Masaya at kuntento si Polo Ravales sa relasyon nila ng partner na si Paulyn Quiza.
Isang taon gulang na ang anak nilang si Yatrick Paul Gruenberg.
"I have a fiancée, she's the mother of my kid. Nandiyan siya ngayon. Okay kami, non-showbiz siya," pagbabahagi ng aktor sa eksklusibong panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).
Noong 2018 pa sila na-engage.
Sa ngayon ay pinaplano pa nina Polo at Paulyn ang kanilang kasal.
Paliwanag ni Polo kung bakit wala pa silang wedding date, "I hope sana next year, kaso ikakasal yung isa kong kapatid... Di ko alam kung totoo ang sukob pero as soon as possible sana."
Read: Polo Ravales gets engaged on Christmas Day
Naging ex-girlfriends ni Polo ang kapwa artista na sina Sunshine Dizon at Ara Mina.
Ano ang advantage pag non-showbiz ang karelasyon?
Sagot ni Polo, "Nagkataon lang talaga siguro na non-showbiz yung the one for me.
"Hindi mo naman talaga kasi masasabi. May pros and cons.
"Pero yung fiancée ko kasi, she's the fitness trainor of some artistas like Jackie Lou Blanco, Iza Calzado...
"Tapos naging kaibigan din siya nina Ellen Adarna, Solenn Heussaff. Siya yung nag-train sa kanila before kaya kahit papaano mayroon na siyang background sa mga celebrities."
Hindi isyu sa fiancéee ni Polo ang nature ng kanyang trabaho na naipapareha sa mga aktres.
"Selos? Hindi naman. Alam naman niya na I'm professional, like sa mga kissing scene, trabaho lang. Naiintindihan naman niya."
Nakausap ng PEP.ph si Polo sa launch ng bagong talents ng Tyronne Escalante Artist Management o TEAM, kasama sila Andrew Gan at Chanel Morales.
POLO ON BEING A HANDS-ON FATHER
Nagkuwento rin si Polo kung gaano siya ka hands-on dad sa anak na si Baby Patrick.
"Yes, maraming nabago. Mas healthy lifestyle, I don't smoke anymore, I drink occassionally saka kaunti lang talaga.
"Hands-on ako kasi ako as a dad, wala kaming helper. Talagang nakatutok lang kami sa baby.
"Pag wala ang partner ko, ako ang gumagawa, pero pag nandun siya, siya.
"Pero, of course, kaya kong magpalit ng diaper, hugas ng puwet, nagagawa ko yun," pagmamalaki ni Polo.
polo ravales oN SEXY FILMS & possible projects
Ngayong nauuso ang sexy films, bukas pa rin si Polo Ravales na gumawa ng ganitong tema ng pelikula.
Napanood siya sa daring films tulad ng Balatkayo, Silip, No Way Out, at Walang Kawala.
Pero may mga kundisyon na siyang hihingin bago siya sumabak muli sa pagpapa-sexy.
"I'm still open about it pero mas maingat ako ngayon kasi mayroon na akong family," paliwanag ni Polo.
"Di katulad dati na I'm single, siyempre iisipin ko pa rin ang image ko as an actor.
"I'm willing to do it basta worth it gawin, di lang basta para magawa yung pelikula.
"Kailangan magaling yung direktor, kailangan magandang platform, kailangan pang-award-giving body yung script para gawin ko.
"Pero kung hindi, huwag na lang."
Kinagat ng publiko noong late '90s ang tambalan nila Polo at Sunshine Dizon; at muli silang nagkapareha sa 2019 Kapuso series na Magkaagaw.
Bukas ang aktor na makatrabaho uli si Sunshine, lalo't napanatili nila ang pagiging magkaibigan sa paglipas ng panahon.
"Of course, I don't mind working with her again. She's a good actress, bakit hindi, di ba?
"Nakakapag-usap lang kami like pag nasa set pero, like, pag nagkukuwentuhan kami parang ganun pa rin, wala namang naiba," sabi niya.
ON NEW MANAGER
Siniguro naman ni Polo na maayos ang naging paghihiwalay nila ng dating manager na si Direk Manny Valera.
Sabi niya, "Oo naman, with Direk Manny Valera, we parted ways na maayos.
"Matagal na rin kasi kaming magkasama, like ten years na, so I think kailangan ko ng bago.
"I'm sure na si Tyronne talagang magbibigay sa akin ng mga magagandang mga projects."
Excited si Polo sa bagong talent management na hahawak sa kanyang career.
"Actually, mayroon lang kasi akong kaibigan, si Cathy Camarillo. One time nag-uusap kami, nabanggit ko na naghahanap ako ng manager.
"Tapos sabi sa akin ni Cathy, si Tyronne daw talaga ang makakatulong sa vision ko as an actor at sa mga gusto ko pang gawin.
"Nag-message na ako sa kanya [Tyronne] and ayun na."
Sa 2023 ay may gagawin daw na pelikula at teleserye si Polo.
