Para kay Joey de Leon, pinakamasarap na trabaho ang pag-aartista.
“Kasi, ano ka… huwag na yung sikat ka,” sambit ng 76-anyos na comedian, painter, and writer sa mediacon ng pelikulang My Teacher nitong Disyembre 12, Lunes sa Winford Manila.
“Huwag na yung malaki ang kita mo. Ahh, marami kang nami-meet na mga idols mo at mga hinahangaan mong tao.”
At ano naman ang worst thing sa pagiging aktor?
“Sa akin, yung sa time, e. Sabi nga ng iba, e, nang-aaway sila pag may nale-late.
“Yung kapatid mo, nabasa ko na naman,” sambit ni Joey sa katabing co-star na si Toni Gonzaga.
“Luma na nga, e, si Mareng Dina.”
Nagkasama si Dina Bonnevie at ang nakababatang kapatid ni Toni na si Alex Gonzaga sa teleserye ng TV5 na P.S. I Love You (Nobyembre 2011-Pebrero 2012).
Pa-blind item na inilahad ni Dina noong 2018 na tinalakan niya ang isang baguhang aktres na tatlong oras na-late ng dating sa set.
Read: Dina Bonnevie recalls confronting bratty young actress: "Talagang... I gave her hell."
Recently, ibinunyag ni Alex na na-trauma siya nang sinigawan siya ng isang “artistang matanda” mula ulo hanggang paa sa set noong baguhan pa lang siya.
Read: Is Alex Gonzaga referring to Dina Bonnevie as the "artistang matanda" who scolded her on the set?
Pagpapatuloy ni Joey, “Iyon, ang pinag-umpisahan nun, sa time, di ba? Sabi ko, ‘Wala yan! Walang kuwenta yan!’
“Sa bahay, ‘Ano ito?! Paano iyan?’ sabi ng anak ko. ‘2018 pa iyan.’ Ganun katagal, bago pang artista yung utol nito [Toni]… kontrobersiyal sa YouTube ito.
“So, sabi ko, ‘Wala yan! Ako, matindi ako. Pag may nale-late, nilalayasan ko yung show. Pinapasara ko.’
“Noong araw, may show kami, T.O.D.A.S. Sa Channel 13. Ba’t natigil yun? Dahil sa akin.
“Nagalit ako dahil na-late yung ibang cast. Sabi ko, ‘Tigilan na natin ito!’ Pinatigil ko yung show. E, hindi naman nila magawa, wala ako.
“Kaya wala yan, yang mga away-away na yan. Nangyayari talaga yun. Ang importante kasi, pag na-late ka, lalo ngayon may cellphone, tatawag ka lang, ‘Male-late ako.’
“Kasi, yung ibang artista, sinungaling, di ba? ‘Nasaan ka na?’ pag tinanong mo. ‘Nandito na ako sa EDSA.’ Actually, nasa Bulacan pa yun.
“May mga ganun e, pangyayari. Totoo ito, seryoso. So, tatawag ka lang, sabihin mo.
“E, ang nangyari sa akin nun, ahhh… alam ko, nabalitaan ko, nag-date lang, may ginawa yung iba, e. So, hindi tumawag. Wala pang cellphone nun e.
“Puwede naman sa telepono, sa opisina. E, ako, ang aga-aga ko lagi sa set.
“Kami nun sa Iskul Bukol, walang problema. Kasi after Bulaga, taping ng Iskul Bukol. So, magkakasama na kaming tatlo [Tito, Vic & Joey]. Walang lumalayas.
“Ipinasara ko talaga, ‘Tama na! Tigilan na natin! Wala nang taping next week. Ayoko na!’ Ganun.”
Sketch comedy and variety show ang T.O.D.A.S. (Television’s Outrageously Delightful All-Star Show) na umere noong 1980-89 sa IBC 13.
Kabilang sa mga kasama rito ni Joey sina Frieda Fonda, Redford White, Jimmy Santos, Val Sotto, Richie D’ Horsie, Spanky Rigor, Maribeth Bichara, at Marlene Feliciano.
ENCOUNTER WITH A DIFFICULT STAR
Sa tinagal-tagal ni Joey sa local showbiz, may na-encounter na ba siyang artista na nag-attitude?
“Si Alex. Alex Gonzaga,” pagbibiro ni Joey sabay kambiyo.
“Hindi, hindi! Hindi ko pa nakatrabaho yun. Joke yun. Hindi, hindi, hindi, mabait yun.
“Marami na! Kasi yung word na ‘attitude,’ hindi namin pinapansin yun, e. Ahh… maraming kuwento, e, mga nakaaway.
“Hindi namin pinapansin, e, pag may ano. Kasi pagtsitsismisan namin agad siya, e… kawawa yun.”
Wala siyang tinalakan mula ulo hanggang paa sa mga nagpapa-late?
“Yun nga, nagsasara ako ng show, di ba? Ahhh wala, wala yung ganun. Hindi namin pinapansin, sayang ang oras, e,” katuwiran ni Joey.
“Pinapaano mo, pinapasabi namin sa mga opisyal. ‘Uy, pagsabihan mo yung si ano…’ Walang kuwenta ang mga away, e.”
Para tumagal sa industriya, ipinagdiinan ni Joey, “Importante yung time. On time ka dapat. Huwag mong sayangin ang oras mo at ng iba.”
ALEX'S SIDE
Ang mag-asawang Toni Gonzaga at Direk Paul Soriano ang producer ng MMFF 2022 official entry na My Teacher.
Kabilang sa young stars sa cast nito sina Ronnie Alonte, Loisa Andalio, Pauline Mendoza, Kych Minemoto, at Isaiah de la Cruz.
Tahasang sinabi ni Toni na walang pasaway sa cast ng My Teacher.
Pahayag ni Toni, “Sa set namin, wala. Wala, wala, wala naman. Sa Ten17 at TinCan, so far wala naman. Very professional lahat ng nakatrabaho namin.”
Anong pakiramdam ni Toni sa isyung kinasangkutan ni Alex kaugnay sa isang “matandang artista”?
Tugon ni Toni, “Ahh, kilala ko naman si Alex, so alam ko yung totoong istorya. Alam ko yung totoong nangyari.
“So, bago pa minsan lumabas, sasabihin na niya, ‘Ito, iaano ito, palalakihin. Pero ganito talaga yung nangyari, ha?’
“O, ‘Ito, uungkatin pa pero 2008 pa iyan, ha? Pero kaya ganito yan kasi galing ako sa ganito, tapos pumunta ako dun.’”
