JERRY OLEA:
SRO (Standing Room Only) ang premiere night ng pelikulang Ako Si Ninoy nitong Pebrero 18, 2023, Sabado, sa Cinema 7 ng Power Plant Mall, Rockwell Center, Makati City.
Present ang bida ng musical drama na si Juan Karlos “JK” Labajo, na bilang Ninoy Aquino ay may bago na namang bersyon ng awit niyang "Buwan."
Hindi lang kay Ninoy umikot ang kuwento ng pelikula kundi sa labing-isa pang fictional characters.
Ang mga ito ay sina Noli, Ivy, Ms. Nuñez, Oscar, Yosef, Andeng, Quentin, Dr. Ungria, Ingrid, Nanding, at Osborne whose initials spell out as N.I.N.O.Y. A.Q.U.I.N.O.
Salaysay ng writer-director-producer na si Atty. Vince Tañada bago mag-umpisa ang screening, “In 1983, my late dad brought me to the biggest funeral in Philippine history. At age 10, I was part of the two million who attended.
“And for some reason, maybe because of the large group of people who attended, my dad lost me.
“And eventually he found me, clinging tightly to the black fabric connected to the big truck serving as Ninoy’s funeral hearse.
“Hanggang sa panahong ito, hindi ko po maintindihan ang relevance ng kuwentong iyon ng tatay ko. Kasi I was 10.
“At tuwing nag-iinuman sila kasama ng mga barkada niya, lagi niyang ipinagyayabang iyun. Na nawala daw ako at natagpuan niya ako na yakap-yakap yung tela sa truck ni Ninoy.
“But tonight… alam ko na po ang dahilan.
“Nais ko pong magbigay sana ng tribute kay Ninoy gamit ang aking sining. Kaya lang po, alam kong hindi iyon ang gusto niya.
“In 2009, the Benigno Aquino Foundation commissioned me to write a stage musical entitled Ako Si Ninoy.
“And I remember the exact words of late President Cory Aquino. She said, ‘Don’t write only about us. Write also about our people.’
“Well, humble talaga si Tita Cory. Ako naman, bilang bagong manunulat noon, sumunod. At ngayon, eto na nga po iyung pelikula natin.
“It is only tonight that I understand the relevance of the triumvirate, that powerful triangle, that invisible tie—Ninoy, Cory, and the Filipino people.
“Pasensya na po kayo, nanloko po ako… Pasensya na po sa pamilya. Hindi po ito Ninoy biopic.
“Bagama’t iyun po ang prinomote namin sa lahat, hindi po ito tungkol kay Ninoy lamang. Kasi ayaw ko pong magalit si Ninoy at si Cory sa akin.
“Tungkol po ito sa atin bilang isang nasyon. Tungkol po ito sa ating mga kababayan.
“At pagkatapos po akong libakin. Nagsimula nung Katips, at mas lalo ngayon. I still have faith in the Filipino people.
“At sa pamamagitan po ng pelikulang ito, sana… I know that this may not be much, pero sana… masabi pa rin natin that the Filipino is worth living for, that the Filipino is worth fighting for, and ultimately the Filipino is worth dying for.
“Maraming salamat po.”
Ilang ulit na pinalakpakan si Atty. Vince sa marubdob niyang opening remarks.
NOEL FERRER:
Dumalo si Direk Joel Lamangan sa premiere night ng Ako Si Ninoy.
“Inimbita ako ng direktor. Ako naman ay pumunta dahil alam ko namang maganda ang sinasabi ng pelikulang ito, at kailangang panoorin din ng mga tao ito,” sabi ng direktor ng pelikulang Oras De Peligro.

Andoon din ang Crying Lady na si Rebecca Quijano, na tumulong sa blocking ng assassination scene ni Ninoy.
Pahayag ni Pinky Amador, “Tonight is quite a memorable evening. And I personally think that this is such an amazing film to be shot, shown, directed, and produced at this particular time.
“And I’m so honored to be part of this cast. Sa mga matatapang, sa mga tumitindig, at sa mga naniniwala sa katotohanan!
“Sana po lahat tayo mag-enjoy, and I hope we all leave the cinema with new stories and newfound inspiration!”

Magandang comment iyung narinig ko na walang siniraan ang pelikula kundi naglahad lang talaga ng totoong istorya.
Okey na alternative viewing ito sa darating na EDSA People Power Anniversary sa susunod na linggo.
Basta kung manonood kayo ng ganitong pelikula, doon lang tayo sa Totoo at Tama at Tunay na mahusay at para sa ating ikabubuti bilang tao at bilang mga Pilipino.
Palabas ang Ako Si Ninoy umpisa Pebrero 22, Miyerkules, sa local cinemas. PG (Parental Guidance) ang rating nito mula sa MTRCB.
Maliban kina JK Labajo at Pinky Amador, nasa cast ng Ako Si Ninoy sina Sarah Holmes, Johnrey Rivas, Marlo Mortel, Cassy Legaspi, Joaquin Domagoso, Nicole Laurel, at JM Yosures.
Kasama rin sina Adelle Ibarrientos, Vean Olmedo, Jomar Tañada, Brae Luke Quitante, Bodjie Pascua, Tursday Vargas, Donita Nose, Sarah Javier, Brylle Mondejar, at Sharmaine Suarez.
