Katakut-takot na pamba-bash ang inabot ni Jerome Ponce sa pagtatapat ng pelikulang Katips at Maid In Malacañang noong August 3, 2022.
Si Jerome ay bida sa pelikulang Katips, na tumatalakay sa paninindigan ng mga aktibista para sa kanilang paniniwala sa panahon ng martial law. Idinirek ito ni Vincent Tañada.
Ang Maid in Malacañang ay tungkol umano sa huling 72 hours ng diktador na si former President Ferdinand Marcos at kanyang pamilya sa Malacañang bago sila ma-exile sa Hawaii. Idinirek ito ni Darryl Yap.
Hindi sumipot si Jerome sa media conference ng Katips.
Bagkus, nai-post ang kanyang mga larawan kasama ang pamilya at girlfriend na si Sachzna Laparan na nanood ng Maid in Malacañang.
Magkatapat ang dalawang pelikula hindi lang sa takilya kundi pati na rin sa isyung tinalakay ng mga ito.
Binatikos si Jerome dahil, ayon sa netizens, tila mas sinuportahan niya ang mismong karibal ng pinagbidahan niyang pelikula.
Naparatangan si Jerome na "traydor" at "walang utang na loob" ng ilang netizens.
Noong panahong iyon, nanatiling tikom ang bibig ng aktor sa masasakit na salitang ipinukol sa kanya.
Pero noong February 20, 2023, nagbigay si Jerome ng pahayag nang makapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) tungkol sa isyu.
Humingi ng tawad si Jerome sa mga taong nasaktan o na-offend niya sa nagawa nila noon ni Sachzna, na bahagi rin ng Katips.
Sabi ni Jerome: "Nababasa ko [ang bashing], pero after a while tinigil ko.
"Basta ang gusto ko lang sabihin sa kanila, I'm sorry kung nasaktan ko rin kayo, yung feelings niyo, yung pananaw niyo sa buhay.
“Di ko sasabihin na sana mabago, pero kung yun ang pananaw niyo, I respect that.
“I'm not here or pinanganak para mabago ang pananaw ninyo. Nandito ako to entertain."
Katuwiran ni Jerome, wala raw siyang magagawa kung anuman ang sabihin ng ibang tao sa kanya.
"Kumbaga sa cashier nga, sabihan ko sila na, ‘Ang bagal-bagal mo,’ tuloy pa rin ang trabaho nila. Tama naman, di ba?
"Di nga natin dyina-judge ang mga taong lumilipat ng network. Di natin dyina-judge ang mga taong lumilipat ng bansa.
"Di natin dyina-judge yung mga tao na nag-iiba ng panig, lalo na sa mga kaibigan nila, sa pag-ibig nila, sa pamilya nila."
Patuloy ni Jerome: "Ultimo magkakapamilya nga, nagkakanya-kanyang panig.
"So, bakit di na lang natin tanggapin yung bagay na lahat tayo may kanya-kanyang buhay, may kanya-kanya tayong desisyon?
"Hindi natin kailangang ipaliwanag sa bawat isa at hindi natin kailangang kunin ang loob ng bawat isa.
“Intindihin na lang natin na may kanya-kanya tayong panig, respetuhin natin yun."
WHY HE DID NOT SHOW UP IN KATIPS
Ipinaliwanag ni Jerome kung bakit hindi siya nakadalo sa presscon noon ng Katips.
"Pero regarding kasi dun sa Katips before, inamin ko naman kay Direk Vince na di ako available.
"Biglaan lang kasi yung mga schedule and all. And sinasabi ko sa kanya lagi na pag di ako available or what," paliwanag pa ni Jerome sa PEP.ph.
Hindi rin daw siya ang tipo na mahilig sa interbyu.
"Just as you know, di naman ako mapa-interview, e. Ang interview sa akin ay tawanan, enjoy lang, kulitan.
“Lahat ng mga movies and series, teleserye na ginagawa ko pa-tweetums, mga loveteam-loveteam, drama.
“Yun lang ang ma-e-enjoy ko sa interview."
Kinuwestiyon din noon kung bakit kahit sa social media, hindi niya nagawang i-promote ang Katips, samantalang lead actor siya sa pelikula.
Sabi ni Jerome, "Until now naman kung mapapansin niyo hindi pa naman ako nagpo-post… [Instagram] Stories-Stories lang kasi yun naman ang ginagawa ko."
Ang kaibahan, nakarating si Jerome sa presscon ng Martyr or Murderer sa pagkakataong ito.
Nakapanayam si Jerome ng PEP.ph sa mediacon ng Martyr or Murderer, na ginanap sa Las Casas Filipinas de Acuzar, Quezon City noong February 20, 2023.
Ang sabi ni Jerome sa aspeto ng promotion, "I'll do my job. Kung makakapag-promote ako, makakapagsalita ako regarding my character, yun ang sasagutin ko."
Basta hindi raw niya tatalakayin ang isyung pulitika.
"Pero regarding sa opinyon nila, sa mga panig nila, hindi ko masasagot yun, yun ang respeto ko sa kanila.
"Kagaya nga ng mga sinabi ko dito, lalo na kay Direk Daryl Yap, di naman kami para manghikayat, e."
NO STANCE IN POLITICS?
Sa Martyr or Murderer, gumanap si Jerome bilang batang Ninoy Aquino, habang ang girlfriend niyang si Sachzna ay gumanap bilang batang Corazon Aquino.
Ayon kay Jerome, hindi isyu sa kanya kung ano ang tema ng proyektong kinabibilangan niya.
Trabaho lang daw ang ginagawa niya at ayaw niyang panghimasukan ang usaping pulitika.
Paliwanag ni Jerome: "Sobrang nag-fall into places lang na, pangit mang tingnan, na dito nabigyan ako ng trabaho despite sa bashing ng mga tao.
"E, ako lang naman, I just do my job, ever since from ABS-CBN.
"Wala naman akong nakitang mali dun sa script na pinortray ko na binigay sa akin."
JEROME on direk vince
Tinanong si Jerome kung nagsabi siya kay Vince na magiging parte siya ng Martyr or Murderer. Second installment ito ng Maid In Malacañang, na katapat noon ang Katips.
"Wala nang paalam,” sagot ni Jerome.
Aniya, tinatanggap niya ang kahit na anong trabaho.
Sabi ni Jerome: "Una sa lahat, in-ask lang ako ni Direk Vince kung puwede ba akong gumanap dun [sa Katips]. Sabi ko, 'Okay.'
"It's work. Ginawa ko. Wala naman akong idea na magiging political o laban ng mga palabas ito."
Nagkita na ba uli sila ni Vince?
Sagot ni Jerome, "Di pa kami nagkikita. Nagme-message kami, pero matagal na rin yun. Matagal kaming di nagkita after the incident na yun.
"As much as possible, ayoko na nga ring magsalita coz I'm not a fan of separation, division, and all. We're here to entertain."
Paliwanag pa rin ni Jerome sa PEP.ph, hindi raw niya akalaing magkakasabay-sabay ang mga proyektong tinanggap niya na magkasalungat ang posisyon tungkol sa usaping pulitika.
Pinagsabihan daw siya ng manager niyang si Avel Bacudio dahil "tanggap lang daw ako ng tanggap ng mga role na di ko man lang daw pinag-iisipan."
Dagdag ni Jerome: "Sabi ko naman, walang samaan ng loob, tao lang ang gumagawa ng isyu."
JEROME ON AKO SI NINOY MUSICAL FILM VERSION
Ngayong 2023, nagkatapat uli ang pelikula nina Vince at Darryl. Ipinalabas ang musical film na Ako Si Ninoy noong February 22, habang ang Martyr or Murderer ay kasisimula nitong March 1.
Ang Martryr or Murderer ay second installment ng Maid in Malacañang, na nakatapatan ang pelikulang Katips.
Ang Ako Si Ninoy ay hango sa buhay ng yumaong Senator Benigno Aquino Jr. at mga karanasan ng taong-bayan noong kapanahunan ng batas militar.
Plano raw ni Jerome na panoorin ang Ako Si Ninoy.
Sa puntong ito, binanggit ni Jerome na cast member siya sa theater version ng Ako Si Ninoy noong 2021.
Balik-tanaw ni Jerome sa ginawang role niya roon: "Oo naman, actually, just to tell you a fact, ginawa ko yung play na yun, teatro.
"It was a theatrical theater play, ginawa ko yun.
"May iba-iba yung karakter, kanya-kanyang buhay ng bawat isang Filipino, may sari-sarili tayong pagiging bayani sa ginagawa natin.
"Ako yung isa dun bilang artista. Naging ano din ako, taong mamamayan, yung nasa likod, ganun, sa teatro."
Sa huli, sinabi ni Jerome na bukas siya na makatrabaho muli si Vince kung mabibigyan siya ng pagkakataon.
"I'm so open working with everyone, basta mabasa ko na muna yung script. Yun naman ang lagi kong sinasabi."
More hot stories on PEP.ph:
- Liza Soberano on people who made her a star: "I wouldn't have the name that I have, if it weren't for them."
- Edu Manzano on son Luis's legal battle: "I don't need to defend him. He's his own man.
- Pokwang fumes at ex-partner Lee O’Brian; calls him "inggrato
- Boy Abunda disappointed with Liza Soberano's "this is me" vlog
