Pumanaw ang direktor, producer, at talent manager na si Mark Shandii Bacolod dahil sa cardiac arrest sa Bangkok, Thailand, noong June 9, 2022.
Siya ay 39 taong gulang.
Kinumpirma ito ng kanyang pamilya na humiling na igalang ang kanilang pribadong pagluluksa.
“We are very saddened to inform you of the loss of our beloved Mark Shandii Bacolod who passed away peacefully last June 9, 2022. He was in Thailand for work at that time.
“Our family is in the process of bringing his remains back to the Philippines so we can finally lay his body to rest. We would like to request everyone to respect our family’s decision for privacy in this moment of grief.”
Ang Culion, Ben & Sam, Detektib, Pendong, Sponsor, Fidel, Papa, What is Love?, at Love at the End of the World ang ilan sa mga indie movie at original series na proyekto ni Bacolod bilang producer at direktor.
Ang digital media conference ng Love at the End of the World noong May 31, 2022 ang huling pagkakataong nakausap ng entertainment press si Bacolod bago ito lumipad sa Bangkok para sa shooting ng isang proyekto ng kanyang Italian actor talent na si Nico Locco.
Ikinabigla ng entertainment writers at ng mga kaibigan ni Bacolod ang maagang paglisan nito dahil masiglang-masigla siya at maraming plano nang makapanayam siya sa virtual press conference ng Love at the End of the World.
Masayang-masaya si Bacolod noon dahil natupad ang pangarap niyang maipalabas sa Vivamax Plus ang kanyang proyektong pinagbibidahan nina Nico at Markki Stroem.
Sa pagpanaw ni Bacolod, hindi na mangyayari ang prediksiyon sa kanya ng mind reader at mentalist na si Nomer Lasala na matutupad ang pangarap niyang bumiyahe sa France bago matapos ang 2022.
“Scary” ang sinabi ni Bacolod na kinilabutan dahil nabasa at naisulat ni Nomer sa papel ang nasa isip niya sa video na ibinahagi niya noong March 21, 2022 sa kanyang Facebook page.