Walang pelikula si Vic Sotto para sa 48th Metro Manila Film Festival (MMFF), kaya umokey si Joey de Leon na makasama sa My Teacher with Toni Gonzaga, sa direksyon ni Paul Soriano.
“Nabalitaan ko beforehand kina Toni at Paul na hindi gagawa si Vic ng pelikula,” kuwento ng 76-anyos na beteranong aktor, komedyante, radio DJ, TV host, pintor, singer, kompositor, at music producer na si Joey sa mediacon noong Disyembre 12, 2022, Lunes, sa Winford Manila.
“Hindi siya gagawa, so sayang, sabi ko. Pinili ko yung kay Toni. Actually, ang daming offers. Meron talaga, hindi na ako nagpepelikula, e. Semi-retired na ako. So yun ang istorya.
“Saka maganda ang istorya ni Paul saka ni Toni. Medyo madrama pero pinipilit kong… binigyan ako ng free hand ni Direk na sumundot sa … hindi ko matiis na hindi magpatawa, e.
“So may mga eksena dun na… pinayagan naman niya at saka lulusot naman. Hindi masyadong seryoso para kumpleto.
“Kumpleto yung pelikula, e. Saka na-miss ko yung Iskul Bukol, tungkol sa school ito e. Na-miss ko rin si Miss Tapia.”
Ang Iskul Bukol ay ang TV sitcom na pinagbidahan ng trio nina Tito Sotto, Vic, at Joey na Tito, Vic & Joey. Umere ito mula Oktubre 1978 hanggang 1988 sa IBC-13. Si Miss Tapia (ginampanan ni Mely Tagasa) ay propesor sa Wanbol University, kung saan estudyante ang Escalera Brothers na sina Tito at Joey, at teacher’s pet si Vic Ungasis.
Sa My Teacher, si Toni ang gumanap na gurong si Emma, at ang balik-eskwelang senior citizen na si Solomon ay ginampanan ni Joey.
Pagpapatuloy ng beteranong artista, “Miss Toni naman ngayon. Basta ganun! Ayokong ikuwento yung story. 'Tapos kasama pa ang mga kabataan.
“Sanay ako na may mga bata kahit na medyo malayo ang edad ko dahil sa Eat Bulaga meron kami, e. Kaya tumatagal ang Eat Bulaga, laging may youth na, e. Naka-inject dun.
“From Ryzza [Mae Dizon] to Maine [Mendoza], mga bata, sina Maja [Salvador], sina Miles [Ocampo]. So at home ako. Natapos yung movie.
“Ahh, medyo masakit gumising sa umaga pero nakaraos at sana’y tangkilikin nyo hindi lang itong My Teacher kundi lahat ng pelikulang kasali sa MMFF.
“Sanay lang ako nung araw sa FF, e,” pagbibiro pa ng aktor na nagsimula bilang radio disc jockey nung late '60s.
Kasama nina Joey at Toni sa My Teacher ang young stars na sina Ronnie Alonte, Loisa Andalio, Pauline Mendoza, Kych Minemeto, at Isaiah de la Cruz.
Nasa cast din sina Jackie Lou Blanco, Carmi Martin, Rufa Mae Quinto, at Kakai Bautista.
JOEY AS A STUDENT
Kumusta si Joey bilang estudyante noon IRL (in real life)? Anu-ano ang memorable na karanasan niya?
Napangiti ang beteranong komedyante na kilala sa mga double-meaning na hirit, “Mabait ako sa mga teacher ko, sa mga guro. Until lumaki ako. Nawala na yung U, naging G.R.O. na lang…
Nang mapansin niya ang reaksyon ng mga nakikinig sa kanyang press, "... konti lang ang nakakuha."
Patuloy ni Joey, “Mabait ako sa teacher ko, ahhh... pero salbahe rin ako at bumabarkada ako. Wala, memorable sa akin lahat ng eskwelahan.
“Ahhh... kasi kawawa naman ako nung elementary, e, sawang-sawa ako sa dalagang bukid. Puro yun ang ulam ko, e.
“Dalagang bukid, alam niyo yun, yung kulay pula. Yun lang ang pagkain ko saka mabilis akong kumain. Kailangan. Kasi bumabalik ako sa school, parang morning and afternoon. Parang hinati ang araw ko.
“Pero ang pinaka-memorable sa akin na victorious, nung high school. Dahil ang grade ko before the last grading is 65. Naipasa ko yun.
“Nag-10, bawal tumalon ng 10, kaya hanggang ngayon iniimbestigahan ako ng Department of Education.
“Pero alam niyo, nakipag-deal ako sa teacher in charge ko, si Mr. Fernadez. Sabi ko, ako ang magde-design nung stage.
“Ako ang gagastos sa kartolina, bawa’t C-O-M-M, yung COMMENCEMENT EXERCISES — ipasa lang niya ako dahil kawawa naman yung nanay ko.
“So dun ko nalaman, marunong akong magdrama. May luhud-luhod pa ako nun. Saka nahilig ako sa art dahil nga napilitan akong maggupit nung letters e.
“True yan. Commencement exercise, nag-march ako nung graduation. Pero daya, may daya.
“Hanggang ngayon, binigyan ako ng kopya ng Arellano University nung card ko. Yung 65, naging 75. Yun ang pinakaano ko, victory. OK yun, kaya gayahin niyo yun,” hirit pa ni Joey.
THANKFUL FOR DOING A MOVIE NOW
Maraming natutunan si Joey sa direktor ng My Teacher na si Paul Soriano kaugnay sa paggawa ng pelikula ngayon.
Paliwanag ng Eat Bulaga host, “Kasi ang tagal kong tumigil. Nalaman ko, ang mga cameras pala ngayon, maliliit na lang. Ganyan na lang.
“'Tapos ang mga ilaw, hindi na ganun kabusisi, na sisilawin kang ganun. Ano na, nakokontrol na. Marami kang hindi alam.
“So dun ako natuwa. Buti bumalik ako kundi magmumukhang tanga ako, hindi ko alam, e.
“Pati nung nag-dubbing… may dinub akong konti, ilan lang. Ahh, lahat pala ngayon ng ano, kunyari sinabi ko, ‘Toni Gonzaga.’ ‘Toni Gonzaga!’ ‘Toni Gonzaga…’
“Iba-iba, naise-save pala lahat iyon ngayon. Dati, hindi. Buburahin mo muna, e. Kasi nagtitipid si Mother Lily, e," banggit pa niya sa Regal Films matriarch na si Mother Lily Monteverde.
“Iba na ang panahon ngayon. Iba na ang mga… sa equipment, talagang advanced na tayo. So natutuwa ako’t sumali ako.”
WORKING WITH TONI AGAIN
Nagkasama noon sa Eat Bulaga sina Joey at Toni. Nagalit si Joey kay Toni nang mag-over da bakod ito mula GMA-7 papunta sa ABS-CBN nung 2005, pero nagkaayos din sila.
Naisip ba ni Joey na magkakatrabaho sila muli ni Toni, na tinagurian ng husband nitong si Direk Paul bilang most powerful local celebrity today?
“Nabasa ko yun. Mali kasi naman yung mga bashers. Pinuputol nila dun sa ano, e!” bulalas ni Sir Joey.
“Ang sinasabi ni Paul dun sa kabuuan, sabi niya, equally powerful yung mga tumitira kay Toni. E, hindi naman ito nagre-react, hindi natitinag. So powerful ito… mas powerful.
“Kasi hindi niya pinapansin, e.”
Naisip ba niya na magkakatrabaho sila ni Toni sa pelikula?
“Well, kasabihan, habang may buhay, may possibility. Hindi pag-asa, possibility, lahat ng bagay,” pagmamatwid ni Joey.
“So hindi ko inalis sa isip ko yun na isang araw, makaka-partner ko si… si Meryl Streep kunyari. Lahat posible, e.
“Lalo na nung nagkaroon ng pandemya, worldwide, e. So pantay-pantay ang lahat ng tao, kahit anong bansa. So lahat posible.”
