Sa taong 2025, kung kailan matatapos ang kasalukuyan niyang termino bilang senador, ay tatlong dekada na si Senator Lito Lapid sa pulitika. Pero sa kabila nito, binabalik-balikan pa rin niya ang pag-arte.
“E, gustung-gusto ko nga yon,” sabi ng veteran actor-politician sa panayam ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) sa Max’s Sct. Tuason, Brgy. Laging Handa, Quezon City, noong January 23, 2023.
“Kasi, yun ang binuhay ko… hindi naman talaga ako pulitiko, e. Unang-una, hindi naman ako nag-aral. High school lang ako.
"Sinasabi ko nga, si Mark [Lapid, his eldest son], at least, nag-aral nang nag-aral, yun ang parang ano sa akin.
“Sabi ko sa kanya, 'Ipaghiganti mo ako, mag-aral ka.'
"Palagi akong inaapi dahil hindi ako nag-aral, di ba? Kahit senator na ako, yun pa rin ang sinasabi sa akin. Parang wala akong alam, yun ang tingin nila sa akin.”
Ilang administrasyon na ang dumaan. Ilang posisyon, mapa-local at national, na ang inupuan niya.
Pero aminado ang senador na hanggang ngayon ay nabu-bully o naba-bash pa rin siya, pero hindi na lamang daw niya pinapansin.
“Totoo naman ang sinasabi nila na hindi ako nakapag-aral. Ano ang magagawa ko, anak ako ng labandera? Hindi ako kayang pag-aralin ng nanay ko.
"Siguro yung nagsasabi nun, naiinggit. Narating ko ang ganito kahit hindi naman ako nakapag-aral. Kasi, mahal ako ng Panginoon.”
Ayon pa sa kanya, “Hindi ko na lang nga pinapansin,.
“Ang Panginoon, alam ko naman na hindi galit sa akin dahil wala naman akong kasalanan. Wala naman akong inaping tao. Baka naiinggit lang.”
Sa mga kapwa niya senador, na karamihan ay mataas ang pinag-aralan, wala naman daw siyang nararamdamang nambu-bully sa kanya.
“Ay, hindi, hindi, basta magkakaibigan lang kami at pantay-pantay lang kami. Nagpapasalamat ako sa mga kasamahan ko sa Senado dahil malaki ang respeto sa akin.
“Unang-una siguro dahil senior na ako dun. Isa ako sa senior, kaming dalawa ni Loren [Legarda]. Three terms na ako diyan.
"Kung hahabol pa ako sa 2025, fourth term ko na. Sobra-sobra na yon. Sa three terms lang, sobra na ako, di ba?”
TO RETIRE FROM POLITICS?
Sabi ni Senator Lapid, sa ngayon ay hindi na raw niya iniisip tumakbo pang muli sa susunod na eleksyon.
Read: Senator Lito Lapid, pinag-iisipan na ang pagreretiro sa pulitika
Saad niya, “Hindi ko naman talaga iniisip kahit anong habol ko noong araw pa. Mula nung mag-vice governor ako at governor for nine years, hindi ko rin inaano tuwing election.
“Siguro, nararamdaman nila ang totoong pagseserbisyo ko sa kanila. Hindi man ako masalita, hindi man ako kumikibo, yung gawa, nararamdaman nila.”
Kung ang ibang mga nasa pulitika, lalo na ang umakyat na sa pagiging senador ay nakikita nila ang sarili nila na posibleng maging Presidente ng bansa, siya raw ay hindi.
“Ay hindi, hindi ko inisip yon. Kahit nung nag-vice governor ako, kahit senator, hindi ko inisip. Nangyari na lang talaga,” saad niya.
Paano kung may mag-alok sa kanyang patakbuhin siya sa pagka-Pangulo ng bansa?
“Siguro, yun ang hindi ko gagawin,” tanggi niya agad.
“Hindi po, gusto mong wala kang gagawing mabuti, maging Pangulo ka ng Pilipinas.”
Meron na raw na parang pahapyaw na nag-alok sa kanya.
“May mga paswabe. Pero sabi ko, 'Huwag niyo nga akong insultuhin. Para niyo akong iniinsulto para tatakbong Pangulo at Vice President.' Baka Vice, baka sakali, I don’t know…”
Bakit niya nasabing parang pang-iinsulto kung sakalng hikayatin siyang tumakbo sa pinakamataas na posisyon sa pulitika?
“Nasa Panginoon naman yan kung talagang nandoon ka, ibibigay sa yo yan. Pero ni isang katiting na pangarap sa isip ko, ni hindi sumuot sa isip ko.”
Sabi pa ni Senator Lito, “Kaya hindi ako pinapansin ng mga kaibigan kong senator dahil alam nilang hindi ako threat sa kanila. Alam nilang hindi nila ako magiging kalaban. Kaibigan ko silang lahat.”
SENATOR LITO ON HIS CLOSENESS TO COCO MARTIN
Tumatak nang husto sa mga manonood ang role ni Senator Lito bilang Pinuno sa primetime series na FPJ's Ang Probinsyano, na tumakbo ng pitong taon sa ABS-CBN.
Read: Ang Probinsyano opisyal nang nagwakas pagkatapos ng pitong taon
Sa upcoming primetime series ni Coco Martin sa Kapamilya network pa rin, ang FPJ's Batang Quiapo, muli na naman siyang mapapanood dito at posible rin daw na maging fight director pa rin.
Read: Coco Martin, posibleng ipasok sa Batang Quiapo ang mga nakasama niya sa Ang Probinsyano
“Kinausap niya ako, baka puwede raw akong maging fight director ulit gaya sa Ang Probinsyano at sa ibang pelikula niya tulad ng Huli Ka Balbon, Jack em Popoy, ako palagi ang fight director niya,” sabi ni Senator Lito.

Tila handa nang mag-setle down si Coco. Sa isang press conference, naitanong kay Coco ang tungkol sa paglagay sa tahimik, na sinagot niya ng “anytime.”
Read: Coco Martin on settling down: "Nasa puso ko na yung right one.”
Kung sakali, posibleng isa si Senator Lito na kuhanin nitong maging ninong sa kasal. Papayag ba siya?
“Sana kunin ako!” natawang sagot niya.
“Parang anak ko na rin si Coco.”
Hindi lingid sa kaalaman ng marami na malapit si Coco kay Senator Lito at sa anak nitong si Mark Lapid. May mga pagkakataon nga raw na kung walang ginagawa si Coco ay dumadalaw ito sa bahay ng mga Lapid.
Ano sa tingin ni Senator Lito ang dahilan at naging malapit sa kanya si Coco?
“Siguro magaan ang loob niya sa akin, magaan din ang loob ko sa kanya. Kaya yung lahat ng alam ko sa pelikula, itinuro ko sa kanya.
"Yung pagka-Lito Lapid ko, pagka-Leon Guerrero, ibinigay ko lahat sa kanya. Di ba, si FPJ [Fernando Poe Jr.], ibinigay sa kanya, sino ba naman ako?
“Kaya pinagsama ang FPJ at Lito Lapid. Pero magaling talaga si Coco, pati sa action.”
