Mariing pinabulaanan ni Jane de Leon ang kumakalat na isyung siya ang dahilan kung bakit hindi natuloy ang pagge-guest ng Asia's Songbird na si Regine Velasquez sa finale ng Mars Ravelo's Darna.
Nag-trending at pinag-usapan sa social media kamakailan na "nag-inarte" raw si Jane kung kaya’t hindi itinuloy ni Regine ang pagge-guest sana nito sa serye.
Read: Darna, naghahanap ng dating nag-Darna para sa finale episode
Agad namang naglabas ng opisyal na pahayag ang JRB Creative Production, ang prodyuser ng Darna, noong January 27, 2023, upang linawin ang alegasyong si Jane ang may kasalanan.
Ayon sa statement, hindi nagtugma ang schedule nina Jane at Regine kaya’t hindi natuloy ang singer-actress.
Narito ang buo nilang pahayag:
“Bilang paglilinaw, hindi natuloy ang guesting ni Asia’s Songbird Regine Velasquez sa “Mars Ravelo’s Darna” dahil hindi nagtugma ang schedule nila ni Jane De Leon.
“Buong puso kaming nagpapasalamat kay Regine sa malugod niyang pagtanggap sa aming imbitasyon.”
Sa finale mediacon ng Darna nitong Lunes, January 30, 2023, personal na nakiusap si Jane na huwag nang palakihin pa ang isyu.
Saad niya, “Actually, for me, it was not an issue naman to begin with.
“Sadyang hindi lang talaga nagtugma ang schedule namin ni Ate Reg [Regine].
“And I think it’s very normal naman sa mga artists.
“Ginagawa niya yung rehearsal niya for her upcoming concert. And that time din kasi, I have my endorsement show.
"So we tried to adjust our schedules, sadyang hindi lang kami talaga pinayagan."
Read: Jane de Leon on how Darna changed her life: "Nakaahon po kami, guminhawa po yung buhay namin."
Hindi rin daw totoong may alitan sila ni Regine. Sa katunayan ay magkasama lang sila kamakailan at kanilang pinag-usapan ang naantala sana nilang pagsasama.
Sabi ni Jane, “Sayang nga [hindi natuloy], pero noong nakaraan magkasama kami and we talked about it. Yun nga, dahil sa schedule lang, hindi kasi nagtugma.
“Pero looking forward naman ako na maka-work siya.
“Marami pa namang opportunity for that and nakaka-sad lang kasi parehas kaming excited. Kapag magkasama kami, lagi naming pinag-uusapan.”
Gumanap si Regine bilang Darna sa 2003 movie na Captain Barbell.
Ibinuking din ni Jane na ang pagge-guest sana ni Regine sa Darna ay biglaan at wala sa script.
Kuwento ng Kapamilya actress, “Actually, yung about po kasi kay Ate Reg [Regine], biglaan din po kasi siya sa script.
“So, they're looking for someone who can portray for that exactly and they talked about Ate Regine.
“Sa sobrang biglaan, nagkasunud-sunod yung schedule.”
Sa tanong kung sino ang ipapalit kay Regine, mismong siya raw ay wala ring ideya.
Ani Jane, “Wala po talaga akong idea, and for that character, hindi ko rin alam kung sino ang ipapalit.
"So, aabangan ko rin. Papanoorin ko rin talaga kasi excited din akong malaman kung sino yon if ever.”
Read: Janella Salvador, Jane de Leon on possibility of doing a GL series: "Why not?"