Aminado ang aktres na si Devon Seron na kabilang siya sa milyun-milyong Pinoy na nahihilig sa K-drama, Korean variety shows, at K-pop.
Isa raw sa paborito niyang programa ay ang variety program na Running Man, na labindalawang taon nang umeere sa SBS network sa South Korea.
“Ang ganda ng concepts, ang galing nilang mag-isip at nakakatuwa sila,” sabi ni Devon sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kahapon, August 30, 2022.
Masaya rin si Devon dahil mayroon nang Philippine version ang Running Man na ipalalabas sa GMA-7. Tampok dito ang Kapuso stars na sina Glaiza de Castro, Ruru Madrid, Buboy Villar, Lexi Gonzales, Kokoy de Santos, Angel Guardian, at Mikael Daez.
Sa kabilang banda, ibinahagi rin ni Devon ang hindi niya magandang karanasan nang mag-stay siya nang matagal sa South Korea, partikular na sa mga tindahan at restaurant doon.
Lahad niya, “Sa isang store, pumasok ako para bumili ng earphones. Nakalimutan ko kasing dalhin yung earphones ko.
"Tapos kumuha ako, at nung babayaran ko na, sa harap ng seller kino-compute ko sa cellphone ko yung amount na nakuha ko, nagulat ako nung agawin sa akin nung seller na may edad yung earphones."
Ibinalik daw ng seller ang earphones na bibilhin sana ni Devon at pilit siyang pinalalabas ng tindahan.
"Sabi ko sa kanya, 'No, bibilhin ko at babayaran ko 'yan.'"
Patuloy ni Devon, “Isa pang experience ko, nung kakain kami sa isang restaurant, nakita namin na kaunti lang ang tao at may mga bakanteng table naman.
"Nagtataka rin kami kung bakit kami pinalalabas nung matandang babae ganung may bakante naman at itinataboy kami papalabas."
Base sa mga kuwento ng ibang Pinoy na nakabisita na rin sa South Korea, maraming ganitong kuwento. Karamihan daw kasi sa mga nagtitinda o bantay sa mga establishment ay mga may edad na at hindi marunong magsalita ng English.
Para hindi na sila mahirapan makipag-communicate dahil sa language barrier ay papaalisin na lang daw ang foreigner na customers kahit hindi sila mabentahan o kumita.
Sabi naman ni Devon, “But in all fairness, yung mga millennials, mababait at matulungin sila. Siguro dahil marunong na rin silang magsalita at nakakaintindi na rin sila ng English.”
Nakausap ng PEP.ph si Devon sa service van pabalik ng Maynila galing sa last shooting day ng pelikulang Ligalig sa Brgy. Taal, Pulilan Bulacan.
Kasama ni Devon sa cast sina Nora Aunor, Snooky Serna, Allen Dizon, Winwyn Marquez, Lindt Johnston, Yana Fuentes, Shido Roxas, Justin Reyes, Yñigo Delen, Angel Marquez, Rob Sy, at RS Francisco. Mula sa AQ Films, idinirek ito ni Topel Lee.
Naibahagi rin ni Devon na bukod sa Korean content ay mahilig din siyang manood ng classic at period movies.
Ang isa raw sa pelikulang gustung-gusto niya ay ang Heneral Luna (2015) ni John Arcilla.
“Alam mo ba na tatlong beses kong napanood ang Heneral Luna sa sinehan, at tatlong beses din akong tumayo at pumalakpak dahil sa sobrang nagandahan ako!” sabi niya.