Napuno ng sigawan ang New Frontier Theater sa Cubao, Quezon City, nang banggitin ni Nadine Lustre ang pangalan ng nobyong si Christophe Bariou sa kanyang acceptance speech.
Si Nadine ang hinirang bilang Best Actress sa ginanap na Metro Manila Film Festival (MMFF) 2022 Gabi ng Parangal nitong Martes, December 27, 2022.
Ito'y dahil sa kanyang natatanging pagganap bilang Lyra—isang online content moderator na siyang humaharang sa pag-upload ng mga graphic content sa social media platform sa pelikulang Deleter.

Sa kanyang acceptance speech, sinabi ni Nadine na hindi nila akalaing makakasama ang kanilang pelikula sa mga entry ngayong taon sa MMFF.
Saad ng Deleter lead star, "Kinakabahan po ako, hindi ko alam kung bakit.
"Unang-una po sa lahat, gusto ko pong magpasalamat sa bumubuo ng MMFF.
"Sobrang unreal po sa pakiramdam na nandito yung team Deleter ngayon kasi hindi po talaga namin ine-expect na makakasama yung Deleter sa MMFF."
Inisa-isa rin niyang pinasalamatan ang mga taong nasa likod ng kanyang tagumpay, kabilang na ang kanyang French boyfriend na si Christophe.
Aniya, "Ito pong award na to, dine-dedicate ko po sa pamilya ko, sa mga kaibigan ko na patuloy na sumusuporta sa akin, sa boyfriend ko pong si Chris.
"And of course, Viva family ko and sa team Deleter. Sobrang saya po namin and hindi po talaga namin ine-expect ito."
Sa huli, sinabi na Nadine na masayang-masaya siya na sa wakas ay nagbalik na ang sigla ng mga sinehan at tanghalan makalipas ang halos dalawang taong pananahimik nito dahil sa pandemya.
Samantala, agad ding nag-post sa Instagram si Christophe na very proud sa pagkapanalo ng nobya.
Sa kanyang Instagram story kagabi, December 27, ipinost niya ang larawan ni Nadine na nakangiti habang hawak ang kanyang kauna-unahang Best Actress trophy mula sa MMFF.
Simple ngunit sweet niyang caption: "Never doubted her."

Bukod sa pagiging Best Actress, itinanghal ding Female Star of the Night si Nadine.
Maliban dito, ang iba pang nahakot na awards ng kanilang pelikulang Deleter ay Best Picture, Best Cinematography, Best Editing, Best Visual Effects, Best Sound, at Best Director para kay Mikhail Red.
