Pumanaw na ang singer at kauna-unahang Pilipinas Got Talent winner na si Jovit Baldivino.
Binawian ng buhay ang singer dahil sa aneurysm kaninang 4:08 ng madaling-araw, December 9, 2022, sa Intensive Care Unit ng Jesus of Nazareth Hospital sa Batangas City.
Siya ay 29.
Ngayong Biyernes ng umaga ay nag-post ang asawa ni Jovit na si Camille Ann Miguel ng larawan nila ni Jovit.
Maikling caption niya rito: "ASAWA KO [loudly crying face emojis]"

Nakapanayam ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) si Camille noong December 6 dahil nanawagan siya sa publiko na tigilan ang pagkakalat ng fake news tungkol sa kanyang asawa.
Pinabulaanan ni Camille ang balitang nag-collapse si Jovit sa isang party noong December 4.
Apela niya: “He’s in the hospital right now, [we’re] asking for prayers, not fake news.
“Wala naman po akong ibang hiling kundi prayers para sa asawa. Nakakasama lang po ng loob na pinalalala ng fake news ang sitwasyon niya.”
Read: Misis ni Jovit Baldivino, umalma sa mga fake news tungkol sa kalagayan ng singer
Bumuhos ang pakikiramay sa pamilyang naulila ni Jovit mula sa kanyang mga kaibigan at tagahanga na nahihirapang tanggapin ang katotohanang wala na siya.
“May you rest in peace. Your memories will remain in my hearts forever and to all your love ones and fans,” Facebook post ng dating manager ni Jovit na si Joy Maranan.
Natupad ang pangarap ni Jovit na makilala bilang singer nang sumali at magwagi siya sa unang season ng Pilipinas Got Talent noong June 13, 2010.
Read: Former siomai vendor Jovit Baldivino is Pilipinas Got Talent's grand prize winner

Si Ai-Ai delas Alas ang isa sa mga hurado ng reality talent competition show ng ABS-CBN. Ikinalungkot niya ang malungkot na balita tungkol kay Jovit kaya nagpahatid siya ng pakikiramay sa mga naulila ng 29-year-old singer.
Huling napanood sa telebisyon si Jovit noong November 28, 2022 bilang isa sa mga celebrity contestant ng Family Feud.
