Nagkuwento si Dina Bonnevie ng mga hindi niya malilimutang karanasan sa kanyang past leading men.
Kasama na rito ang dalawang aktor na nagsuntukan, aktor na ini-stalk siya, at aktor na pinahirapan umano siya sa eksena para makaganti.
Ibinahagi ito ni Dina sa second part ng interview sa kanya ng kakontemporaryong si Snooky Serna noong February 18, 2023.
GABBY CONCEPCION, ALFIE ANIDO
Unang binanggit ni Dina ang karanasan niya kay Gabby Concepcion, na inilarawan niyang "mabait."
Unforgettable daw kay Dina nang gawin nila ang pelikulang Katorse (1980), kasama ang late actor at ex-boyfriend ng aktres na si Alfie Anido.
Pagsisiwalat ni Dina, “Di ba, lumiligaw sa akin si Alfie, tapos pinopormahan niya [Gabby] rin ako. Nagsuntukan sila ni Alfie.”
Sina Dina at Alfie ay nagkaroon ng maiksing relasyon pagkatapos ng pelikulang Katorse.
Read: Dina Bonnevie discloses why her father disapproved of the late Alfie Anido
CHRISTOPHER DE LEON
Pagtatapat naman ni Dina, mainit ang dugo niya sa award-winning actor na si Christopher de Leon sa mga unang pelikulang ginawa nila.
“Inis na inis ako sa kanya kasi lagi siyang late,” sabi ni Dina.
“I remember one time, sa inis niya sa akin, may kissing scene siya sa akin. Kumain ng bagoong!”
Bago raw ang eksena, kinumpronta ng aktres si Christopher sa pagiging late nito.
Ani Dina, “Sabi ko, ‘Why’re you late? Kanina pa yung call [time]. How come you just arrived now? Tapos ka nang mag-make up? Kasi gusto ko nang umalis.’”
Nagpaalam daw ang tila nainis na si Christopher na maliligo muna bago ang kanilang eksena.
Patuloy ni Dina, “Ito na, kissing scene. Pag ganun [paglapit], sabi ko, ‘Oh my God, Direk!’ Sabi ko, ‘What did you eat?’ Tawa siya nang tawa.
“Sabi niya, ‘Arte-arte mo kasi, e.’ My gosh! Oh my gosh!
“Sabi ko, ‘Direk, Ang baho. [Amoy] bagoong!'”
Pero kalaunan ay nakita ni Dina ang malaking pagbabago kay Christopher.
“But now, oh my, God. I love working with Boyet.
“Totally 360 degrees, nagbago siya. I love the way he’s become [malalim].”
Ilan sa mga pelikulang pinagsamahan nila ni Christopher ay Anak (1982), Palipat-lipat Papalit-palit (1982), Heaven is Not Divided (1985), Magdusa Ka (1985), at Gumapang Ka sa Lusak (1990).
RUSTOM PADILLA
Binalikan din ni Dina nang makatrabaho niya si Rustom Padilla, na ngayon ay kilala na bilang si BB Gandanghari.
Nagkatrabaho sina Dina at Rustom sa mga pelikulang Hanggang Saan Hanggang Kailan (1993) at Sana Dalawa Ang Puso Ko (1995).
Ang hindi raw makalimutan ni Dina ay nang maging “bridge” siya noon kina Rustom at Carmina Villarroel.
Hindi pa raw uso ang cellphone noon at beeper pa ang gamit sa pagpapadala ng instant messages.
Ani Dina, “Hindi pa uso yung cellphone. Ako yung taga[sabi], ‘Hindi mo pa daw siya bini-beep. Magpadala ka daw ng beep message.’”
Nagkaroon din daw sila noon ng ilangan ni Rustom sa isang love scene.
“Meron kaming love scene noon, sabi niya [Rustom], ‘Pamangkin kita.’
“In the middle of the eksenang love scene, sabi ko, ‘Tsong, wag po, wag po.’ Kasi sabi niya, tiyo ko daw siya,” anang natatawang si Dina.
Dagdag niya, “Alam mo, tawa kami nang tawa. Hindi namin matapos yung love scene sa kakatawa.”
Hindi na raw maalala ni Dina ang sinabi ni Rustom kung paano sila naging related.
GARY ESTRADA
Ibinunyag naman ni Dina na naging stalker niya ang dating kapareha na si Gary Estrada.
Madalas daw sundan noon ni Gary si Dina kapag nagkikita sila sa gym.
“Sinusundan na ako sa bahay. Sabi ko, ‘Why do you keep following me? Aanhin kita, ang bata-bata mo? Hindi kita puwedeng maging boyfriend, okay?’”
Nagpo-profess pa raw ng pagmamahal sa kanya si Gary noon at nagbanta pang sasaktan ang kanyang sarili.
Pero hindi raw ito umubra kay Dina na hinahamon pa si Gary.
“Kasi napuno na ako,” sabi ng aktres.
Isa sa mga pinagsamahang pelikula nina Dina at Gary ay ang Tag-Ulan, Tag-Araw (1992).
VIC SOTTO, RICHARD GOMEZ, EDU MANZANO
Nagkuwento rin si Dina tungkol sa napangasawang si Vic Sotto, na noon daw ay napakaseloso.
Inilarawan naman niyang “fit and fab” at “daldalero” si Edu Manzano pero masarap kasama.
Isa rin daw si Dina sa mga napahanga kay Richard Gomez noon sa kaguwapuhan nito.
