Emosyunal na ibinahagi ni Pokwang kung bakit matagal niyang itinago sa publiko ang hiwalayan nila ng longtime partner at American actor na si Lee O’Brian.
Halos walong buwan na mula nang maghiwalay ang dalawa ngunit nitong nakaraang linggo lamang ito nalantad sa publiko.
“Kasi ako yung taong ano, lahat tinitiis ko, hangga’t kaya ko, ako lang.
"Hangga’t kaya kong itago sa mga anak ko, hangga’t kaya kong huwag iiyak sa harapan nila," pahayag ni Pokwang sa exclusive interview ni Nelson Canlas ng 24 Oras ngayong Martes ng gabi, July 12, 2022.
Si Pokwang ay may dalawang anak: si Mae sa una nitong nakarelasyon, at si Malia na anak nila ni Lee.
Dagdag niya, “Lahat ng burden, gusto ko ako lang, parang nahihiya akong mandamay sa pamilya ko. Which is naisip ko ngayon na kaya nga pamilya dapat damayan.”
Masakit daw para sa komedyana ang mga nababasa niya sa social media na kung anu-anong klaseng espekulasyon tungkol sa kanilang hiwalayan ni Lee.
Ilan nga sa mga ito ay ang usapin tungkol sa pera at ang pagiging “palamunin” umano ni Lee sa kanilang tahanan.
Pagtatanggol niyang umiiyak, “Una sa lahat, walang third party, wala, in all fairness kay Papang.
"Di rin pera kagaya ng mga lumalabas na pera, hindi ho, walang ganun.
“Siguro naano lang kami, ano ba tawag dun? Napagod.
"Sana alam ng tao na yung hinuhusgahan niyo na si Lee O’Brian ay mabuting tao naman po. Mabuting ama.
“Nasasaktan lang ako sa mga nababasa ko. Kesyo palamunin ko raw. Masipag po yung tao.”
THE BREAKUP
November 2021 pa hiwalay ang dalawa. Kinumpirma ito ng entertainment columnist na si Ogie Diaz sa kanyang YouTube channel noong July 8, 2022.
Ginawa ni Ogie ang rebelasyon matapos niyang sabihing marami ang nagtanong kamakailan kay Cristy Fermin sa kanyang show tungkol sa status nina Pokwang at Lee.
Maaaring natunugan ng netizens ang hiwalayan dahil wala nang mga post sina Pokwang at Lee na magkasama lately.
Nagpalit na rin ng packaging ang sauce-and-condiments business ni Pokwang na dati ay branding nila ni Lee, pero ngayon ay si Pokwang na lang ang nakalagay.
"Noon ko pa ito alam," banggit pa ni Ogie.
Kinumpirma raw ito mismo ni Pokwang sa kanya noong nakaraang taon pa.
Dugtong ni Ogie, "Bilang paggalang kay Mareng Pokie na makakaasa siya na di ito babanggitin."
Read: Pokwang and Lee O’Brian broke up in November 2021—Ogie Diaz
Linggo, July 10, kay Pokwang na mismo nanggaling na pitong buwan na silang hiwalay ni Lee.
Sabi pa ni Pokwang, nananatili silang co-parents sa four-year-old daughter nilang si Malia.
Bahagi ng post ni Pokwang sa Instagram (published as is), “Yes its been seven months since tapusin namin ni papang ang lahat, pero maayos at mapayapa, at bilang magkaibigan na lamang mas nagagampanan namin ang mga tungkulin bilang magulang ni Malia,
“Natapos man ito sa di inaasahang panahon hindi dito hihinto ang pagiging nanay ko sa mga anak ko. at mas lalo kong minahal ang mga biyayang sakin ay binigay ng panginoon”
At saka siya nagpasalamat sa yumaong inang si Gloria dahil ito raw ang nagsilbing inspirasyon sa kanya sa kabila ng mga pinagdadaanan niya.
Patuloy ni Pokwang, “Ikaw aking nanay Gloria ang aking inspirasyon sa pagiging matatag at matibay na nanay. salamat sa iyo at alam kong lagi kang nakagabay sa amin ng mga apo mo kaya ni minsan at kailan man di ka mawawaglit saking mga dasal.”
Sa huli ay may mensahe si Pokwang para sa mga katulad niyang single parent.
“Sa mga single parent na kagaya ko hindi karma ang natapos na pagmamahalan kundi mas pinapatatag ka at pinaghahanda ka sa mas magaganda at mas maraming biyaya
“Hindi karma ang mabiyayaan ka ng mga anak na nagpapasaya at nagpapangiti sayo araw araw at dahilan ng pagsisikap mo sa buhay #Wagmapagodparasamgaanak”
