Kinatigan ng Taguig Regional Trial Court ang Petition for Bail para kay Vhong Navarro, na nahaharap sa kasong rape na inireklamo ng model na si Deniece Cornejo.
Pinirmahan ni Presiding Judge Loralie Datahan ang 21-page court ruling na may petsang December 5, 2022.
December 6, 2022 nang i-release si Vhong sa pagkakaditena niya sa Taguig City Jail, matapos magbayad ng piyansang isang milyong piso (PHP1 million).
Ang kasong rape ay non-bailable.
Pero ayon sa korte, sa puntong ito ay hindi kinakitaang may "great presumption of great guilt" si Vhong kaya puwede itong pansamantalang makalaya.
Nakatanggap ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ng kopya ng court ruling kagabi, December 6, 2022.
Detalyadong ipinaliwanag sa court ruling na crucial ang pag-establish ng "credibility of the complainant" sa paglilitis ng kasong rape.
Kinakailangan daw mapatunayang credible ang testimonya ng complaint, at makikitang tugma at naaayon sa "common knowledge, observation, at experience" ng tao.
Sa kaso ng alegasyong rape ni Deniece kay Vhong, lumabas na madaming "inconsistencies" sa isinumiteng sworn affidavits, at pati na sa testimony ni Deniece nang humarap siya sa korte ngayong 2022.
Nagpasa si Deniece ng tatlong complaint affidavits na may petsang January 29, 2014; February 27, 2014; at October 16, 2015.
Sa pagsusuri ng korte ngayong 2022, napansing iba-iba ang bersiyon ng kuwento ni Deniece sa tatlong affidavits niya.
Sa first and second affidavits, inireklamo ni Deniece na ginahasa siya ni Vhong nang bisitahin siya nito sa condo niya noong January 22, 2014. Pero nasaklolohan siya ng mga kaibigan na nagsagawa ng "citizen arrest" laban sa aktor. Wala siyang binanggit na ni-rape siya noong January 17, 2014.
Sa third affidavit ni Deniece, higit isang taon mula noong dalawang nauna niyang reklamo, sinabi ni Deniece na ni-rape din siya ni Vhong sa unang pagkikita nila noong January 17, 2014.
Kinuwestiyon ito ng korte.
Hindi raw klaro kung bakit nagawang ireklamo ni Deniece ang alegasyong panggagahasa sa kanya noong January 22, 2014, pero umabot pa sa ikatlong affidavit ang tungkol sa sinasabing panggagahasa sa modelo noong January 17, 2022.
Read: A timeline: Vhong Navarro vs Cedric Lee, Deniece Cornejo legal battle
NO ENOUGH BASIS THAT DENIECE WAS DRUGGED
Ipinakita sa court ruling ang excerpts mula sa cross-examination kay Deniece ni Atty. Alma Mallonga nitong 2022.
Si Mallonga ay legal counsel ni Vhong mula sa Siguion Reyna, Montecillo & Ongsiako law firm.
Base rito, sinabi ni Deniece na nilagyan ni Vhong ng droga ang wine na in-offer sa kanya ni Vhong noong gabi ng January 17, 2014.
Pero lumabas na "sip" lang ng wine ang ginawa ni Deniece, at hindi rin niya nakitang nilagyan ni Vhong ng droga ang inumin.
Wala rin daw anumang uri ng droga na lumabas sa medical test results ni Deniece noon.
"Records also show that complainant was able to text, talk, walk, change her clothes and leave her condominium unit to sleep at a friend's place, after the accused supposedly raped her.
"Likewise, complainant confirmed that she was not, any stage of the incident, unconscious or fully deprived of her will power," saad pa sa court ruling.
"inconsistent" with Deniece's "claim of trauma"
Paliwanag pa rin sa court ruling, "inconsistent" sa "common experience" at "human nature" ang behavior ni Deniece noong gabing sinasabi nitong ginahasa siya ni Vhong.
Sa salaysay kasi ni Deniece sa korte, inamin nitong pagkaalis pa lang ni Vhong ng kanyang condo noong January 17 ay tinext niya ito.
Sa kanilang text exchange, inamin ni Deniece na tinawag niyang "sweetie" si Vhong at hinikayat ang aktor na magkita sila ulit.
Kaugnay nito, isa pang kinuwestiyon ng korte ay ang inasal ni Deniece sa ikalawang insidenteng nagkita sila ni Vhong noong January 22, 2014.
Hindi raw consistent sa human behavior ang lumabas sa CCTV footage. Namataan si Deniece na mag-isa sa loob ng elevator, waring nanalamin at inayos ang sarili, at saka humagikgik.
Ang sagot ni Deniece kay Atty. Mallonga sa cross-examination ng pananalamin at paghagikgik pagkatapos ng alleged incident, "Yes. What's wrong with that[?]"
Sabi naman sa court ruling, "The foregoing statements of the complainant are, to the mind of this Court, inconsistent with her claim of trauma, and outside the reasonable expectations of someone who just underwent a painful ordeal."
- CA orders Taguig Prosecutors to file rape, acts of lasciviousness charges vs Vhong Navarro
- Bianca Lapus reveals son Yce deeply affected when he visited dad Vhong Navarro at detention facility
- Tanya Winona Bautista-Navarro fears for husband Vhong Navarro’s safety if transferred to Taguig City Jail
- Kampo ni Deniece Cornejo, umalma sa "trial by publicity" kaugnay ng rape case laban kay Vhong Navarro
NO WEAPON USED AGAINST HER
Ayon pa rin sa court ruling, hindi sapat ang prinisintang ebidensiya para masabing ni-rape si Deniece.
Galing na raw mismo sa testimonya ni Deniece na walang dalang baril, kutsilyo, o anumang weapon si Vhong nang magkita sila.
Sinabi rin daw ni Deniece sa kanyang testimonya sa korte na hindi siya binugbog ni Vhong para masabing tinakot siya ng aktor bago siya nito pagsamantalahan.
Taliwas daw ito sa "Information" sa kaso na ni-rape ni Vhong si Deniece sa pamamagitan ng paggamit ng "force, threat, and intimidation, and by purposefully intoxicating the victim."
Sabi pa sa ruling, "In rape cases alleged to have been committed by force, threat, or intimidation, it is imperative for the prosecution to establish that the element of the voluntariness on the part of the victim to be absolutely lacking.
"The prosecution must prove that force or intimidation was actually employed by accused upon his victim to achieve his end. Failure to do so is fatal to its cause."
Sa huli, pinayagan ng korte na makapagpiyansa si Vhong sa halagang PHP1 million para pansamantalang makalaya.
Paalala lang ng korte: "It must be emphasized, however, that a grant of bail does not prevent the Court, as trier of facts, from making a final assessment of the evidence after a full trial of the merits."

REACTION OF VHONG NAVARRO'S LAWYER
Lubos ang tuwa ni Atty. Alma Mallonga na dininig ang dasal ni Vhong na makalaya bago mag-Pasko.
Sa panayam ng PEP.ph ngayong Miyerkules, December 7, 2022, sabi ng abugada, "Basta ang isang paulit-ulit na sinasabi sa akin noon ni Vhong, 'Attorney, promise mo sa akin, hindi ako magpa-Pasko dito. Nandun ako sa bahay magpa-Pasko."
Kaya ganoon na lang daw ang saya ni Vhong nang malamang pinaboran ng korte ang Petition for Bail niya.
"I personally delivered the news to Vhong. Bumababa siya. Pagkakita ko sa kanya, tuwang-tuwa kami pareho. Nagyakapan kami.
"He was just so very happy. We were so happy. Yung mga tao tuwang-tuwa sila para kay Vhong. They wished him well."
September 19, 2022 nang boluntaryong sumuko si Vhong sa National Bureau of Investigation (NBI) para sa kasong rape at sa hiwalay na kasong acts of lasciviousness.
Naditena siya roon at inilipat sa Taguig City Jail noong November 21, 2022.
Saksi raw si Atty. Mallonga kung paano pilit na nagpakatatag si Vhong sa kabila ng kalbaryong dinaanan.
Kuwento niya, "Halos every other day binibisita ko siya. Pag nandun ako, nag-uusap kami about ano puwede mangyari. Ina-analyze namin yung hearings. Kasi nanonood sila, e...
"Every day, for the last so many weeks, mino-monitor namin ang results from the time na ine-expect namin the judge to issue a decision, which is starting November 14.
"We call the office at least three times a day. Ganun kami araw-araw naghihintay. Then yesterday, nung nag-followup, sinabi na may pinadala sa email namin."
Bandang 10:30 a.m. ng December 6 nang malaman ni Atty. Mallonga ang tungkol sa positibong balita sa kanyang kliyente. Tinawagan niya agad ang misis ni Vhong na si Tanya Bautista.
Lahad ni Atty. Mallonga, "Ginawa na niya dapat kailangan. We had to come up with many requirements, the certification, the bail money, photographs... Na-submit namin before 5 p.m.
"Hinintay namin na mapirmahan ng court. Na-release si Vhong after 6 p.m. kasi after 5 p.m. na napirmahan ng judge.
"We were all very excited. We were all so focused to get Vhong out that day."
Kinumpirma rin ni Atty. Mallonga na totoong nangayayat si Vhong. Hindi naman daw ito kinulang sa pagkain pero dahil sa "psychological hardship" habang ito ay nakaditena.
Pinayuhan daw niya itong magpokus sa pag-recover ng lakas, at mag-enjoy sa oras kasama ng pamilya.
THE ONGOING LEGAL BATTLE
Noong 2014 at 2015, ibinasura ang mga reklamong rape na isinampa ni Deniece laban kay Vhong. Pero muli itong nabuhay nang iutos ng Court of Appeals na baliktarin ang desisyon ukol dito noong July 2022.
Sa kabilang banda, noong July 2018 ay hinatulan ng "guilty beyond reasonable doubt" sa kasong grave coercion ang grupo nina Deniece at Cedric Lee. Ang desisyon ay ipinataw sa Taguig City Metropolitan Trial Court.
Sa kasalukuyan, dinidinig pa rin ang serious illegal detention case laban kina Cedric at Deniece gawa ng insidenteng pambubugbog, pananakot, at diumano'y pagditena kay Vhong sa condo ni Deniece noong January 22, 2014.
