Nakikidalamhati ang TV host at Ateneo de Manila University (ADMU) alumna na si Bianca Gonzalez sa naiwang pamilya ng mga biktima sa nangyaring pamamaril sa Ateneo kahapon, July 24, 2022.
Tatlo ang nasawi at isa ang sugatan sa karumal-dumal na insidente na naganap sa Gate 3 ng Ateneo sa Katipunan, Quezon City.
Ang suspek ay kinilalang si Dr. Chao-Tiao Yumol, 38.
Kabilang sa mga nasawi sa insidente ay ang former Lamitan, Basilan mayor na si Rose Furigay, ang long-time executive assistant nitong si Victor Capistrano, at ang on-duty security guard ng Ateneo na si Jeneven Bandiala.
Sugatan naman si Hannah Rose, ang 25-year-old daughter ni Furigay na dadalo sana sa Law School graduation ceremony, na kinansela dahil sa malagim na trahedya.
Read: Netizens nagbigay-pugay kay Jeneven Bandiala, security guard sa Ateneo shooting incident
Sa pamamagitan ng Twitter kagabi, ibinahagi ni Bianca ang kanyang saloobin at pakikisimpatya sa mga naulilang pamilya ng mga biktima.
Mensahe niya (published as is): “Nakakabagabag at nakakalungkot ang nangyari sa dapat sana’y araw ng selebrasyon.
“Deepest sympathies to the loved ones of the victims. Hoping justice will be served."
Sa ngayon ay hawak na ng Quezon City Police District (QCPD) ang suspek habang patuloy ang imbestigasyon upang mabigyang linaw ang kahindik-hindik na insidente.
