Sa pangalawang pagkakataon ay bukas na sinagot ni Andrea Torres ang mga tanong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) tungkol sa kayang buhay pag-ibig.
Sa naunang panayam ng PEP.ph ay inamin ni Andrea na handa na ulit siyang umibig at bukas na siya sa posibilidad na magkaroon ng boyfriend.
Read related story: Andrea Torres on next relationship: "Ready na ako."
Muli, noong November 23, 2022, sa Viu Philippines Reborn Rich Murder Mystery Dinner Party sa Manila Hotel, tinanong ng PEP.ph si Andrea kung ano ang mga non-negotiables pagdating sa relationship.
Hindi niya ito diretsahang sinagot. Ang malinaw, yung hindi niya gusto sa isang lalaki.
Ayon kay Andrea, ekis sa kanya ang yung mga lalaking "hindi close sa family or if hindi siya malapit sa pamilya or hindi niya nire-respect yung pamilya ko."
Paliwanag ng GMA-7 aktres, "Important din, kasi siyempre reflection yun kung paano naman yung partner mo kapag nagkaroon naman siya ng sarili niyang family.
"Lahat ng members ng family ko, important naman sa akin.
"Ayoko lang yung ganun, minsan kasi nakakarinig ako ng ibang stories, di ba? Medyo naa-affect yung relationship sa family.
"So dapat feeling ko, pag nagkaroon ka ng partner, parang mag-e-ease in lang siya sa buhay mo. Wala kang kailangang i-give up na mahalaga sa iyo."
Bukod sa pagiging malapit sa pamilya, importante rin kay Andrea ang pagiging mapanalig sa Diyos.
Lahad nito, "Maganda rin yung maka-Diyos. Pareho kayo ng, alam mo yun, ng pinapaniwalaan siguro para makapag-pray kayo together.
"Well, actually, kahit naman magkaiba kayo ng religion. Basta alam mo lang na meron siyang, meron siyang God na itinuturing, di ba?"
MARIA CLARA AT IBARRA
Samantala, ikinagulat ni Andrea ang magandang reaksiyon ng viewers ng Kapuso prime-time series Maria Clara At Ibarra sa kanyang pagganap bilang Sisa lalo't maiksi lang naman nitong ginampanan ang karakter sa nasabing serye.
Aniya, "Super nagulat, actually, and siyempre nakakatuwa. Mas lalong nakaka-inspire na lalong pagbutihin sa mga next projects.
"At, siyempre, kahit tapos na yung story ni Sisa sa Maria Clara at Ibarra, although may balik pa ata, pero tapos na yung pinaka-chapter niya, andun pa rin yung support ko sa show."
Ipinarating din ni Andrea ang kanyang pasasalamat kay Barbie Forteza, Dennis Trillo, sa mga artista na nakasama niya sa serye.
"Very thankful ako sa show and sa lahat ng nakasama ko dun like sina Barbie na madalas ko ka-eksena, sina Dennis.
"Ang saya-saya ko lang talaga ngayon, with how everything's going."
Malaki rin ang pasasalamat nito sa direktor na si Zig Dulay sa tiwalang ibinigay nito sa kanya at maging sa iba pang staff at crew ng nasabing Kapuso series.
"Ang credit naman talaga niyan hindi lang sa artista pero sa kasama rin sa set, like sina Direk Zig, yung staff.
"Siyempre, ang ganda rin nung environment na binigay nila sa amin. And kami ni Direk Zig, meron na kaming magandang connection talaga, e.
"Kasi mahilig kaming mag-discuss ng script 'tsaka nung character. So na-appreciate ko yun kasi, at least, parang, nagiging collaborative siya.
"Tapos yun, na-appreciate ko na binigyan niya ako ng freedom dun sa eksena.
"Siyempre, para pagkatiwalaan ka ng director at ng network mo, parang mas lalo mong mag-e-effort kasi nga sobrang grateful mo sa kanila."
Excited naman na si Andrea sa kanyang susunod na proyekto ngunit hindi na muna ito nagbahagi ng detalye.
Paliwanag nito, "Meron silang na-mention sa akin, pero ang hirap kasi unless pag nag-start na. So hintayin natin na ma-announce talaga."
Sa ngayon, mapapanood pa rin si Andrea sa action series na One Good Day, kung saan kasama nito si Ian Veneracion.
"Right now, nag-e-air yung project ko with Ian Veneracion, sa Prime Video naman, yung One Good Day.
"Sobrang ibang iba sa Sisa. Sobrang layo talaga. Action 'tapos medyo makulit ako dito na kenkoy."
READ MORE:
- Andrea Torres describes what it is like working with Argentine actors, crew in Pasional
- Andrea Torres, bumawi sa mga kasamahan sa Argentinean film na bumisita sa Pilipinas
- Andrea Torres proud ate to brother with special needs: "Forever namin siyang baby."
- Andrea Torres admits Sisa role gives her migraine but "very fulfilling po"
