Nananatiling masalimuot ang isyu sa pagitan ni Dennis Padilla at mga anak niya kay Marjorie Barretto na sina Julia, Claudia, at Leon Barretto.
Ngayong Lunes, June 27, 2022, idinaan ni Dennis sa open letter ang sagot niya sa madamdaming paliwanag ni Leon ukol sa relasyon nilang mag-ama.
Kaugnay pa rin ito ng naunang hinaing ni Dennis na hindi siya binati ng tatlong anak noong Father's Day.
Read: Dennis Padilla laments not getting Father’s Day greeting from children Julia, Claudia, Leon
Sa open letter ni Leon, Linggo ng hapon, June 26, 2022, tahasan niyang ipinaliwanag ang lalim ng sugat na iniwan ng paulit-ulit na pagsasapubliko ni Dennis ng kanilang family matters sa halip na daanin sa pribadong usapan.
Ilan sa mga katanungan ni Leon sa ama: "Is public sympathy really more important to you than your own children?
"Can you please stop resorting to public shaming when things don't go your way?"
Ngayong Lunes, hindi direktang pinangalanan ni Dennis sina Julia, Claudia, at Leon, pero malinaw na para sa mga ito ang kanyang handwritten letter na ipinost ng beteranong aktor sa Instagram account niya.
Ang punto ni Dennis, nais daw sana niyang makapiling ang mga anak.
Ang kabuuan ng mensahe ni Dennis (written in all caps):
"To be your father is the greatest honor I have received. It allowed me to touch the grace of God even for a moment and to see my love made flesh.
"I have regretfully made mistakes in my life. I may not have been there for you but I always had you in my heart.
"Sometimes in life there are things that we will never understand why it happened. In the end, I regret all the moments I let slip by.
"I regret all the times I hid my feelings from you. If I could have but one wish, I would love to spend some time with you. After all there is not much more to life than that."
Linggo ng gabi, June 26, 2022, nag-sorry si Dennis kay Leon at nagsabing nami-miss lang niya ang mga anak.
Kasabay nito, napatanong naman si Dennis kung ano ang ibig sabihin ni Leon sa "false narrative" na nasabi raw niya sa publiko.
Depensa rin ni Dennis, idinadaan naman daw niya sa pribadong paraan ang mga mensahe niya sa mga anak noon.

Read: Dennis Padilla, nag-sorry sa anak na si Leon Barretto: "Miss ko lang kayo."
DENNIS AND JULIA'S HEART-TO-HEART TALK IN 2021
Noong May 2021, ipinalabas sa vlog ni Julia Barretto ang madamdaming heart-to-heart talk nila ni Dennis tungkol sa old wounds na dala ng pagkakaroon nila ng broken family.
Nagkaroon doon ng pagkakataon ang mag-ama na ipaliwanag ang kani-kanilang bersiyon sa isyung pagnanais ni Julia na ipatanggal ang apelyido niyang Baldivia noong 2014.
Baldivia ang surname ni Dennis Padilla sa totoong buhay.
Ayon kay Julia, nais niyang palitan ang apelyido dahil lumabas na illegitimate children siya, pati na sina Claudia at Leon, nang ma-invalidate ang kasal ni Dennis kay Marjorie.
Lumabas daw na legally married pa rin kasi si Dennis sa first wife nitong si Monina Gatus.
Ayon naman kay Dennis, alam ni Marjorie ang tungkol sa first wife niyang si Monina bago sila ikinasal.
Naikasal daw si Dennis kay Marjorie dahil napag-alaman ni Dennis na hindi narehistro ang naunang kasal niya kay Monina noon. Hindi rin daw valid ang kasal nila ni Monina dahil napag-alamang hindi umano lehitimo ang pastor na nagkasal sa kanila noon.
Ayon pa kay Dennis, hanggang sa naghiwalay sila ni Marjorie noong Good Friday ng April 2007 ay lehitimo ang church wedding nilang mag-asawa.
Pero nagkaaberya nang kilalanin ni Dennis ang anak niya kay Monina na si Dianne.
May pinirmahan daw siyang papeles na ipinasok sa National Statistics Office, na nagresulta para magkaroon ng legal na dokumento sa kasal niya noon kay Monina at mapawalang-bisa ang kasal ni Dennis kay Marjorie.
Aminado naman si Dennis na kung ipinaglaban niya ang kasal niya kay Marjorie ay iyon sana ang naging "legal marriage."
JULIA'S FATHER WOUNDS
Sa kabilang banda, ipinaliwanag naman ni Julia na bukod sa isyung change of name ay malalim din daw ang sugat na dala ng relasyon nilang mag-ama.
Inamin ni Julia kay Dennis na nakaramdam siya ng trauma dahil sa tuwing magkakausap sila ng ama ay hindi maganda ang tono at masakit ang mga salitang nabibitiwan ng ama.
Iyon daw ang nagiging balakid kung bakit ilag si Julia na makipag-usap kay Dennis.
Dagdag pa raw ritong kadalasan ay naunahan na ng isyu dahil sa pagsasapubliko umano ni Dennis ng family issues nila sa halip na napag-usapan nang pribado nilang mga sangkot dito.
Pero ayon kay Julia, hindi siya sumuko dahil nananatili pa rin siyang bukas para magkaayos sila ni Dennis.
Hanggang sa dapuan ng COVID-19 si Dennis noong Marso 2021, at sinabi noon ng aktor na halos gabi-gabi niya noong kausap si Julia sa loob ng 12 na araw na naospital ang aktor.

