Pumanaw ang international make-up artist at hairstylist na si James Cooper sa San Pablo, Laguna, Linggo ng gabi, May 29, 2022.
Siya ay 73 taong gulang.
Ayon sa impormasyong nakalap ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph), nawalan ng malay si Cooper habang nasa San Pablo Cathedral para sa isang Santacruzan.
Isinugod siya sa Community General Hospital bandang 6:20 p.m. pero binawian na ng buhay ang sikat na make up-artist.
Sina Farrah Fawcett, Victoria Principal, Jamie Lee Curtis, at Barbara Carrera ang ilan sa popular Hollywood personalities na nakatrabaho ni James noong naninirahan pa siya sa Amerika.
Naapektuhan nang husto si James nang pumanaw si Fawcett noong June 25, 2009 dahil tatlong taon niyang nakatrabaho ang sikat na American actress.
Sa dating panayam kay James, ikinuwento niyang siya ang tumulong sa paglikha ng makeup at hairdo ni Fawcett sa iconic poster ng hit television series na Charlie’s Angels.

Si James ang unang Pilipino na itinampok sa French Vogue at siya rin ang unang nagpakilala sa Pilipinas ng airbrush makeup.
Nang magpasya siyang bumalik sa Pilipinas noong kalagitnaan ng dekada ’80, siya ang responsable sa makeover kay Maricel Soriano.

James Cooper with Maricel Soriano
Si James ang official makeup artist sa karamihan ng mga movie project ni Maricel tulad ng Ikaw Lang Ang Minahal, Soltera, Kung Maibabalik Ko Lang, Mila, at Babaeng Hampaslupa.
Naging makeup artist din siya sa mga pelikula nina Lorna Tolentino, Dawn Zulueta, Alice Dixson, at Sharon Cuneta.

James Cooper with Dawn Zulueta
Ang former ABS-CBN reporter at incumbent Laguna 3rd District House Representative Sol Aragones ang isa sa mga nabigla sa pagpanaw ni Cooper dahil magkasama pa sila noong Sabado ng gabi, May 28.
Mensahe ni Aragones: “Mahirap magpaalam sa isang matalik na kaibigan na naging bahagi ng buhay ko sa loob ng halos dalawang dekada.
“Lagi kang andyan sa hirap at saya ng buhay ko. Mahirap tanggapin na kagabi magkasama pa tayo at nagpaplano para sa ating mga pangarap.
“Mahirap gumising sa bawat umagang wala ka na Tito James Cooper.
“Pero alam namin na papawiin mo ang lungkot na aming nararamdaman.
“Alam ko na mas nais mo na ipagpatuloy namin ang mayamang ideya mo pagdating sa sining. Paalam na aming kaibigan. Hindi ka namin makakalimutan. Magpakaylanman."
Ayon sa pamangkin ni James na si Agnes Agsalud-Cordero, na papunta na sa San Pablo City nang makausap ng PEP.ph ngayong gabi, wala pa siyang maibibigay na detalye tungkol sa burol na magaganap para sa mga labi ng tiyo niya.
Pumanaw si James Cooper ilang linggo pagkatapos yumao ng isa pang sikat na makeup artist na si Fanny Serrano. Sumakabilang buhay si Fanny noong May 10.