Ang ex-girlfriend na si Maureen Wroblewitz kaya ang pinatutungkulan ni JK Labajo sa cryptic message ng singer sa Instagram nitong Biyernes ng gabi, November 11, 2022?
Nag-post si JK ng larawan niya kung saan may yakap-yakap siyang pusa.
Sabi niya sa caption: “yung tipong mamahalin mo parin siya kahit di ka niya mahal”
View this post on Instagram
Hinala ng netizens, may kaugnayan ito sa Instagram Story ni Maureen kahapon din, kung saan may kayakap itong lalaki habang nasa duyan sa dalampasigan sa Siargao.
Pareho silang nakatalikod kaya hindi kita ang kanilang mga mukha.
May saliw itong kanta na ang lyrics ay ganito: “Mmm, so this is love, mmm, so this is love…”

Kasunod nito ay nag-post din si Maureen ng video habang nagpapa-acupuncture katabi ang isang guwapong lalake.
Hinihinalang ang lalakeng katabi ni Maureen ang siya ring kasama niya sa duyan.

Ngayong gabi naman ng Sabado, November 12, nag-post si Maureen sa Instagram ng larawan niyang naka-two piece swimsuit.
Caption niya, “the [sun emoji] is making me look angry but i’m not, i’m happy [heart emoji]”
Mahihinuhang nakahanap na ng bagong pag-ibig ang model-beauty queen.
View this post on Instagram
June 10, 2022, tinuldukan nina JK at Maureen ang kanilang relasyon.
Base sa kani-kanilang mensahe sa Instagram noon, mukhang maayos ang kanilang naging hiwalayan ngunit hindi nila idinetalye kung ano ang dahilan.
Ayon sa dalawa, para ito sa kanilang "personal growth" dahil mga bata pa sila. Si JK ay 21 lamang at si Maureen ay 23.
