Nakakatakot masyado ang dating ni Mon Confiado sa trailer ng suspense-thriller film na Nanahimik Ang Gabi (A Silent Night).
“Actually, isa ito talaga sa pinaka-best characters na aking nagawa,” pananalig ni Mon sa mediacon noong Disyembre 13, 2022, Martes, sa Director’s Club ng The Block, SM North EDSA, Quezon City.
“Noong sinabi ito ni Direk Shugo [Praico] sa akin, pagkabasa ko ng script at nalaman ko na yung character na gagawin ko, sobrang excited ako.
“So, nag-one-on-one meeting kami. Nilatag ko lahat ng puwedeng inputs ko. Of course, yung aking the usual na ginagawa, yung part ng aking preparation, yung method acting na tinatawag na ginagawa ko.
“Yung immersion ko, actually four days ako sa Baguio. Nag-stay sa bundok, and prior to that four days, mga ten days ako sa Pangasinan.
“Kasi, ano yan, e. Part ng aking journey papunta doon sa mansion kung saan nandoon sina Ian [Veneracion] at Heaven [Peralejo].
“Connected yun, kaya kinonek ko sa preparation ko.”
Read: Mon Confiado, namundok ng apat na araw para sa role niya sa Nanahimik Ang Gabi
MON CONFIADO ON DE-ROLING
Pagkatapos ng shooting ng Nanahimik Ang Gabi, kaano katagal bago niya natanggal sa sarili iyong ginampanang character?
Pag-amin ni Mon, “Medyo nahirapan ako, e. Kasi ahh… kung tawagin, de-roling. Yung de-role, ang hirap niyang…
“Especially yung sa akin, kasi ang dami talagang layers nung pagkakasulat ng karakter. Tapos in-absorb ko talaga siya.
“Sabi ko nga, namundok ako. Ahh, pag napanood niyo ang pelikula, maiintindihan niyo yung pagka-mysterious, e.
“So, hirap na hirap ako. Ahhmm parang matagal bago ko siya nabitawan. And physically, nag-suffer din yung aking look.
“Kasi nakita nyo naman ang aking hitsura dun sa pelikula. Madaming sacrifices. Sabi nga ni Direk, masyadong physical yung aming mga roles.
“Maraming beses kong nasaktan si Heaven. Maraming pasa. Si Ian, ganundin. Napakaraming physical na nasaktan ko siya.
“May one time pa, muntik kong madurog yung daliri niya. Naapakan ko yan. Nakita niyo yung boots ko? Naapakan ko yan. Talagang pumilipit, e. So, mahirap talaga.”
"HINDI NALIGO SI KUYA MON"
Napabungisngis na sundot ni Heaven, “Saka hindi naligo si Kuya Mon nun! Ha! Ha! Ha! Ha!”
“Naamoy mo ba?” tanong ni Mon kay Heaven.
Nilinaw ni Mon na nag-toothbrush naman siya noong nagsusyuting sila. Ilang araw ba siyang hindi naligo?
Pagsisiwalat ni Mon, “Actually, hindi ko inaalis yung costume ko the entire shoot. Kasi nasa Tagaytay kami, e.
“Pag-uwi namin dun sa aming hotel, hindi ko na yun tinatanggal. Part ng aking method, ahhh nakakatulong siya sa akin as an actor. Ayoko siyang bitawan.
“Actually sila [Ian at Heaven], very sweet. Iba yung kanilang motivation sa set. Hindi ko sila masyadong pinagkakausap pag nag-roll na.
“Before our take, yan, sabay-sabay kaming nagkukuwentuhan. Dinner. Pero once na… andun lang ako sa kuwarto ko, sa stand-by area.”
AWARD-WINNING ACTOR
Ang Nanahimik Ang Gabi ay isa sa walong official entries ng 48th Metro Manila Film Festival (Disyembre 25-Enero 7).
Salaysay pa ni Mon, “Kakaiba talaga yung Nanahimik, e. Ahh the usual films kasi kapag Christmas, di ba, family, drama, comedy, horror.
“Itong Nanahimik, bihira na magkaroon ang MMFF ng home invasion thriller. Malaki kasi yung ibinigay ng pandemic sa mga audience natin na parang na-educate sila.
“Kahit sa Netflix, yung mga suspense thriller, ang lalakas, e. So, naniniwala kami na magiging one of the Top 5 ang aming pelikula.”
Kapapanalo lang ni Mon na best supporting actor sa 5th EDDYS ng SPEEd (Society of Philippine Entertainment Editors) noong Nobyembre 27 sa Metropolitan Theater ng Manila. Ito ay para sa pelikulang Arisaka na pinagbidahan ni Maja Salvador.
Pinarangalan din noong gabing iyon bilang Rising Producer of the Year ang Rein Entertainment, na producer ng Nanahimik Ang Gabi.
