Pinatulan ni Vice Ganda ang isang netizen na may duda sa kanyang pag-absent sa It’s Showtime noong Sabado, October 22, 2022.
Nagkataon kasing noong araw na iyon ang grand finals ng "Miss Q&A: Kween of the Multibeks" segment, na ayon kay Vice ay malapit na malapit sa kanyang puso.
“For a valid reason” ang sinabi ni Vice kung bakit siya lumiban sa show, pero may ilang espekulasyong lumabas.
Read: Vice Ganda issues statement after missing the grand finals of "Miss Q&A: Kween of the Multibeks"
Linggo ng gabi, October 23, nag-tweet si Vice ng pagbati sa kanyang followers.
Mensahe niya: “Have a great Sunday Unkabogables! Love you!”
Ngayong Lunes ng umaga, October 24, isang follower ni Vice at avid viewer umano ng It’s Showtime ang nagkomento.
Ayon sa netizen, sana ay um-absent si Vice ng kahit isang araw lang kung nasa shooting ito para makadalo sa It's Showtime.
Pero hindi raw ito ginawa ng comedian-TV host. Duda tuloy ng netizen, may katotohanan ang mga alingasngas na meron ngang conflict sa pagitan ni Vice at ilang kasamahan niya sa noontime show.
Buong komento ng netizen: “Ano ba problem ms vice? Bakit natitiis mo Kaming nga followers mo at ang viewers ng showtime.
“Finals last Saturday siguro naman kahit may shooting pwede Kang payagan ng producer na mag absent kahit one day Lang. Siguro nga totoo na Hindi na kayo ok ng mga cast ng showtime.”

Ni-retweet ni Vice ang komento ng netizen nang anim na beses kalakip ang kanyang “kakaibang” mga paliwanag.
Pasarkastikong "kinumpirma" ng TV host-comedian ang mga espekulasyon ng netizen.
Ayon kay Vice, wala naman talagang dahilan kung bakit um-absent siya kundi "tinamad" lamang siyang pumasok.
Saad niya, “Totoo po lahat ng mga nasa isip nyo. Wala naman po talagang dahilan kung bat ako absent last sat. Tinamad lang ako talaga.
"At totoong may mga issues kami ngayon sa showtime. Ang cast at ang direktor. At oras na para ipaalam ko sa inyo ang mga nangyayari para matapos na.”
“RIFT” WITH ANNE CURTIS, ET AL
Kasunod nito ay inisa-isa ni Vice ang diumano’y mga “hidwaan” sa pagitan ng co-hosts ng It's Showtime, kabilang na siya at ni Anne Curtis.
Ayon kay Vice, “13 years” na ang away nila ni Anne na hanggang ngayon ay wala pang resolusyon.
Post niya: “Una, TOTOONG MAGAKAAWAY KAMI NI ANNE. Matagal na tong alitan na to na di naayos.
"Its been 13yrs na di maresolve ang issue kung sino samin ang chaka.
"And last week nga ay umabot na sa sampalan. Nalunok nya ang kamay ko at till now di ko pa nababawi. I hate anne for life!”
Ang pangalawa naman ay ang "sapakan" sa pagitan nina Jhong Hilario at Ion Perez.
Hirap daw kasing pumik-up ng steps si Jhong sa isang choreography kasama ang partner ni Vice.
Sabi ni Vice, “Pangalawa, last week nagsapakan si Jhong at si Ion. Magpartner kasi sila sa Magpasikat at hirap na hirap si Ion na magchoreo dahil mabagal pumick up ng sayaw si Jhong. Di makuha ni Jhong ang step ng LintikNaPagIbig at napikon na si Ion at nagpang abot sila.”
Ikatlo raw ay ang "murahan" nina Ryan Bang at Teddy Corpuz.
Aniya, “Pangatlo, NAGMURAHAN SI TEDDY AT RYAN SA STUDIO. Nagpakulot kasi si Teddy sa Salon ni Ryan. Nangako si Ryan na maganda ang kalalabasan nito.
"Pagtapos magpakulot ay dumiretso na si Teddy sa studio ng masaya naman. Pagkita ni Ryan ay nagsorry ito. Ayun minura sya ni Teddy.”
VICE TO SIGN NEW CONTRACT WITH IT’S SHOWTIME
Kasunod nito ay "nabuntis" umano ni Jugs ang direktor nilang si Jon Moll.
Sabi ni Vice, “At eto na nga ang pang apat at pinakamalaking issue na kinakaharap ngayon ng showtime. Sinubukan nilang itago ito pero alam ko namang lalabas din sa takdang oras. Madlang People…….nabuntis ni Direk Jon Moll si Jugz.”
Sa huli, malalamang biro lamang ang lahat ng post ni Vice dahil kahit “tamad na tamad” siyang pumasok at gusto na niyang “mag-resign” sa show, nakatakda umano siyang pumirma ng bagong kontrata sa noontime show.
Aniya, “Ayan po ang mga dahilan ng mga away at kaguluhan sa showtime. Tama ang mga nasa isip nyo. Kaya naman tamad na tamad nakong pumasok.
"At dahil dyan gusto ko ng magresign. At dahil gusto ko ng magresign ay may contract signing po ako next next week. Ok na po?? Happy?? [zany face emoji]”
Aliw na aliw naman ang netizens sa posts ni Vice.
