Pansamantalang nakalaya ang beteranong broadcaster na si Ramon “Mon” Tulfo Jr. matapos itong makapagpiyansa ngayong Huwebes, May 19, 2022.
Kaugnay ito sa reklamong cyber libel na inihain ng dating kalihim ng Department of Justice (DOJ) na si Secretary Vitaliano Aguirre.
Nanungkulan si Aguirre sa ilalim ng administrasyong Duterte mula July 1, 2016 hanggang April 5, 2018.
Ayon sa ulat ng ABS-CBN News Online, mga bandang alas-4 ngayong hapon nakalabas si Tulfo sa headquarters ng Manila Police District (MPD) kung saan siya pansamantalang iditena.
Sabi ng abugado niyang si Atty. Oscar Sahagun, “Mabuti naman, nakalaya na si Mon. Siguro mga past 4 na. Oo, nag-bail.
"Tinaasan ni judge… yung P10,000, ginawang P40,000. Dito sa Branch 24, ginawang kuwarenta kasi nag-motion yung abogado ni Sec. Aguirre. Taasan daw, so ginawa niyang kuwarenta.”
Humirit diumano ang kampo ni Aguirre na taasan ang piyansa dahil sa hindi pagdalo ni Mon sa naunang schedule ng hearing.
Pero nagpaliwanag ang kampo ng brodkaster na wala silang natanggap na notice mula sa korte.
May pre-trial hearing sa kasong kinakaharap ni Mon sa darating na Lunes, May 23.
Inaresto ng mga tauhan ng Manila Police District si Mon kahapon, May 18, dahil sa arrest warrant na inilabas ni Judge Maria Victoria Soriano-Villadolid ng Manila Regional Trial Court Brach 24.
READ: Veteran broadcaster Mon Tulfo arrested for cyber libel
Ito ay may kaugnayan sa paglabag niya umano sa Section R (C) (4) ng Republic Act No. 10175 o mas kilala ngayon bilang Cybercrime Prevention Act of 2012.
Nag-ugat ang reklamo ni Aguirre na cyber libel dahil sa kolum ni Tulfo sa isang pahayagan kung saan inakusahan nito ang dating kalihim na umano’y protektor ng mga sindikatong nasa likod ng tinaguriang “pastillas” scam sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Mariin itong pinabulaanan ni Aguirre.