Binalikan ng tanyag na vlogger na si Toni Fowler ang kanyang masamang karanasan ukol sa pagkakaroon ng butt enhancement.
Pag-amin ni Toni, pekeng doktor ang kanyang unang pinuntahan na nagresulta para “mabulok” ang parte ng katawan na kanyang ipinaayos.
Para maipaayos ito, muli siyang sumailalim sa isa pang cosmetic surgery.
Inusisa si Toni tungkol sa pagsasailalim niya ng butt augmentation sa YouTube vlog ng news anchor na si Karen Davila nitong October 27, 2022.
“Kaya po ako nagpalaki ng puwet kasi ay limang piso kada talbog pag nagtu-twerk,” biro ni Toni na nagsimula noon bilang isang dancer.
“Nagkaroon po talaga ako ng accident sa balakang,” pagseseryoso niya.
SURGERY GONE WRONG
Inamin ni Toni na lumapit siya sa isang fake cosmetic doctor.
“Nagpa-inject ako. Sabi ng kaibigan ko, ‘Uy, may alam akong mura.’ Nagpa-inject ako…
“To make the long story short, ano pala, motor oil [ang in-inject].”
Hindi makapaniwala si Karen sa inamin ni Toni, pero iginiit ng social media star na totoo ito.
“Motor oil ang nalagay sa akin. So nangitim,” sabay muwestra na kumalat ang pangingitim sa kanyang kanang hita.
“Pina-check ko sa doktor ko. Sabi ko, ‘Dok, anong nangyayari?’
“Sabi niya, ‘Namamatay ang balat mo. Nabubulok ka nang buhay.’”
Niremedyuhan daw ng kanyang doktor ang maling ginawa kay Toni.
“Kinaskas yung nilagay sa akin. Tinanggal tapos lalo akong nawalan ng puwet tsaka balakang.
“Tinanggal yung infected part, pati sa puwet. So mas lumiit…
Hindi na raw nahabol ni Toni ang pekeng doktor na una niyang pinuntahan dahil hindi na niya ito nahanap.
Sumunod niyang nilapitan ang isang professional cosmetic surgeon para sumailalim muli sa isang butt augmentation.
“Sabi ko, ‘Lagyan mo akong silicone.’”
Pero inirekomenda raw ng doktor ang isa ang Brazilian butt lift, isang specialized fat transfer na hindi na ginagamitan ng implants.
Kuwento ni Toni, “Pinataba niya ako ng three months. ‘Tapos kinuha niya ang fats ko dito,” sabay muwestra sa kanyang mga braso.
“And then 360 [degrees], pati sa bra line.
“Nilagay niya ang fats ko sa puwet at balakang ko.”
Masayang binanggit ni Toni na sariling fats niya ang ginamit sa pagpapa-enhance ng kanyang butt.
“Natural way pa din,” aniya nang nakangiti.
