Naglabas ng saloobin si Matet de Leon pagkatapos direktang kinumpetensiya ng inang si Nora Aunor ang kanyang gourmet tuyo at tinapa business.
Sa Instagram kahapon, December 4, 2022, pinalagan ni Matet ang paglabas ng gourmet tuyo at tinapa ng ina dahil direkta raw nitong kinalaban ang kanyang negosyo.
Tanong pa niya sa kanyang followers: “Would you do this to your children? HONOR THY FATHER AND MOTHER. HOW? how can I do that now? Ay, AMPON PALA AKO.”
Si Matet ay adopted daughter ni Nora at ng dating asawa na si Christopher de Leon.
Lahad pa ng dating child star, may nagsabi sa kanyang dapat maging reseller na lang siya ng produkto ng kanyang ina.
Ngunit paliwanag ni Matet, pinaghirapan nila ng kanyang mister na si Mickey Estrada ang pagbuo ng kanilang produkto at pagtitinda nito.
Himutok pa niya, alam naman daw ng ina na mayroon siyang ganitong uri ng negosyo kaya nagulat siyang naglabas din ito ng kahalintulad na produkto sa kanya.
Sabi ni Matet, “Nung isang gabi, sinabihan ako na na mag resell na lang ng products ng nanay ko. Pinag hihirapan namin ang pagtitinda.
“Bakit all of a sudden, nagulat na lang ako, naglabas ang nanay ko ng direktang kumpitensya ng produkto ko. Alam niyang may produkto akong ganyan.
"Marami naman daw akong taping."
Humingi rin ng payo si Matet sa kanyang mga followers kung ano na ang gagawin niya ngayong kinumpitensiya siya ng sariling ina.
Pagtatapos ni Matet: “Ano sa tngin niyo gagawin ko ngayon? Ano magandang gawin?
“Kung may anak kayo, GAGAWIN NIYO BA SA MGA ANAK NIYO TO?”
View this post on Instagram
Naka-off ang comments section ng post ni Matet kaya walang mababasang reaksiyon dito.
Samantala, humingi ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ng pahayag mula sa kampo ng Superstar at National Artist for Film and Broadcast Arts na si Nora. Kaagad namin itong ilalathala kapag nagpadala na sila ng statement.
