Nagluluksa ang showbiz industry ngayon dahil sa pagpanaw ng award-winning actress at primera kontrabida na si Cherie Gil.
Kinumpirma ang malungkot na balita ng kanyang pamangkin, ang aktor na si Sid Lucero.
Binawian ng buhay si Cherie dahil sa endometrial cancer, sa New York City, ngayong Biyernes, August 5, 2022.
Siya ay 59.
Si Cherie ay mula sa pamosong Eigenmann showbiz clan.
Anak siya ng mga artistang sina Rosemarie Gil at Eddie Mesa. Kapatid niya ang mga aktor na sina Mark Gil (pumanaw noong 2014) at Michael de Mesa.
Bukod kay Sid, mga pamangkin din ni Cherie sina Ryan Eigenmann, Gabby Eigenmann, Andi Eigenmann, at Max Eigenmann.
Naulila ni Cherie ang kanyang dalawang anak sa dating asawa na si Rony Rogoff, sina Raphael at Bianca; at ang anak niya sa aktor na si Leo Martinez, si Jeremiah David.
Read: Cherie Gil at ex-husband nagkabalikan matapos ang untimely exit ng aktres sa Legal Wives?
Nakilala si Cherie sa kanyang pagganap bilang kontrabida sa mga pelikula at teleserye.
Nagsimula ang kanyang film career noong late '70s.
Ang una niyang pelikula ay ang Beerhouse noong 1977.
Naging iconic ang linya niyang "You're nothing but a second-rate, trying hard, copycat!" mula sa confrontation scene nila ni Sharon Cuneta sa pelikulang Bituing Walang Ningning (1985).
Kabilang pa sa mga tumatak na pelikula ni Cherie ay Problem Child (1980), Manila By Night (1980), Oro Plata Mata (1982), Gaano Kadalas Ang Minsan (1982), Sana Bukas Pa Ang Kahapon (1984), God... Save Me! (1985), Sana'y Wala Nang Wakas (1986), Saan Nagtatago Ang Pag-ibig (1987), Kahit Wala Ka Na (1989), Ang Bukas Ay Akin (1989), Imortal (1984).
Napanood din siya sa Ngayon at Kailanman (1992), Sana Ay Ikaw Na Nga (1994), Wating (1994), Darna: Ang Pagbabalik (1994), Sugatang Puso (2000), Working Girls (2010), Sonata (2013), Mana (2014), Kasal (2018), at Citizen Jake (2018).
Gumawa rin siya ng mga teleserye sa ABS-CBN at GMA-7. Kabilang dito ang May Bukas Pa (2000-2001), Sa Puso Ko Iingatan Ka (2001), Bituin (2002), Marina (2004), Now and Forever: Dangal (2006), Gulong ng Palad (2006), Grazilda (2010), Legacy (2012), Temptation of Wife (2012), Muling Buksan Ang Puso (2013), The Half Sister (2015), Ika-6 Na Utos (2018), Onanay (2018), at Beautiful Justice (2020).
Naging judge din siya sa reality-based artista search ng GMA-7 na StarStruck Season 7.
Huling napanood si Cherie sa Kapuso teleseryeng Legal Wives noong 2021.
Kinilala ang husay niya sa pag-arte ng iba't ibang award-giving bodies.
Kabilang na rito ang tatlong beses niyang pagkapanalo bilang Best Supporting Actress sa Metro Manila Film Festival: para sa God... Save Me! (1985), Imortal (1984), at Sugatang Puso (2000).
Ginawaran din siyang Best Supporting Actress ng PMPC Star Awards noong 2019 para sa Citizen Jake.
Nagkamit din siya ng international acting award, Best Actress sa Madrid International Film Festival noong 2015 para sa kanyang pagganap sa Mana.
Read: Cherie Gil in-announce ang pag-alis sa isang teleserye