Magpapaalam na ang commentary program nina Anthony Taberna at Gerry Baja sa DZRH bukas, July 29, 2022?
Si Anthony mismo ang nag-anunsiyo nito sa pamamagitan ng social media ngayong gabi ng Huwebes, July 28.
Halos dalawang taong tumagal sa ere ang kanilang programang Dos Por Dos sa DZRH.
Sabi ni Anthony sa kanyang post, “Ang saya pa natin dito Kumbachero. Haaay ganyan talaga ang buhay.
“Last episode na po namin ni Gerry sa Dos Por Dos bukas ng hapon (July 29, 2022).
“Maraming salamat po sa inyong pagtutok sa amin tuwing hapon mula noong August 31,2020 sa DZRH. Hanggang sa muli!
“#DosPorDos #DosPorDosSaDzrhSaHapon #Kumbachero #pagmaitimAngBalak #MagtagoKaNa #SalamatDZRH @itsmegerryb”
Nagsimula sa ere ang Dos Por Dos sa DZRH noong August 31, 2020 mula alas-singko ng hapon hanggang 6:30 ng gabi.
Pero tuluyan na nga ba talaga silang magpapaalam sa DZRH?
May nagparating na source sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na insider ng DZRH na hindi naman talaga tearful goodbye ang mangyayari sa Dos por Dos.
Ililipat lamang daw ito ng timeslot sa umaga, 6 to 8 a.m., simula Agosto 2022.
DOS POR DOS HISTORY
July 31 ang huling broadcast sa DZMM Teleradyo sa kaparehong programa.
Ang commentary program na Dos Por Dos ay nagsimulang sumahimpapawid noong 2003, at tumagal sa ere ng 17 taon at tatlong buwan sa DZMM.
Kasama ang dalawa sa naapektuhan sa malawakang cost-cutting ng DZMM kasunod ng pagkabasura ng franchise application ng ABS-CBN, ang parent company nito.
Hindi nakalusot sa Kongreso ang franchise bid ng ABS-CBN Corporation matapos ang botohan ng mga mambabatas sa bilang na 70-11 pabor sa pagbasura sa kanilang aplikasyon.
May 23 taong naglingkod sa DZMM si Anthony, samantalang 25 taon naman si Gerry.
