Pamilya laban sa pamilya?
Ganito inilarawan ni Sharon Cuneta ang hirap ng saloobin niya dahil sa namumuong tensiyon sa kanyang mga kaanak ngayong nagsimula na ang laban tungo sa 2022 elections.
Magkakasagupaan sa pagka-bise presidente ang mister niyang si Senator Francis Pangilinan, may palayaw na Kiko, at tiyuhin niyang si Senate President Vicente Sotto III, may palayaw na Tito.
Noon pang Biyernes, October 8, naghain si Kiko ng certificate of candidacy (COC) kasama ang running mate na si Vice President Leni Robredo, na kakandidato bilang presidente.
Wala sa tabi ni Kiko ang Megastar dahil nagtungo ito sa New York para bisitahin ang panganay nilang anak na si Frankie Pangilinan na nag-aaral doon.
October 3 nang umalis si Sharon, base sa Instagram post nito.
Pero ngayong October 12, Martes, inanunsiyo ng singer-actress na nakabalik na siya ng Pilipinas.
Kasabay nito ay binasag ni Sharon ang pananahimik niya mula nang inanunsiyo ni Kiko ang pagkandidato nito bilang bise presidente noong October 8.
Noon pang September 8 nag-anunsiyo si Tito na tatakbo siyang bise presidente, at naghain ito ng COC noong October 6.
Ayon kay Sharon, masakit na kailangan niyang mamili sa pagitan ng mister at tiyuhin na pareho niyang minamahal nang lubos.
"Two men I greatly love - one whom I have known since birth, and the other, one I exchanged solemn vows with twenty-five years ago, are about to vie for the second highest position in the country, and once again, I do not know what I could have done so wrong to find myself in the midst of two rocks.
"What could I, can I do?" nagugulumihanang saad ni Sharon sa kanyang Instagram post.
Inamin ni Sharon na lumikha ng sugat ang usaping ito sa kanila ng kanyang mga kamag-anak, at ang tanging hiling niya ay maghilom ito sa tamang panahon.
Panalangin na lamang ni Sharon: "I pray that after this game called politics is over, that wounds are healed, loved ones do not doubt your love for them, and I and my sisters, especially, the only family I have left besides my own, find our way back to one another’s arms, unscathed and free of the pain our battlescars have brought us.
"It is most difficult for us in the periphery, who never imagined we would be in this position.
"May God bless us all. May God help me through this trying period… Please pray for all of us…"
SHARON'S LOW-KEY SUPPORT FOR KIKO
Ito marahil ang dahilan kung bakit tila iniwasan ni Sharon na mag-post sa social media ng kanyang hayagang pagsuporta kay Kiko nang maghain ito ng COC noong Biyernes.
Kung titingnan ang Instagram account ni Sharon, aktibo siya sa pagbigay ng updates habang siya ay nasa New York.
Naging bukas din ang Megastar sa hayagang suporta niya kay Leni, ang running mate ni Kiko.
Pero bago ang post ni Sharon hinggil sa isyu sa kanyang mga kaanak ay wala siyang personal na mensahe para sa asawa.
Ang tanging ipinost niya sa Instagram ay ang palitan ng mensahe ng anak niyang si Frankie at anak ni Leni na si Jillian Robredo na sa New York din nag-aaral.
Sa Facebook ni Sharon, ni-repost lang niya ang livestream sa presscon ni Kiko at link sa mga litrato ng asawa nang maghain ito ng COC kasama si Robredo.
Pero wala iyong kalakip na mensahe gayong kilalang expressive ang Megastar sa kanyang mga saloobin.
Waring nag-iingat si Sharon na makasakit ng damdamin ng mga kaanak o mahal sa buhay na si Tito ang susuportahan sa 2022 elections.
Wala man siya sa tabi ni Kiko nang mag-file ito ng COC, nabanggit ng senador sa talumpati nito na kinausap niya si Sharon at ang kanyang pamilya bago niya ginawa ang "last minute" na desisyong tumakbo sa pagka-bise presidente.
CIARA'S SENTIMENT
Hindi kaila na parang ina ang turing ni Sharon sa tiyahing si Helen Gamboa, na asawa ni Tito. Si Helen ay kapatid ng yumaong ina ni Sharon na si Elaine Cuneta.
Ang anak nina Helen at Tito na si Ciara Sotto ay una nang naglabas ng saloobin sa isyu ng labanan sa pagitan nina Tito at Kiko.
Inamin ni Ciara sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na nasaktan siya sa tila hindi inaasahang desisyon ni Kiko na kumandidato sa pagka-bise presidente, katapat ng kanyang ama.
Pahayag niya, "I cried because I am so hurt and disappointed.
"It made me feel that my parents were of no value after all. Ate [Sharon] has always been considered and treated like a daughter by my dad and especially my mom.
"I will continue to pray for them, and of course, for my dad and his protection, wisdom, discernment, and I praise and thank God for giving me him as my earthly father."
KC AND FRANKIE'S PERSONAL MESSAGE FOR KIKO
Sa kabilang banda, ang mga anak ni Sharon ay todo ang pag-endorso kay Kiko.
Nagsulat ng sweet message si KC Concepcion kay Kiko na itinuturing ng senador na "panganay" na anak nito.
Si KC ay anak ni Sharon sa ex-husband na si Gabby Concepcion, pero hindi kaila sa publiko na ama ang turing ni KC kay Kiko.
Kalakip ng mensahe ni KC ang litrato ng kanilang pamilya, at litrato nila ni Kiko nang mag-graduate ang senador noon sa Harvard.
Sweet din ang mensahe ni Frankie para kay Kiko na hindi raw nagkulang sa pagmamahal sa kanilang pamilya.
Ipinagmalaki niya ang "unshakeable integrity" at "love for country" ng ama.