Inutos ng National Telecommunications Commission (NTC) na hindi maaaring basta pumasok sa blocktime deals at mergers ang anumang TV network at radio station.
Pirmado ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba noong June 23, 2022, nakasaad sa memo na hindi maaaring lumampas ng 50 percent ang daily airtime na maaaring ibenta ng TV network o TV station sa isang independent blocktimer.
Ayon pa sa ulat ng bilyonaryo.com, nagbabala ang NTC na kasamang pananagutin ang istasyon sa anumang "violation" ng blocktimer na katransaksiyon nito.
Naglabas din ng mandato ang NTC na nagbabawal sa TV networks at radio stations na pumasok sa mergers at acquisitions o anumang partnership sa kumpanya na may "outstanding obligations to the national government and local government units."
Kabilang dito pati ang paglipat ng NTC-regulated equipment para sa broadcast operations.
Sa July 11, 2022 nakatakdang magkaroon ng public hearings ukol sa dalawang memo na ito ng NTC.
Ayon pa rin sa ulat ng bilyonaryo.com, isang source ang nagsabing may kinalaman umano ang mandato ng NTC tungkol sa blocktime deals sa isyung naungkat sa Congressional hearings para sa franchise renewal application ng ABS-CBN.
Habang ang memo ng NTC tungkol sa merger ay hinihinalang posibleng may kinalaman sa bali-balitang may ongoing merger talks ang Lopez-owned ABS-CBN at TV5 na pag-aari ni Manny V. Pangilinan.
ABS-CBN-AMCARA ISSUE
Sa Congressional hearing noong June 2020, mainit na kinuwestiyon ni Cavite 7th District Representative Jesus Crispin “Boying” Remulla ang blocktime agreement ng ABS-CBN sa AMCARA Broadcasting Network.
Tinawag ni Remulla na "dummy" ng ABS-CBN ang AMCARA dahil sa aniya'y "21 hours" sa loob ng "24 hours" kada araw ang "binili" na blocktime arrangement ng Dos sa AMCARA sa loob ng isang taon.
Sinabi rin noon ni Remulla na sa ABS-CBN galing ang equipment na ginagamit ng AMCARA para sa broadcast operations nito.
July 9, 2022 bumoto ang 70 kongresista na ibasura ang franchise renewal application ng ABS-CBN.
PRESIDENT DUTERTE ON NON-RENEWAL OF ABS-CBN FRANCHISE
Nitong June 27, 2022, inulat ng CNN Philippines ang nabitiwang salita ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa hindi na-renew na prangkisa o broadcast license ng ABS-CBN.
Pahayag ni Pangulong Duterte, "I used the presidential powers to tell Congress that you are dealing with scoundrels and if you continue to kowtow with them, kawawa ang Pilipino."
Base ito sa speech ng Pangulo sa oath-taking ceremony ng ilang bagong halal na government officials.
Read: President Rodrigo Duterte admits using "presidential powers" against ABS-CBN
