Si Lala Sotto ang pangalawa sa apat na anak ni former Senate President Vicente “Tito” Sotto at ng aktres na si Helen Gamboa.
Naitalaga si Lala bilang bagong chairperson ng MTRCB.
Read: Lala Sotto details how she got appointed as MTRCB chair
Nang makausap siya ng members of the press, kabilang ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), hiningan ng pahayag si Lala kung naapektuhan ba siya ng rivalry ng ama niyang si Tito at ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan.
Kontrobersiyal noong campaign season ng 2022 elections ang pagiging magkatunggali sa pagka-bise president nina Tito at Kiko.
Pamangkin ni Helen si Sharon Cuneta, na asawa ni Kiko.
Sabi ni Lala, hands-off siya sa isyu na iyon.
“Well, I was just busy with my campaign, for AGA partylist and the campaign of my father. I’m the second nominee [for AGA]. I just didn’t make it to the second seat.
“Yes, nanalo po ang aming first nominee...
“We were busy campaigning and napag-usapan naman na.”
Sa pagkaakalam ni Lala, “And all is well that ends well. We are family and I’m just grateful that maayos na ang lahat.”
Okey ang relasyon niya with Sharon?
“Yes, of course, naturally.”
Tumanggi namang magbigay ng kanyang pahayag si Lala nang tanungin kung nasaktan siya sa nangyaring isyu sa pamilya Sotto at kay Sharon.
“I don’t want to talk about it anymore. Hahaha! Sorry,” pagsamo ni Lala habang nakalapat ang kanyang dalawang kamay.
“Tsaka pag pamilya, siyempre, mahal mo hanggang kamatayan ang pamilya mo,” diin pa niya.
Noong June 2022, mismong si Sharon ang nagbahagi ng litrato kasama sina Tito at Helen.
Nakayakap pa si Sharon kina Tito at Helen na tinawag niyang “Daddy” at “Mama,” respectively.
May litrato ring ibinahagi si Sharon kasama ang magkakapatid na sina Lala, Ciara, at Romina.
Read: Sharon Cuneta reconciles with Tito Sotto and family

LALA ON PARENTS’ ADVICE
Sa kabilang banda, tinanong din si Lala kung pinayuhan siya nina Tito at Helen ngayong siya ang naitalagang MTRCB chairperson.
Aniya, “Yung mga paalala and advice sa akin ng aking magulang and the elders in my family, nagsimula iyan 22 years ago nung unang pumasok pa ako ng politics.
“So, ngayon, it’s just yung mga simple reminders na lang about humility, about being sensitive to others’ feelings and needs, about diligence and be conscientious with your work, doing and working at it with all your heart, and working that is glorifying to the Lord.
“So, 'yon yung mga paalaala sa akin ng mga magulang ko na paulit-ulit.”
Tiwala raw sa kanya ang mga magulang dahil may 18 taon na rin siyang karanasan bilang konsehal sa Quezon City bago naging MTRCB chair.
Kahit isang showbiz royalty na maituturing, hindi nag-join sa local entertainment industry si Lala.
Aniya, “I’ve always wanted to be involved in public service po talaga, sa politics.”
Ni hindi ba siya na-tempt man lang?
“As a little girl, ginusto ko naman po. Mahilig naman akong kumanta pero ayoko pong kumanta. Hahaha!
"Shower na lang. Shower at sa KTV lang po!" natatawang sagot ni Lala.
IS HER FATHER RETIRING FROM POLITICS?
Kinumusta rin ng press kay Lala kung ano ang pinagkakaabalahan ngayon ng ama niyang si Tito Sotto pagkatapos matalo sa eleksyon.
“Ay, mas masaya siya ngayon,” ani Lala.
“Mas marami siyang oras para sa mga anak niya at sa kanyang mga apo na nae-enjoy niya. At wala siyang ginawa kundi mag-golf araw-araw.”
Sa palagay ba niya may plano nang mag-retire ang kanyang ama sa public service?
Sagot ni Lala, “I don’t think so. Hindi pa naming napapag-usapan iyan.
“Pero para sa akin, sayang ang kanyang galing bilang isang lider kung magre-retire siya. So, para sa akin, hindi pa siguro napapanahon na mag-retire siya.”
Posible kayang tanggapin ni Tito if ever alukin siya ng posisyon sa gobyerno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.?
“I think the best person to ask is my father. I cannot speak for him.
"Wala naman kaming napag-usapan. But, sa aking opinion, I’m pretty sure [tatanggapin niya kung may offer],” saad ni Lala.
