Ang maging tagapagsalita para sa anumang sangay ng pamahalaan at product endorser na kumakatawan sa mga Pilipinong may kapansanan ang ilan sa mga pangarap ng former model na si Gerry Gonzalo.
Tatlumpu't dalawang (32) taon na ang nakalilipas mula nang mabulag si Gerry dahil sa isang aksidente noong July 8, 1990.
Gayunpaman, hindi niya hinayaang maging sagabal ang kanyang kapansanan para magkaroon siya ng normal na pamumuhay.
Ang mobile app na Voice Over at si Siri ang mga “matatalik na kaibigan" ni Gerry kaya nakapagbabasa siya ng mga libro mula sa kanyang cell phone.
Sa katunayan, limang beses na niyang "nabasa" ang Harry Potter books.
Updated din siya sa current events, aktibo sa social media, at "nanonood" ng mga video sa iba’t ibang channels sa YouTube.
"never pray something that you will regret"
Si Gerry ang grand winner ng popular modeling competition na Bodyshots noong 1989 at isa sa mga itinuturing na local top model, kahit na baguhan pa lamang siya.

Pero nagbago sa isang iglap ang takbo ng kanyang buhay nang mabangga sa poste ang sasakyang minamaneho niya.
“Ang natatandaan ko, ito yung lesson na gusto kong i-share sa lahat, never pray something that you will regret,” umpisang pagbabalik-tanaw ni Gerry.
Eksklusibong nakausap ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) sa condominium unit na tinitirhan niya at ng kanyang mga anak sa estranged wife na si Pia Pilapil nitong nakaraang linggo.
Lahad pa niya, “Nakabili ako ng kotse noon, may pera ako, pero kinausap ko si Lord. Sabi ko, 'Lord, bakit ganito?'
"Okey na, may pera ako kasi hindi naman well-off ang family ko. Kung gusto kong kumain noon sa Jollibee, hindi ko kaya, pero nung nag-modelling ako, parang akala ko, yun na. Mayaman na ako. Na-afford ko nang kumain kung saan ko gusto.
“Sabi ko kay Lord, 'Bakit hindi pa rin ako masaya?'
"Nung time na iyon, okey naman ako. Marami akong kaibigan, party-party, pero hindi ako masaya.
“Nagtataka ako sa sarili ko. Sabi ko, 'Lord, maski anong gawin Mo sa akin, maski ano ang mangyari, hindi Kita iiwan.'
“After two weeks, naaksidente na ako. After five years, nagdarasal uli ako.
“Sabi ko, 'Lord, mukhang yung challenge ko, dininig Mo, ah. Medyo nahihirapan ako ngayon. Tulungan Mo ako. Mukhang hindi ko kaya itong challenge na ibinigay Mo sa akin.'
“Yun ang tandang-tanda ko bago ako naaksidente. Parang hinamon ko si Lord kaya yun ang hindi ko malilimutan.”

THE ACCIDENT THAT CHANGED GERRY'S LIFE
Dalawampu’t dalawang taong gulang si Gerry nang maganap ang aksidente noong madaling-araw ng July 8, 1990.
Sariwang-sariwa pa sa isip niya ang buong pangyayari habang pauwi siya sa bahay na tinitirhan sa Antipolo City. Kaya detalyado ang kanyang kuwento.
“Ginagawa pa lang noon ang Robinson’s Galleria. Nag-right turn ako from Makati. Pauwi na ako noon, nakatira ako sa Sumulong, Masinag, going to Antipolo.
“Nagdasal pa nga ako kay Virgin Mary, nauna kasi na itinayo yung simbahan [Our Lady of EDSA Shrine] sa kanto ng EDSA at Ortigas. Sabi ko kay Virgin Mary, 'I-protect mo ako, ha?'
“Nangyari yung aksidente, may daylight saving time noon. Around 5 a.m. pero parang 4 a.m. iyon.
“Nabangga ako sa isang poste sa Ortigas Extension, paglampas ng Manggahan.
“Pagkatapos ng bridge ng Ortigas Extension, nakatulog ako habang nagmamaneho. Siguro mga three hundred meters bago ako nabangga sa pole ng PLDT.
“Nang mabangga ako, nakalabas pa ako ng sasakyan pero bulag na ako. Paglabas ko ng kotse, kinapa ko yung windshield pero hindi na ako nakakakita. Tumusok sa mga mata ko yung salamin.
“Kinapa ko yung mata ko, umiyak na ako. Nakaupo ako sa may gulong ng kotse ko. May mabait na tricycle driver, dinala ako sa Labor Hospital [Quirino Memorial Medical Center sa Quezon City].
“Ang natatandaan ko, isinakay ako sa tricycle, after that nakatulog ako then nasa ospital na ako. Parang yung mind ko, nagigising 'tapos natutulog. Hindi ko naisip na mamamatay ako.
“Si Randy Ortiz [fashion designer], siya yung unang-unang pumunta sa ospital.
“Nang dumating yung mga kapatid ko, inilipat ako from Labor Hospital to Medical City.”

Likas na malakas ang loob ni Gerry kaya naniwala itong babalik ang kanyang nawalang paningin.
Pero hindi ito nangyari kaya dumanas siya ng depresyon.
Saad niya, “Mga two months ako sa hospital. May pagka-fighter kasi ako kaya nung mga first couple of weeks, okey pa ako. Sabi ko, makakakita ako. Makakakita pa ako.
“Pero as time goes on, second month, third month… nung third month, nag-kick in na ang depression kasi ang dami ko nang nararamdaman.
“Masakit yung operasyon. Yung mata ko namamaga. Masakit kasi tinatahi nila yung retina ko.
“Natusok kasi siya ng bubog kaya yung pinaka-eyeball ko, nag-shrink. Parang balloon na nawalan ng hangin. Natamaan ang retina so nade-detach from my eye kaya lumalabo ang paningin ko.
“Pero noong mga first month na nag-heal na yung mga mata ko, naaaninag ko ang mata ng mga kaharap ko, yung butas ng ilong at bibig nila.
“Nakikita ko kaso malabo, so akala ko lalagyan lang ng lens yung loob ng mata ko, makakakita na ako. Pero ang kalaban ko, yung retina. Nade-detach siya from my eyeball."
Patuloy na sa salaysay ni Gerry, “Saka sobrang dami ng operasyon sa akin. After a year, nag-give up na ako sa ika-12th na operation. Yung doctor ko, si Dr. Tablante, umiyak. Nag-iyakan kaming tatlo ng mommy ko.
“Pati si Dr. Tablante, umiyak, kasi sinabi ko, 'Doc, hindi ko na kaya, ayoko nang magpaopera.' In-accept ko na yung fate ko na hanggang dito na lang.
“I had eleven eye surgeries. Yung pang-twelve, sabi ko sa doctor ko, 'If you do the operation, I don’t think it will improve.' So , parang sayang lang yung effort.
“Nag-give up na ako. In a span of eight months, meron akong operasyon na in a weeks' time, dalawang operasyon na major.”
Read Part 2: Former model Gerry Gonzalo opens up about never having seen his children's faces