May reaksiyon si Liza Soberano sa pagtawag sa kanya ng “ingrata” at “walang utang na loob” kasunod ng inilabas nitong vlog noong weekend.
Ani Liza, ang mga sinabi niya sa vlog ay batay lamang sa sariling karanasan. Idiniin din niyang “grateful” siya sa lahat ng pinagdaanan niya sa kanyang career.
“And I acknowledge that I wouldn’t have any of that if everybody along the way wasn’t there with me,” aniya sa exclusive interview ng ABS-CBN reporter na si MJ Felipe ngayong March 1, 2023.
Pinag-usapan si Liza nitong mga nakalipas na araw dahil sa mga pahayag nito sa kanyang vlog ilang araw pa lang ang nakakaraan.
Sinabi niya ritong hindi siya nagkaroon ng kalayaang magdesisyon sa kanyang 13 years sa local showbiz.
Aniya sa video: “During all those years, I was never really asked for my input, my thoughts, my ideas.
“I’ve sacrificed my childhood, I’ve sacrificed my freedom, and I’ve sacrificed my happiness to present Liza Soberano to the world.
“And I think I’ve earned the right to finally be me, to finally be able to do things for me, as Hope Soberano.”
Read: Liza Soberano opens up about people getting “disappointed” with decision to change management
Maging ang pangalang Liza Soberano, na kanyang screen name, ay hindi siya ang pumili. Hope Elizabeth Soberano ang totoong pangalan ni Liza.
Pero hindi lahat ng nakarinig nito ay maluwag na tinanggap ang mga isiniwalat ni Liza, na talent ngayon ng record label at talent agency ni James Reid, ang Careless Music.
Opinyon ng mga kritiko ni Liza, wala siyang utang na loob sa mga nagpasikat sa kanya—ang ABS-CBN network at ang dating manager na si Ogie Diaz.
Inalmahan ito ni Liza sa ABS-CBN interview. Ang mga pahayag daw niya sa vlog ay mukhang nakadepende sa interpretasyon ng mga nakapanood dito.
Nilinaw ng aktres: “But, I know my piece, and I am very grateful.
“Even before I decided to sign for a new management company, I was always there for everybody who has helped me along the way and my journey.
“And even before, the number one thing I would always say to everyone is, 'Thank you, truly grateful.'”

Hanggang ngayon daw ay patuloy siyang nagpapasalamat sa mga taong tumulong sa kanya noon.
At hindi naman daw masama ang loob niya kung pinupuna ang kanyang mga naging pahayag.
“I’m not upset about anything. I’m just stating facts—things I’ve experienced, things I’ve been through, and how I am moving forward from that.”
Kinilala rin ni Liza na napanood niya ang pahayag ni Ogie Diaz, ang kanyang dating manager, noong February 27.
Wala raw siyang tutol sa lahat ng pahayag ni Ogie, na nagbigay-diin sa importansiya ng pakikisama para magtagumpay.
Sinabi rin ni Ogie sa February 27 vlog na dapat magpasalamat si Liza sa ibinigay sa kanyang screen name, dahil ito raw ang dahilan kung kaya siya tumanyag at nagtagumpay bilang artista.
Katuwiran ni Liza rito: “I never mentioned that I didn’t like the name ‘Liza Soberano’ or that I wasn’t proud of it.
“It’s just the fact that I wasn’t the one who chose my name because that’s one thing that a lot of people don’t know about me.”
Mensahe ni Liza kay Ogie: “I want to tell him that I’m very grateful for everything that he has contributed to me—personally and to my career. And I will always be grateful for that.”

OGIE DIAZ REACTS
Ikinuwento ni Ogie sa kanyang vlog nitong Miyerkules kung paano napagdesisyunan ang screen name ni Liza.
Ipinakilala raw noon ang baguhang si Liza kay Star Cinema Executive Malou Santos, na siyang nagbigay ng screen name na “Liza Soberano.”
Kinontra naman ni Ogie ang pahayag ni Liza na hindi siya binigyan ng boses upang magdesisyon sa kanyang career noon.
Ayon kay Ogie, sa lahat ng pagkakataon ay binigyan siya ng ABS-CBN at Star Cinema ng laya para magdesisyon sa mga proyektong gagawin.
Sinabi rin ni Ogie na “pihikan” si Liza sa pagpili ng projects.
Giit ng talent manager, ang final say kung tatanggapin o hindi ang isang proyekto ay nasa talent pa rin.
May panghuling mensahe si Ogie para sa kanyang dating talent.
“Anak, hindi ako galit sa 'yo. Gusto ko lang ipaalala sa 'yo na maraming naging bahagi ng iyong career kaya napunta ka sa itaas.
“Sana hindi mo yan makalimutan, and I’m sure hindi mo rin talaga sila makakalimutan. Pero wag mo naman sila burahin sa iyong alaala.
“Kasi sila pa rin naman ang mga tao na mami-meet mo pag ikaw ay bumalik sa Pinas or nag-concentrate ka ulit ng iyong career dito sa Pilipinas.
“Mami-meet at mami-meet mo yung mga tao na yan.”
Ibinahagi ni Ogie na sinabihan na raw niya noon si Liza na hindi nito kailangan pa ng magha-handle sa kanyang career dahil alam ng aktres ang gusto niyang marating.
Pangwakas na mensahe ni Ogie kay Liza: “Anak, kapag may problema ka, andito lang ang Tito Ogie mo.
“Libre, walang bayad. Lahat ng oras na kakailangan mo ng makikinig sa 'yo at payuhan ka, andito lang ako.
“Alam mo naman, Liza, at the end of the day, magtatay tayo. Hindi mo yan mabubura.”
