Tatlumpu’t dalawang (32) taon na ang nakararaan mula nang mabulag ang model na si Gerry Gonzalo dahil nabangga sa isang poste ang sasakyang minamaneho niya noong July 8, 1990.
Pero hindi ito naging hadlang para mamuhay siya nang normal.
Read: Former model Gerry Gonzalo vividly recalls car accident that changed his life and left him blind
Kahit nawalan ng paningin, nagtrabaho noon si Gerry sa iba’t ibang mga kompanya para sa kinabukasan ng apat na anak nila noong nagsasama pa sila ng kanyang estranged wife na si Pia Pilapil.
“Gusto ko kasing maging proud ang mga anak ko. Maski hindi ako nakakakita, gusto kong makita nila na kahit blind ang tatay nila, may ginagawa.
“Masaya ako nang magkaroon ako ng mga anak. Bulag na ako noon pero gumawa pa kami ni Sophia ng Palmolive [soap] commercial, parang three years old pa lamang siya noon.
“Hindi naman ako nagkaroon ng fear para sa future ng mga anak ko kasi I moved forward so naghahanap ako ng source of income ko.
“Nung time na yun, may mga trabaho ako na natatanggap. Okay naman pero hindi nga lang ganoon ka-lucrative, but I make sure na nakaka-contribute ako," kuwento ni Gerry sa pangalawang bahagi ng exclusive interview ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) tungkol sa kanyang buhay.
Lahad pa niya, “Nung maliliit sila, mga baby pa sila, mga two, three years old, marunong na silang mag-guide sa akin.
“Parang alam na nila, tatayo sila sa harapan ko, hahawakan nila yung mga kamay ko, ilalagay nila sa mga balikat nila, lalakad sila.
"Walang nagtuturo sa kanila. Alam nila na blind ako."
MEMORIZING HIS CHILDREN'S FACES
Paano niya nalalaman ang hitsura ng kanyang mga anak noong mga maliliit na bata pa sila?
Sagot ni Gerry, “Ah, kinakapa ko ang mga mukha nila. Kagaya ng mukha ng kapatid ko, yung last time na nakita ko siya, yun ang na-program sa mind ko na hitsura niya.
“Kapag kausap ko yung kapatid ko, maski iba na ang hitsura niya, yun pa rin ang impression ko sa kanya.
“Ang problema lang, medyo malungkot, yung sa mga anak ko, hindi ko sila nakita before kaya hindi ko actually alam ang mga mukha nila. Maski kapain ko, hindi nagpo-program sa mind ko yung mga itsura nila.
“Pero yung mga nakita ko before na mga tao, kung ano yung hitsura nila noon, yun pa rin ang naka-program sa mind ko.
“So, hindi sila tumatanda sa isip ko. Hindi ko na alam kung matanda na sila o kalbo na. Hindi na yun pumapasok sa mind ko."
Patuloy niya, “Ngayon, hindi ko na nakakapa ang mga mukha ng mga anak ko. Malalaki na sila, nako-conscious na.
“Actually, puwede pa rin pero hindi ko na ginagawa kasi hindi rin reliable. Makakapa mo ang mga mukha nila pero hindi napo-program sa mind ko.”

GERRY USES GADGETS TO READ AND WATCH MOVIES
Tulad ng mga normal na tao, may mga social media account si Gerry, nagbabasa siya ng mga libro mula sa cellular phone, at nanonood ng mga video sa YouTube dahil hindi niya hinayaan ang sarili na maging alipin ng kanyang kapansanan.
“Dati, yung cell phone ko, Nokia. Parang call and text lang yun. Kailangan may magbasa ng mga message para sa akin.
“Yung mga bago ngayon na cell phones, kaya ko nang i-operate on my own. Kasi si Steve Jobs [co-founder ng Apple], may sympathy siya sa mga PWD kaya talagang nag-create siya ng app para sa mga katulad namin.
“Actually, yung app na ginawa ng iPhone, para sa mga matatanda pero mas nagagamit ng mga blind.
“Yung iPhone, may built-in voice over na kapag na-click mo, nakokontrol ko ang cell phone. Binabasa niya yung mga post sa Facebook.
"Minsan, yung picture, dine-describe niya. Kunwari, ikaw nakasuot ng hat, sasabihin niya, 'a man wearing a hat with a shade.'”
Ayon pa kay Gerry, “Ito yung binabasa ko na book, Hour of the Assassin. Para siyang The Gray Man, yung movie sa Netflix.
“Seven hours ko na binabasa ang isang libro. Yung Harry Potter, siguro limang beses ko na binasa na paulit-ulit.”
Personal pang ipinakita ni Gerry sa PEP.ph ang pagbabasa niya ng mga libro sa tulong ng kanyang cell phone.
STILL FEELS LUCKY DESPITE DISABILITY
Imposibleng hindi magmarka nang husto ang mga salitang binitiwan ni Gerry tungkol sa kawalan nito ng paningin dahil itinuturing niyang mas masuwerte siya kung ikukumpara sa ibang mga taong may kapansanan.
Saad niya, “Ako, mata lang ang nawala sa akin. Yung mga kasama ko sa [mountaineering] team, mas malala ang situation nila kesa sa akin. Yung ibang PWD, mas grabe ang nangyari sa kanila.
“Nung nagte-training ako sa ULTRA, yung national athletes na abled, kasama namin na mag-train, mismong sila, nai-inspire din sa akin.
“Ako naman, hindi pumapasok sa isip ko na nakaka-inspire ako, pero naririnig ko ang mga sinasabi nila.
“Actually, kaya rin ako sumama sa team kasi yung teammates ko, sila rin ang nagbibigay sa akin ng inspiration.
“Yung isang kasamahan ko, yung nanay niya, uminom ng birth control pills. Ipinanganak siyang may mga paa pero parang drumstick.
“Naglalakad siya, nakaluhod. Can you imagine, araw-araw niyang ginagawa yun, pero gold medalist siya sa Olympics.
“Ako, mata lang ang nawala sa akin, na compared sa iba na naglalakad nang nakaluhod. Araw-araw, gagawin mo yun. Di ba, ang hirap nun?
“Ako, naglalakad pero walang nakikita. Siya, nakakakita pero nakaluhod siya kapag naglalakad."
Dagdag pa ni Gerry, “Yung ibang mga disability na nagbibigay sa akin ng inspiration, alam ko na mas mahirap ang dinaranas nila compared sa akin kaya bakit ako magrereklamo?
“Bakit ako magrereklamo kung yung ibang mga tao, walang kamay, walang paa pero tumatawa?
“Mabait ang Diyos. Minsan, kapag depressed na depressed ako, may bigla na lang akong maririnig sa TV na may disability pero tumatawa at masaya.
“May ipapakita Siya sa akin na mas mahirap na kung iisipin mo, 'Ikaw, mata lang ang nawala sa 'yo pero normal naman yung katawan mo.'”