Ang igalang ang kanilang pribadong buhay dahil sa kasalukuyang pinagdaraanan ng pamilya nila ang hiling ni Camille Ann Miguel, ang partner ng singer at unang kampeon ng Pilipinas Got Talent na si Jovit Baldivino.
Labis na ikinabahala ni Camille ang kumakalat na fake news tungkol sa kalusugan ni Jovit simula kahapon, December 5, 2022.
Naka-confine ngayon si Jovit sa ospital sa isang bayan ng lalawigan ng Batangas kaya mas kailangan nila ngayon ang mga dasal, hindi ang mga walang katotohanang balita na lalong nagpapabigat sa kanilang damdamin.
Nitong Martes ng madaling-araw, December 6, inilabas ni Camille sa Facebook ang kanyang apela (published as is):
"Sa Lhat po ng nag Popost sa asawa ko siguraduhin nyong tama ang post nyo at d kau nakakatulong lalo nyo pinalalala d kau nakakatulong matuto kau humingi ng permission..wag nyo pong palalain ang sitwasyon nya!!!!!!makapag post lng kau...prayers po ang kailangan nmn d ang maling post nyo!"
Ayon kay Camille, hindi totoo ang mga social media post na nag-collapse si Jovit sa isang party noong December 4, 2022.
Pero kinumpirma niya sa Cabinet Files na nakaratay sa ospital ang kanyang asawa.
“He’s in the hospital right now, [we’re] asking for prayers, not fake news.
“Wala naman po akong ibang hiling kundi prayers para sa asawa. Nakakasama lang po ng loob na pinalalala ng fake news ang sitwasyon niya,” pahayag ni Camille.
Marami ang mga miyembro ng media na tumatawag kay Camille dahil gusto nilang malaman ang kalagayan ni Jovit na hindi niya sinagot, pero napilitan siyang magsalita sa Cabinet Files ngayong Martes ng umaga, December 6, para maituwid ang mga dumarami at kumakalat na maling balita tungkol sa sitwasyon ng 27-year-old singer.
Respeto lamang ang munting kahilingan ni Camille.
Kung may taong may karapatang magbigay ng balita tungkol sa kalagayan ni Jovit, si Camille lamang at hindi ang mga nilalang na walang alam sa mga tunay na nangyayari pero malalakas ang loob na gumawa ng fake news para kumita ng pera ang kanilang social media contents.
Huling napanood sa telebisyonsi Jovit bilang celebrity contestant sa Family Feud.