Sinabulong ni Ian de Leon ang Pasko kasama ang kanyang ina na si Nora Aunor.
Ayon sa aktor, ngayon lang niya nakasama sa Pasko ang inang tinaguriang Superstar pagkatapos ng mahabang panahon.
Hindi lingid sa showbiz na nagkaroon ng matagal na tampuhan si Nora sa kanyang mga anak, at hanggang ngayon ay kagalit pa rin ng aktres ang ilan sa kanila.
Si Ian ay biological son ni Nora at dating asawang si Christopher de Leon.
Adopted children naman nila ang mga aktres na sina Lotlot de Leon at Matet de Leon, pati na ang mga non-showbiz na sina Kenneth at Kiko.
IAN, BROTHER KENNETH SPENDS CHRISTMAS WITH NORA
Ibinahagi ni Ian ang “Christmas reunion” kasama ang ina via YouTube vlog nitong December 26, 2022.
“Nag-Noche Buena po kami sa bahay niya nung December 24, 2022,” pagbabahagi ng aktor.
“Grabe, after a very long time ngayon lang ulit kami nagkasama.
“Parang yung gabi na yun tapos nagsama-sama kami for the first time nung Christmas, iba-ibang emosyon yung naramdaman ko nun, e.
“Basta mixed emotions siya, excited, tuwang tuwa…”
Sabi ni Ian, marami siyang gustong sabihin at ikuwento sa ina pero gagawin na lang niya iyon sa ibang pagkakataon.
Gusto raw muna niyang i-enjoy ang okasyon kasama ang ina.
Kasama ni Ian ang kanyang asawa at dalawang anak.
Naroon din si Kenneth at ang pamilya nito.
“Hindi namin pinalagpas yung moment na to na hindi magiging fulfilling yung gabi, ika nga,” sabi pa ni Ian.
Tiniyak daw nila sa gabing iyon na babawi sila sa ina.
“Yung mga moments na hindi namin na-experience for the past years, being without each other during Christmas, we made sure naman na this time around would be very, very fulfilling for us.”

Kasunod nito ay ipinakita ni Ian ang ilang kuhang videos at photos mula sa Christmas gathering nila kasama ang National Artist.
Makikitang masaya si Nora na nakikipaglaro sa kanyang mga apo. Nagkaroon din siya ng moment kasama sina Ian at Kenneth.
Wala sa gathering sina Lotlot, Kiko, at Matet at ang kani-kanilang pamilya.
Kamakailan ay naglabas ng sama ng loob si Matet dahil kinumpitensiya umano ng ina ang kanyang gourmet tuyo business.
Naglabas ng maaanghang na salita si Matet, tulad ng pagsasabing hindi na niya kakausapin pa ang ina.
Sinabi naman ni Lotlot sa isang recent interview na umaasa siyang magkakaayos pa rin sina Matet at ina nilang si Nora.
