Maingay at trending ngayon sa Twitter ang pangalan ni Senator Jinggoy Estrada dahil sa kanyang mga pahayag sa pagdinig sa panukalang budget ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) para sa 2023, kahapon, October 18, 2022.
Sa isang punto ay sinabi ni Estrada na pinag-aaralan niyang imungkahi na ipahinto sa Pilipinas ang pagpapalabas ng mga Koreanovela dahil nakakaapekto umano ito sa kabuhayan ng mga artistang Pilipino.
Pahayag ng actor-politician: “Ang aking obserbasyon pag patuloy tayo nagpapalabas ng Korean telenovela, ang hinahangaan ng ating mga kababayan ay itong mga Koreano at nawawalan ng trabaho at kita yung ating mga artistang Pilipino.
"Kaya minsan pumapasok sa aking isipan na i-ban na itong mga telenovela ng mga foreigners at dapat ang mga artista nating Pilipino, [na] talagang may angking galing sa pag-arte, ay yun naman dapat ang ipalabas natin sa sariling bansa natin.
“Kung ang pino-promote natin ay mga produkto ng Koreano, kaya nagkakaroon tayo ng halos maraming produktong Korean dito sa atin. Imbes na i-promote natin yung sarili natin, ang napo-promote natin yung mga banyaga."
Ang pahayag na ito ni Estrada ay ipinaghimagsik nang todo ng mga Pilipinong masugid na tagasubaybay ng mga pelikula at serye na gawa sa South Korea.
Bunsod nito, inulan ng batikos si Estrada mula sa netizens at K-drama fans.
Ngayong Miyerkules ng umaga, October 19, nakipag-ugnayan ang Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) kay Estrada para hingin ang kanyang reaksiyon tungkol sa marubdob na pagtangkilik ng ating mga kababayan sa mga Korean show at ang pagti-trend ng pangalan niya sa Twitter.
“I said that out of frustration. I only wanted to protect the interests of my fellow artists. Filipino first,” paliwanag ni Estrada, na kasalukuyang nasa ibang bansa.
“My statement stems from the frustration that while we are only too eager and willing to celebrate South Korea’s entertainment industry, we have sadly allowed our own to deteriorate because of the lack of support from the movie going public.
“I wish that the zealousness of our kababayans in patronizing foreign artists can be replicated to support our homegrown talents who I strongly believe are likewise world-class."
Dagdag pa ng senador: “I have nothing against South Korea's successes in the entertainment field and, admittedly, we have much to learn from them. Pero huwag naman nating kalimutan at balewalain ang trabaho, pinaghirapan at angking likha ng ating mga kapwa Pilipino.
“South Korea’s phenomenal success is rooted in their love of country.
“It is high time that we follow their example and do the same for our own entertainment industry that is at best, barely surviving.”