Ang consistency ng foreigner boyfriend na si Aaron Haskell ang pinaka-espesyal na katangian na nagustuhan ni Maymay Entrata rito.
Valentine's Day noong February 2022 nang buksan ni Maymay sa publiko ang tungkol sa relasyon nila ni Aaron.
Nasa Canada noon si Maymay para mag-aral ng acting lessons at makasama ang nobyong nakabase roon.
Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), inamin niyang masaya siya kahit long-distance relationship sila ni Aaron.
"Masaya, sobra. Special? Consistent, dun tayo," tukoy ni Maymay sa katangian ni Aaron na nagustuhan niya.
Dahil nalalapit na ang Kapaskuhan, tinanong namin si Maymay kung magkakasama sila ng boyfriend ngayong Pasko.
Aniya, "Secret. Basta sa Christmas kasama ko ang family ko sa Japan."
Nakapanayam ng PEP.ph si Maymay sa 13th Star Awards For Music, na ginanap sa The Theater ng Newport Performing Arts, Huwebes ng gabi, October 13, 2022.
Nanalo ang Kapamilya singer-actress ng Music Hitmaker of the Year Award para sa hit song niyang "AMAKABOGERA."
Ngayong maganda ang love life at career niya, sabi ni Maymay: "Siguro ang mahihiling ko ay consistent na peace sa heart ko.
"Kahit na ano mangyari sa buhay ko, hindi ako mao-overwhelm or di lalaki ang ulo ko.
"Sa Kanya talaga ang lahat. Ayoko lang na sana aabot sa point na nao-overwhelm na ako.
"Iyan lang talaga ang mahihiling ko, at saka siyempre kaligtasan ng pamilya ko.
"Ang mahihiling ko naman sa career ko, ako talaga inaaral ko ang lahat ng ibinibigay sa akin—acting, singing, dancing—tuluy-tuloy naman.
"Hangga't may tiwala kayo sa akin, tuluy-tuloy lang."
- Bea Alonzo's manager Shirley Kuan breaks silence on Lolit Solis "unprovoked attacks" against Bea
- Really, Sandara Park third wealthiest female K-Pop star with PHP1.2 billion net worth?
- Shirley Kuan gets back at Lolit Solis for saying Bea Alonzo is "power tripping"
ON SUCCESS OF HER SONG
Labis din ang pasasalamat ni Maymay sa mga tagahangang sumuporta at tumangkilik ng "AMAKABOGERA."
"Lahat na lang ginawa nila kaya thank you po. Kundi dahil sa mga tao na sumusuporta ng 'AMAKABOGERA,' kung di dahil sa kanila, sila talaga kasi ang nag-spread.
"Saka nakaka-proud na maging bahagi na rin ng OPM music. Malaking karangalan na isa na ako sa nakakapag-share ng OPM."
Malaking bagay raw ang pinagdaanang training ni Maymay para mahinang ang talento niya sa pagkanta sa tulong ng kanyang voice coach.
"Last year ko pa nalaman kung paano talaga ang kumanta. Kahit paano, hanggang ngayon, tuluy-tuloy pa rin ang session ko sa kanya.
"Hanggang ngayon willing talaga ako na ma-improve yung voice ko.
"Sinabi ko nga kanina, first anniversary namin ng voice coach ko, si Ms. Jay Richo, siya ang nag-push sa akin na maganda yung kanta."

Ibinahagi ni Maymay na pinaghahandaan talaga nito ang isang bagay kung nais niyang magtagumpay dito.
"Pero bago yun, ako ang nag-reach out kasi di puwedeng patsamba-tsamba yun.
"Saka dahil sa 'AMAKABOGERA,' nakakakanta ako nang live, at dahil kay Ms. Jay, dahil sa training niya."
maymay entrata's NEW SINGLE
Pagkatapos ng tagumpay ng "AMAKABOGERA," isang bagong single ang pinaghahandaan ni Maymay para sa mga tagahanga.
"Yes, abangan ninyo. Nasabi ko na sa Showtime na this month lalabas yung second single ko.
"Pressure? Ay, oo, hindi lang ako, lalo na yung buong team ng Star Pop family, si Roxanne.
"Ilang beses kaming nag-listening kung ano talaga ang pipiliin naming next single."
Dagdag pa ni Maymay, "Grabe yun, si Lord talaga yun kasi kung di talaga sa Kanya, talagang magbibigay siya ng ways. At pag talagang pinaghirapan mo isang bagay, talaga magbubunga yun.
"Siyempre, ginamit niya yung mga tao na sumusuporta sa akin, yung mga nagtitiwala sa akin sa kantang ito, para maibahagi sa ating mga kababayan, sa mga kababaihan."
Nominado si Maymay sa 2022 MTV Europe Music Awards para sa kategoryng Best Asian Act. Through text votes ang botohan at hiling ni Maymay na suportahan siya ng fans.
