ngayon humina-hina, seasonal, e. Ongoing siya, pero mahina."
DABBLING IN PAINTING
Ibinahagi rin ni Erin kung paano niya nilibang ang sarili sa pamamagitan ng pagpinta nitong pandemic.
"Nung nag-start yung quarantine, yung pinakaumpisa, nag-painting ako. Nakagawa ako ng tatlong portraits na sobrang laki, abstract.
"Yung gigising ako ng alas tres ng madaling-araw kasi may naisip akong idea. Hindi ako puwedeng mag-stop, mawawala yung focus ko.
"Dun ako nagka-UTI [urinary tract infection] kasi kahit naiihi ako, hindi ako puwedeng tumigil.
"Iba-ibang layer kasi yun, papatuyuin mo tapos lalagyan mo uli, acrylic."
Naisip ni Erin na puwedeng pagkakitaan ang kanyang pagkahilig sa painting.
"Trinay ko siyang ibenta kaya lang ang baba, sobrang baba. Parang hindi worth it na ibenta.
"Sabi, kailangan kong mag-exhibit muna para magkaroon ng brand kasi hindi naman ako sikat na painter.
"Pero proud ako sa gawa ko. Kahit first time ko, hindi siya mga puchu-puchu, yung mga lines niya diretso."
Lahad pa ni Erin, "Tapos ang gamit ko pa nun, yung paint brush ni Kiel, so hindi pa siya pang-professional.
"Pero yung outcome, maganda. Ang daming gustong bumili nun, nagme-message sa akin, taga U.S., mura pa.
"Naghahanap ako na mag-o-open ng mga exhibit ng abstract, para puwede kong maisingit. Tatlo lang naman yun, e."
Pati si Kiel ay nakasama rin ni Erin sa pagpinta.
"Saka dahil ang anak ko ay magaling ang kamay. Mayroon kaming isang painting na siya yung nag-isip kung saan yung sa tiger, saan yung puno, yung dagat, saan yung bundok.
"After niyang drowingan, inayos ko. May ginawa din ako na video nun, e, nasa Instagram ko, nasa Facebook ko."

ERIN'S PROJECTS IN GMA-7
Sa ngayon ay labis din ang pasasalamat ni Erin dahil tuluy-tuloy ang mga trabaho na ibinibigay sa kanya ng Kapuso Network.
"Tuluy-tuloy after ng Beautiful Justice ko, nagpahinga siguro ako ng one year.
"Sumunod dun The World Between Us, yun ang pinakamatagal. Parang four months kaming nag-lock-in. Nagpapahinga lang kami ng five days."
Sino ang nagbabantay kay Kiel?
Sagot ni Erin, "Nasa bahay, then every Wednesday to Friday naman kinukuha ng daddy niya, so okay naman.
"Kaya pag may time, talagang magkasama lang kaming dalawa, bonding lalo na nag-o-online school siya. Kasi-six lang nung December. Magge-grade one na."
Malaking bagay raw na katuwang ni Erin ang mga magulang sa pagpapalaki sa anak.
Sabi niya, "Parents ko, simula pa lang pag-alaga nila, kasi nag-Showtime na ako pagkapanganak ko pa lang.
"As in hindi na papayag ang mga magulang ko na hindi na sila ang mag-aalaga. Mabuti na rin kasi exposed ako sa labas, e,
"May sarili akong place, every day na lang ako pupunta."
Excited si Erin dahil kasama siya sa bagong Kapuso afternoon drama series na Raising Mamay, na pinagbibidahan nina Ai-Ai delas Alas at Shayne Sava.
"Right now, kasama ako sa Raising Mamay with Ms. Ai-Ai delas Alas, Shayne Sava, sila Gary Estrada Valerie Concepcion, Ina Feleo, Abdul Rahman, and marami pang iba.
"Sana abangan nila kasi mahuhusay ang mga kasama ko, okay silang mga katrabaho," ani Erin.
